ANG karagdagan 2,000 vials ng anti-viral drug na Remdesivir, na binili ng pamahalaang lokal ng Lungsod ng Maynila ay dumating na. Ito ay gagamiting panggamot sa mga pasyenteng tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19)
“Dumating na po yung additional order ko ng Remdesivir. Mga taga Maynila, I’m happy for you that you have access to this kind of medicine,” pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno sa kanyang Facebook Live nitong Martes ng hapon.
Ayon kay Moreno, unang nakabili ng 2,000 vials ng Remdesivir ang lungsod noong nakaraang taon.
Sinabi ni Moreno na bumili uli sila ng nasabing gamot upang makatulong sa pagliligtas sa mga pasyente na nakakaranas ng moderate at severe cases ng COVID-19.
“Nakabili ulit tayo ng 2,000 vials nitong Remdesivir. Yan po ay nakakatulong sa medium and severe situation nakakatulong po siya. Hindi siya perpekto pero marami siyang buhay na nailigtas,” sabi ng alkalde.
Ayon kay Moreno ang nasabing gamot ay iniaalok ng lokal na pamahalaan sa sinumang nangangailangan nito, base na rin sa assessment ng mga doktor.
“Ang City of Manila ay nakakuha ng compassionate permit para mag-acquire nito. Sa pribadong sector, nagawa nating magpahiram. Sa pampublikong national government hospital, nagawa nating magpahiram at sa iba pang ospital,” sabi ng alkalde.
“Sa mga doktor na nanonood, o mga ospital, kung sakali lang na mangangailangan kayo sa Maynila, sa Metro Manila, saan man sa buong bansa, willing kaming magpahiram,” alok pa nito.
Ang Maynila ay nakapagtala na ng 705 bagong impeksiyon ng COVID-19 nitong Martes ng hapon kaya umabot na sa 3,304 ang active cases. (ANDI GARCIA)
The post 2K vials ng Remdesivir, dumating na sa Maynila – ISKO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: