Facebook

Bakit ayaw gamitin ng PNP ang body cams sa mga operasyon; at P10K ayuda Bill tinutulugan sa Kamara

NAGTATAKA ako kung bakit ayaw gamitin ng pambansang pulisya ang kanilang body cameras sa mga operasyon tulad ng search warrant, arrest warrant, drug-buy bust at sa checkpoints?

Binigyan sila ng P288 milyon para makabili ng body cams para sa kanilang mga operasyon upang sa ganun ay hindi na sila maakusahan ng tanim ebidensiya, rubout at hulidap.

Tingnan nyo ang nangyaring pagsilbi nila ng search warrants sa mga napatay na 9 aktibista sa Calabarzon. Kung may body cams sila, dili sana’y may ebidensiya silang ipakikita sa publiko na nanlaban/namaril nga ang mga nasawi sa operasyon.

Yung pagpaslang kay Calbayog City, Samar Mayor Ronaldo Aquino. Kung may bodycams sila, wala na sanang kuwestyon dito ng “ambush” at paniniwalaan na “shootout” ang nangyari.

Yung pulis na nahuli-cam na nagpaputok ng baril ng 3 beses sa tabi ng napatay na “drug suspect” sa Valencia, Bukidnon, kung may bodycam sila (operatives), dili sana’y nakontra ang viral video ngayon na kuha ng kamag-anak ng napatay. Mismo!

Balit kasi ayaw gumamit ng body cams ang PNP sa kanilang operations? Nakapagtataka, mga pare’t mare, di ba? Why?

Ano na nangyari sa Senate inquiry ni dating Chief PNP ngayo’y Senador Ronald “Bato” Dela Rosa hinggil sa pag-utos niya sa PNP na gamitin sa mga operasyon ang body cams na binili nila noon pang 2019! Ningas-cogon lang ba yun?

Chief PNP Debold Sinas, General, explain!

***

Hanggang ngayon hindi parin kumikilos ang liderato ng Kamara de Representante para aksyunan ang ‘Bangon Pamilyang Pilipino Assistance Program’ o P10k ayuda bill na magbibigay ng kahit konting ginhawa sa ating mga kababayan na patuloy na dumaranas ng kahirapan dahil sa epidemya ng COVID-19.

Pebrero 1, 2021 pa ito inihain sa kamara ng alyansang ‘Balik sa Tamang Serbisyo’ na pinangungunahan ni dating Speaker Alan Peter Cayetano, Camarines Sur Representative Lray Villafuerte, Batangas Rep. Raneo Abu, Laguna Rep. Dan Fernandez, Bulacan Rep. Jonathan “Kuya” Sy-Alvarado, ANAKALUSUGAN Partylist Rep. Mike Defensor kasama din si Taguig Rep. Lani Cayetano ngunit hanggang ngayon ni isang pagdinig ay hindi pa din ginagawa tungkol sa panukala. Ini-refer ito sa House Committee on Social Services sa halip na sa House Committtee on Appropriations. Tsk tsk tsk…

Ang panukalang ito ay magbibigay ng P1,500 sa bawat miyembro ng pamilya o P10k sa bawat pamilya (alin man ang mas mataas) bilang tulong sa mga pamilyang Pilipino na hanggang ngayon ay nakadapa dahil sa pahirap ng COVID-19. Kasama sa mga benepisyaryo nito ay ang mga matatandang mamamayan, mga may kapansanan, solo na magulang, mga nawalan ng trabaho, medical frontliners, mga pamilya ng OFWs, mga indibidwal na hindi nakakuha ng ayuda ng Social Amelioration Program (SAP), may mga Philippine National ID, at mga miyembro ng vulnerable sektor.

Bakit tila hindi ramdam ng kamara ang pangangailangan para sa P10k ayuda? Sana ay maisip ng mga mambabatas na milya milya pa ang hahabulin natin para mabakunahan ang mayorya ng ating mga kababayan. Kauumpisa palang natin magbakuna at patingi-tingi pa ang mababakunahan sa ngayon dahil kulang na kulang ang supply ng COVID-19 vaccines sa gitna ng mataas na demand para rito ng buong mundo. Baka naman hindi updated ang ating mga kongresista sa mga balita ngayon? Hindi ba nila napapansin na ilang araw nang sumisirit ng hanggang 3,500 ang mga nagkakasakit ng COVID-19 kada araw? Sinasabi ng ilang eksperto na tila ito na ang second wave ng COVID-19 sa bansa dahil nag-uumpisa ng rumagasa ang hawaan ng UK at African Variant ng COVID-19 sa bansa.

Si Cayetano na mismo ang nagsabi na sana ay huwag politikahin ang paghahain nila ng P10K ayuda dahil hindi dapat hinahaluan ng pamomolitika ang pagtugon sa gutom at pagkalam ng sikmura ng marami sa ating kababayan. Mismo!

Sa katunayan, hinamon ng dating speaker at ng iba pang may akda ng House Bill 8597 o P10k ayuda ang liderato ng kamara na i-adopt ang naturang panukala at alisin na lamang ang kanilang mga pangalan bilang may akda nito kapalit ng pagtalakay sa naturang panukalang batas.

Kung tutuusin, hindi mahihirapan maghanap ang gobyerno ng pera para pondohan ang P10k ayuda bill dahil ayon mismo kay Cayetano ito ay magmumula sa unutilized funds ng Bayanihan 2 at mula sa 2021 National Budget. Kailangan lang talaga akysyunan ito ng kamara sa lalong madaling panahon.

Inaasahan ng mga health experts na sa kabila ng pagbabakuna ay mas tumindi ang epekto ang COVID-19 sa bansa dahil sa UK at African variants. Ito na ang tamang panahon para pagulungin ng mabilis ang anumang maaaring dagdag – tulong para sa ating mga kababayan. Huwag na nating hintayin na lumala pa ang sitwasyon dahil kumakalat na naman ng mabilis ang COVID-19 virus.

Tila yata totoo ang kasabihan na mahirap gisingin ang nagtutulog- tulugan dahil mas inuna pa ipasa ng kamara ang panukalang batas na magtatanggal ng billboards sa panahon ng bagyo kaysa sa P10k ayuda bill na kailangang-kailangan ng Pilipino.

Mga ma’am at mga sir, baka naman!

The post Bakit ayaw gamitin ng PNP ang body cams sa mga operasyon; at P10K ayuda Bill tinutulugan sa Kamara appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bakit ayaw gamitin ng PNP ang body cams sa mga operasyon; at P10K ayuda Bill tinutulugan sa Kamara Bakit ayaw gamitin ng PNP ang body cams sa mga operasyon; at P10K ayuda Bill tinutulugan sa Kamara Reviewed by misfitgympal on Marso 09, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.