INATASAN ni Manila Mayor Isko Moreno si barangay bureau director Romeo Bagay na magpatupad ng ‘automatic lockdown’ sa mga barangay na magrerehistro ng mataas na kaso ng COVID-19.
Sa ginanap na regular meeting ng mga hepe ng iba’t-ibang departamento, kagawaran at tanggapan, nanawagan din si Moreno kay Manila Police District director P/BGen Leo Francisco at sa lahat ng station commanders na istriktong ipatupad ang minimum health protocols at ordinansang nag-uutos sa pagsusuot ng face masks at gayundin ang pagpapatupad ng curfew.
Inatasan din si Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) chief Dennis Viaje na pakilusin ang COVID-19 marshals ng lungsod upang mapaigting ang kampanya kontra COVID-19 at tiyakin na tumutugon ang mga residente sa mga ipinaguutos ng naaayon sa itinakdang reglamento sa panahon ng pandemya.
Sa kanyang serye ng mga direktiba, ay napuna ni Moreno ang nakakaalarmang pagtaas sa bilang ng kaso ng COVID sa lungsod at sa bansa sa pangkalahatan.
Ayon pa sa alkalde ay magiging mahalaga ang dalawang susunod na linggo at nais niya na ang lahat ng mga residente na naging pabaya sa kanilang proteksyon kontra COVID-19 nitong mga nakalipas na araw ay mapaalalahanan na ang COVID ay naririyan lamang sa ating paligid.
Noong isang linggo ay inilarawan ni Moreno ang sitwasyon ng COVID sa lungsod na ‘nakakabahala’, matapos na magrehistro ng record-high na 196 positive cases sa loob ng isang araw.
Tumaas din ang COVID bed capacity and occupancy sa six city-run hospitals kung ihahambing sa nakalipas na apat na buwan.
Dahil dito ay muling iginiit ni Moreno sa publiko ang kanyang panawagan na huwag magpabaya sa kanilang proteksyon sa katawan at patuloy na sumunod sa itinakdang basic health protocols tulad ng pagsusuot ng face masks, physical distancing at umiwas sa mass gatherings.
Samantala ay binigyan naman ni Moreno ng mga bulaklak ang mga kababaihan na dumalo sa ginanap flag-raising ceremony noong Lunes sa City Hall sa pangunguna ni Vice Mayor Honey Lacuna.
Binigyan din ng alkalde ng mga bulaklak ang mga lady cops, female councilors at city officials bilang pagkilala sa mga kababaihan sa paggunita ng National Women’s month. (ANDI GARCIA)
The post ‘Automatic lockdown’ sa barangay — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: