DAHIL sa pagiging pinaka-una na nagpabakuna sa hanay ng mga mambabatas ay may bagong itinaguri ngayon kay 4th DISTRICT QUEZON PROVINCE CONGRESSWOMAN HELEN TAN na titulo bilang “BAKUNA QUEEN” sa kanilang hanay.
CONGRATULATIONS CONG. DRA. HELEN TAN sa bagong titulong ikinapit sa yo.., yun nga lang masaklap din dahil may mga nadismaya sa tila nakipag-unahan pa itong si MADAM TAN para maturukan na siya ng bakunang panlaban sa COVID-19 gayung hinde naman siya kabilang sa HEALTH WORKERS o FRONTLINERS.
Ang siste pa sa naging pagpapabakuna nitong si CONG. TAN ay malalagay sa pagkapahiya si SPEAKER LORD ALLAN VELASCO dahil nag-atas ito na ang lahat ng miyembro ng KONGRESO ay magpapahuli sa pagpapabakuna.., dahil ang mga KAMARA EMPLOYEE at miyembro ng MEDIA kasama ang kanilang immediate family ang uunahin sa pagpapabakuna. Ang pambili raw ng bakuna ay sasagutin ng KAMARA at libre nilang babakunahan ang mga empleyado kasama na ang mga mamamahayag.
Naku.., hinde kaya nirerespeto o direktang sinuway ni CONG. TAN ang pamumuno ni LORD VELASCO? Tsk-tsk-tsk.., sabagay, nangatuwiran ito na ang kaniyang anak na doktor ay nagtatrabaho sa VETERANS MEMORIAL MEDICAL CENTER at binigyan daw ng prebilehiyo ang mga nagtatrabaho sa naturang ospital na maaaring isama ang kanilang immediate family.
Teka…, kung aktibo si CONG. TAN sa mga aktibidades sa KAMARA DE REPRESENTANTE ay siguradong alam niya ang naging atas ni LORD VELASCO na silang mga mambabatas ay magpapahuli sa pagpapabakuna.., kaso nga, tila hinde ito pinahalagahan at sa halip ay sumige sa pagpapabakuna.
Hinde kaya sumagi man lang sa matalinong kaisipan ni CONG. TAN na siya ay hinde naman kabilang sa MEDICAL FRONTLINERS.., o kaya bilang “OUT OF DELICADEZA” e tinanggihan na lang sana niya ang “offer” at ikatuwiran na hihintayin na lamang niya ang alokasyon para sa mga miyembro ng KAMARA DE REPRESENTANTE.
May tinuran din si BAKUNA QUEEN na hinde raw masasabing VIP treatment kung nauna siya sa mga kapuwa niya kongresista.., dahil kung siya raw ay pa-VIP ay mas hinintay na lang sana niya yung paparating pang ibang mga bakuna na mas popular sa masa.
Sa mga tinuran ni BAKUNA QUEEN ay marami ang nadismaya at bumatikos sa kaniya.., pero hinde ba dapat na yung mga basher at nambabatikos e magpasalamat pa nga dapat sila sa ginawa ni CONG. TAN na nagkusang mauna sa pagpapaturok ng SINOVAC para makumbinsi ang mga tao na magtiwala sa nasabing brand ng bakuna? O kaya ay dapat pasalamatan siya dahil pinagtiyagaan niya ang SINOVAC., di ba mga ka-ARYA?
Sabagay, sa panahon ng krisis o tulad ngayong may pandemya ay may mga maskara ang nalulusaw at natatambad ang tunay na katauhan o karakter ng bawat tao.., pero, ang dapat manaig ay ang tunay na malasakitan sa panahon ng krisis.
Tulad ngayon na may mga bakunang naidating na sa ating bansa para proteksiyon laban sa COVID-19 ay ang mga HEALTH at MEDICAL FRONTLINERS ang dapat maging prayoridad na mabakunahan. Ang mga ito ang nahaharap sa peligro araw-araw na mahawa ng virus dahil sa kanilang pag-aasikaso sa COVID PATIENTS.
Alalahanin po natin na mahirap makakuha ng mga bakuna dahil halos pinakyaw na ng mga mayayamang bansa ang mga bakuna at ito ang isa sa naging pagkaantala sa inaasahan nating pagdating sa mga inorder na bakuna na dapat ay noong 3rd week ng Pebrero naidating.., pero ngayong buwan ng Marso natanggap ng PHILIPPINE GOVERNMENT ang SINOVAC at nitong nagdaang araw naman ang ASTRA ZENICA VACCINE.
Ngayong nagsasagawa na ang mga LOCAL GOVERNMENT UNIT (LGU) ng vaccine rollout ay dapat na higpitan ang pagpapairal sa pagbabakuna sa kung anong sektor ang dapat mauna.., ika nga, may schedule na dapat sundin sa kung sino ang dapat unahing maturukan ng bakuna.
Ang mga panuntunang ito ay alam ng lahat na mga mambabatas.., na mga HEALTH at MEDICAL FRONTLINERS muna ang unang babakunahan ayon sa listahang binuo ng INTERIM NATIONAL IMMUNIZATION TECHNICAL ADVISORY GROUP (NITAG). Ang NITAG ay ang grupo ng mga HEALTH EXPERT na kinukonsulta ng INTER-AGENCY TASK FORCE ON EMERGING INFECTIOUS DISEASES (IATF).
Kaya naman, ang mga miyembro ng KAMARA ay hinde sila kabilang sa mga priority dahil sila ay pang-7 sa ORDER OF PRIORITY bilang GOVERNMENT WORKERS.., maliban na lamang kung senior citizens o persons with comorbidities ang sinumang mambabatas para mapabilang sa mga uunahing mabakunahan.
Eto pa.., dahil sa kabikabilang mga negatibong kumento at pambabatikos ng mga nitizen sa tila pagbibigay importansiya sa mga high ranking official ay kikilos na raw ang DEPARTMENT OF HEALTH (DOH) para alamin at siyasatin ang mga personalidad na hinde naman kabilang sa PRIORITY ng mga babakunahan.., ay sila pa ang nauna sa pila ng mga binakunahan.
May mangyari naman kaya ang gagawin ng DOH na investigation o baka “GRANDSTANDING” lang ang kalalabasan para masabing kumilos ang naturang ahensiya.., dahil ang mga involved ay pawang mga pinagkakatiwalaan ni PRESIDENT RODRIGO DUTERTE tulad nina SECRETARY CHARLIE GALVEZ, SEC. VINCE DIZON at MMDA CHAIRMAN BENHUR ABALOS na unang mga nagpaturok ng SINOVAC!
***
Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com o magtext sa 09085841303 para sa inyo pong mga panig.
The post Ang “Bakuna Queen” ng Kongreso, bow! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: