NARINIG o naalala nyo pa ba ang “Hakuna Matata” sa palabas na The Lion King? “What a wonderful phrase. Ain’t no passing craze. It means no worries for the rest of your days.”
Dumating sa eksenang ito ang pelikula nang lumayas si Simba mula sa Pride Rock matapos patayin ni Scar si Mufasa at ibintang ito sa kanya. Sa paglalayas na ito nakilala ni Simba si Timon at Pumbaa na may ganitong pilosopiya sa buhay. Ito anila ang sagot sa kanyang mga pinoproblema sa buhay.
“Hakuna-matata.” Huwag problemahin ang problema. Mula ito sa salitang Swahili ng East Africa na ang pakahulugan ay “no trouble” o “no worries”.
Sa kaugnay na tema ay ginawa naming titulo ng isang webinar tungkol sa vaccination ang “Bakuna Matata” na inilunsad ng Nagkaisa labor coalition kahapon. Pero hindi para huwag problemahin ang bakuna kundi alamin ang siyensiya at mga problemang bumabalot sa pag-rollout nito sa bansa laban sa Covid-19.
Sa totoo lang ay hindi ‘trouble-free’ o ‘problem-free’ ang rollout ng bakuna sa bansa. Tadtad ito ng kontrobersiya mula sa isyu ng mahal na presyo at efficacy (Sinovac) at kontrabandong naiturok (Sinopharm) sa mga alagad ng Presidential Security Group (PSG). Bukod pa ito sa mga ulat ng kapalpakan sa proseso ng procurement at pagiging kulelat ng bansa sa agawan ng suplay ng mga bakuna. Maging ang hamunan at atrasan kung sino sa ba sa mga opisyal ng gubyerno ang handa at unang magpaturok.
Kaya’t kung ikaw si Simba sa panahong ito, baka ang maging tingin mo kay Timon at Pumbaa ay mga dahong nakalutang sa hangin. Walang pakiramdam. Pero alam nyo ba na maraming Timon at Pumbaa sa isyu na bakuna?
Dahil may mga totooong vaccine-denier, ibig sabihin, hindi naniniwala sa bakuna alinman sa mga brand nito. May kilusan pa nga para dito sa buong mundo na nagmula sa mga napag-aralan nilang side-effects ng mga naunang bakuna sa sangkatauhan. Mayroon din na ang mas dahilan ay hindi kasi sila naniniwala sa virus at pandemya dahil likha lang daw ito ng sabwatang pharma industry at masmidya. Mayroon namang ang pananaw ay mas marami pang namamatay sa ibang sakit kumpara sa Covid, o nakakaligtas kaysa natitigok sa impeksyon na ito kung kaya’t para saan pa raw ang bakuna?
Ang masasabi ko lang tungkol dito ay nirerespeto ko ang kanitong posisyon at sa gayon, ang kanilang pagtanggi sa bakuna ay dapat ding respetuhin. Bawal sa bakuna ang pilitan dahil ang dapat masunod sa bagay na ito ay ang may-ari ng kanyang katawan. Ito ay pundamental na karapatan. Life and liberty.
May pasubali lang ako na sa kondisyon ng isang pandemya, ang halaga ng indibidwal na karapatan ay hindi dapat nakasalungat sa karapatan ng mas marami na nais umiwas sa pinsalang dala ng virus, aktwal man ito o nasa antas lang ng pag-iingat. Kaya’t hindi rin mali na manghikayat sa programa para sa kapakanan ng nakararami.
Sa webinar kahapon ay ipinakita ni Dr. Aileen Espina ng Health Professionals Alliance Against Covid-19 (HPAAC) ang maraming perspektiba tungkol sa bakuna, ang siyensya sa likod nito, at ang mga problemang kanilang kinakaharap. Isa-isang ipinakilala sa amin ang mga brands batay sa kanilang teknolohiya, efficacy rate, bentahe at disbentahe ng bawat isa, at ang kahalagahan ng mga susunod pang impormasyon mula sa malawakang pag-aaral na patuloy na isinasagawa ng mga ekperto sa buong mundo. Ibig sabihin, ang pag-aaral tungkol dito at sa iba pang variants ng virus ay wala pang endo.
Sa webinar ay hindi maiwasan na may magtanong tungkol sa alin ba sa mga brands ng bakuna ang pinakaepektibo. Kung efficacy rates ang pagbabasehan, pasado ang mga ito, maliban sa Sinovac kung saan “no comment” pa si Dr. Espina dahil hindi pa umano kumpleto ang impormasyon tungkol dito mula sa regulators.
Naalala ko rin ngayon na sa mga nakaraan kong artikulo noong kasisimula pa lamang ng pandemya ay nabanggit ko na hindi tayo dapat magpanic sa virus dahil naniniwala ako noon na hindi magtatagal at maiibento rin ang bakuna para sa Covid-19 dahil sa maagang pagkakatuklas ng genom code ng virus. Hindi ako nagkamali. Wala pang isang taon ay mayroon nang bakuna, napakabilis kumpara sa mga naunang bakuna na inaabot ng ilang taon o dekada bago masertipikahan.
Ang problema na lamang ni Simba ngayon ay kung paano babaguhin ang kalakaran kung saan ang sakit at pandemya ay naging isang malaking komersyal na industriya. Na sa kabila ng krisis ng sangkatauhan ay may mga korporasyong yumayaman dahil nag-uunahan sa trilyones na halaga ng merkado sa bakuna habang nakadapa ang ekonomiya ng maraming bansa. Habang sa krisis ng kawalan at inekwaliadad sa ekonomiya ay walang maibentong bakuna.
Hakuna-matata? Ang tanong ni Simba kay Timon at Pumbaa ay kailan ba matatapos ang problema? Kailan magbabago ang ganitong sistema?
The post Bakuna matata appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: