MAY plano na bumisita si Pope Francis sa pagdiriwang ng ika-500 taon ng pagdating ng Kristiyanismo sa Filipinas. May plano na imbitahan si Pope Francis na pumunta sa Filipinas at dumalo sa pagdiriwang. Hindi natuloy sapagkat nagsalita ng hindi maganda si Rodrigo Duterte kontra sa Simbahang Katoliko. Walang dahilan upang ituloy ang planong pagbisita ng Santo Papa sa bansa kung hindi kanais-nais ang inasal ni Duterte.
Hindi nagkaroon ng init sa planong pagbisita ng Santo Papa sa Filipinas. Hindi ito pinagsikapan ng DFA; walang malinaw na direktiba mula kay Duterte. Alam kasi niya na pagsasabihan siya ng Santo Papa katulad ng nangyari kay diktador Ferdinand Marcos nang unang bumisita si Pope John Paul II ditto noong 1981. Kilala si Marcos sa buong mundo bilang isang human rights violator.
Malaki ang pagkakahawig ni Marcos at Duterte. Pareho sila na human rights violator manatili lamang sa poder. Kung natuloy ang bisita ng Santo Papa sa taong ito, malaki ang posibilidad na pag-uusapan sa buong mundo ang usapin ng karapatang pantao sa Filipinas at record ni Duterte. Iyan ang kinatatakutan ni Duterte sa lahat. Mahina ang dibdib ni Duterte pagdating sa pandaigdigang opinyon sa kanya.
Apat na beses bumisita ang Santo Papa sa Filipinas. Nauna si Pope Paul VI sa Maynila noong 1970. Bumisita ng dalawang beses sa bansa si Pope John Paul II noong 1981 at 1995. Noong 2015, bumisita si Pope Francis sa Maynila at Tacloban City na sinalanta ng bagyong “Yolanda.” Tamang-tama sana na pumunta ang Santo Papa sapagkat nagmisa sa isla ng Limasawa noong ika-21 ng Marso, 1521.
Mas minarapat ni Pope Francis na pumunta sa Iraq, ang bansa sa Gitnang Silangan na pinaghati-hati ng karahasan, kaguluhan, at pagkawatak-watak ng mga naglalabu-labong puwersa tulad ng ISIS, Muslim na Shia at Sunni, at Kristiyano. Malaki ang isinugal ng Santo Papa sa pagpunta sa Iraq. Papahilom pa lang ang sugat na dinala ng bansa sa nakalipas. Papasidhi pa doon ang pandemya.
Kanlungan ng iba’t ibang relihiyon sa kasaysayan ang Iraq na kilala bilang Mesopotamia. Ito ang unang pagkakataon na pumunta ang Santo Papa doon. Kinausap ang pinakamataas ng lider ng relihiyong Shia Muslim sa bansa na si Ayatollah Sistani upang pagbuklurin ang relihiyong Kristiyanismo at Shia Muslim. Mayroon 1.2 milyon Kristiyano sa Iraq bago ang digmaan. Bumaba na ito ngayon sa 250000.
Bumisita ang Santo Papa sa makasaysayang siyudad ng Ur na pinaniniwalaang lugar ng kapangnakan ng propetang Abraham. Pumunta rin siya sa dating siyudad ng Mosul kung saan inapi ang mga Kristiyano ng mga sundalong ISIS. Sa pangkalahatan, tagumpay ang bisita g Santo Papa sa Iraq sapagkat nagkasundo ang iba’t-ibang puwersa na maggalangan bagaman magkakaiba ang kanilang relihiyon.
***
PAGDATING sa usapin ng bakuna, isa ang Filipinas sa pinakamalaking tagatanggap ng mga donasyong bakuna. Dahilan: isa ang Filipinas na may pinakamalaking populasyon sa mundo; aabot sa 110 milyon. Ngunit kahilera ng Filipinas ang mga pobreng bansa sa Africa na pawang nakaabang sa limos na bakuna ng mga mauunlad na bansa.
Ayon sa Bise Presidente Leni Robredo sa kanyang lingguhang programa sa radio, “Biserbisyo,” kahit na maituturing ang Filipinas bilang isang bansa na may malaki-laking kita, kasama lang ang Cambodia sa Asya at Moldova sa Europa, at ang mga mahihirap na bansa sa Africa tulad ng Angola, Cote d’Ivore, and Democratic Republic of Congo. Kasama sa talaan ang Gambia, Ghana, Kenya, Lesotho, Nigeria, Rwanda, Sudan, at Senegal.
Hindi nagpaliwanag ang Bise Presidente kahit malinaw ang dahilan: kapabayaan at maling pagtaya sa pandaigdigang sitwasyon. Ang buong akala ng gobyernong Duterte ay madali nilang makukumbinsi ang buong daigdig na bigyang ng bakuna ang Filipinas dahil wala silang sapat na salapi. Hindi nila alam na dadaan sila sa butas ng karayom sapagkat kilala ang Filipinas bilang isang bansang lumalabag sa karapatang pantao ng sariling mamamayan.
Bibigyan ang Filipinas na tulong sa anyo ng bakuna mula sa mga mauunlad na bansa ngunit hindi ito agad-agad. Sa totoo, nasa dakong hulihan ang Filipinas dahil sa reputasyon bilang lumalabag sa karapatang pantao. Hindi prayoridad ang Filipinas, sa maikli.
Ikinatuwa ng Bise Presidente ang mga darating na bakuna sa bansa kahit pawang mga donasyon ang mga ito. Sa programa niya, ipinakita niya ang mga graph kung saan nakalista ang mga bansang aktibong nagbibigay ng donasyon sa ilalim ng Covac facility ng World Health Organization. Pinakamalaking donasyon ang ibinigay ng Estados Unidos sa Covax facility na umaabot sa $4.0 bilyon.
Sumusunod sa Estados Unidos ang Alemanya, $1.1 billion; United Kingdom, $735 milyon; European Union, $489 milyon; at Japon, $200 millyon. Ang Covax facility ay donasyon ng mga mauunlad na bansa s bakuna para sa mga mahihirap na bansa. Ang WHO ay ang nangangasiwa sa pagbibigay.
***
MINSAN sa isang linggo lumalabas si Rodrigo Duterte at Pangalawang Pangulo Leni Robredo. Gamit ng Bise Presidente ang radyo sa pakikipagtalastasan sa mga tao. Gamit ni Duterte ang PTV 4, ang pinagsamang pasilidad ng telebisyon at radio sa pagharap sa publiko.
Kapansin-pansin ang malaking pagkakaiba sa dalawang programa. Nakakalamang ang positibong balita sa programa ng Bise Presidente. Mayroon itong bahagi na kinakapanayam niya ang mga taong may positibong kontribusyon sa iba’t ibang takbo ng buhay. Mga modista, sastre, tindera, at mga karaniwang nilalang sa iba’t-ibang pamayanan. Kinakausap niya ang mga ito upang ibahagi ang kanilang positibong kontribusyon sa kanilang komunidad.
Kay Duterte naman ay upang mapahiya ang mga taong tinatatakan niya bilang korap at walanghiya sa serbisyo publiko. Binabanggit ang pangalan kahit hindi malaman ng mga mamamayan kung may sakdal na sila sa hukuman o Civil Service Commission. Pawang hindi makalaban ang mga ipinapahiya iya dahil alam nila na nasa poder si Duterte.
***
SIYAM ang patay at anim ang nahuli sa operasyon na isinagawa ng mga pulis at sundalo sa Calabarzon. Kabilang sa puwersang makakaliwa a ang binakbakan ng mga pulis at sundalo. Nagpapakita ng kakaibang lakas si Duterte sa daigdig. Ipinapakita niya na kayang-kaya niya na labagin ang karapatang pantao. Nais niyang ipakita na lalaban siya mapanatili lamang ang sarili sa poder.
Ipinakita ni Duterte ang kakayahan dahil pinaniniwalaan niya back-up siya ng China. Kamakailan, ipinahayag ni U.S. State Secretary Antony Blinken na haharapin ng Estados Unidos ang China at itataguyod ang usapin ng karapatang pantao sa Asya. Pinaniniwalaan na aalisin ng Estados Unidos si Duterte sa puwesto dahil sa pagkiling sa China.
Hindi natin alam kung ano ang foreign policy ng Estados Unidos sa Filipinas. Wala pa opisyal na ibinababa ang State Department. Kung hinayaan siya noon ni Donald Trump, inaasahan na baligtad ito sa administrasyon ni Joe Biden. Walang respeto si Biden kay Duterte. Walang-wala.
Kamakailan, niliwanag ni Blinken ang pagbabago sa foreign policy ng Estados Unidos: 1. tapusin ang pandemya na dala ng Covid-19; 2. buhayin ang ekonomiya ng Estados Unidos sa loob at labas ng bansa; 3. palaganapin ang diwa ng demokrasya sa buong mundo; 4. pagbabago sa imigrasyon, o pagtanggap ng mga dayuhan; 5. pagpapalakas sa mga alyansa sa ibang bansa; 6. pagpigil sa pagbabago ng klima (climate change); 7. paniniguro sa liderato ng Estados Unidos sa larangan ng teknolohiya; at 8. pagharap at pagbaka sa China.
***
QUOTE UNQUOTE: “: “As I reflect on the Duterte appeal to the masses, I have trouble relating it to the building of a great nation. Rather, his Govt takes the worst of Filipinos, the angers, ignorance, insecurities, and excuses, and elevates them as the national model, energizing dysfunction.” – Joe America, netizen
“Hindi ka nag-iisa, Sen. Leila. Inosente si Leila de Lima. Matino at marangal na tao si Leila de Lima. Hindi makatarungan ang pagkakapiit ni Leila de Lima, at dapat na siyang palayain sa mismong sandaling ito.” – Vice President Leni Robredo
“Ok. Ang pagkakaalam ko ang Covax vaccines were really meant to be donations (the Bill and Melissa Gates Foundation spearheaded it for poor countries that need but can’t afford vaccines.) That begs the question: Saan napunta yung trilyones na hiniram natin para bumiling vaccine?” – Bart Guingona
The post Santo Papa appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: