MATINDI talaga ang pangangailangan ng marami ngayong pandemya. Pati ba naman ang isang pilantropong doktor na kagaya ni Dr. Ted Martin ay nabiktima pa ng isang hacker?
Itong si Doc Ted ay director ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) na isa sa anim na ospital na pinatatakbo ng pamahalaang-lokal ng Maynila.
Nananawagan si Doc Ted sa lahat mga nakakakilala sa kanya, kaibigan at kamag-anak, na huwag pansinin ang anumang solicitation o panghihingi ng tulong ng isang taong nagpapakilalang siya, gamit ang kanyang Facebook account.
Mismong mga kaibigan at kaanak ni Doc Ted ang nagpaabot sa kanya ng balita na may nanghihingi ng pera at nangungutang gamit ang kanyang account. Dahil daw ‘yan sa siya ay na-stranded sa ibang bansa at naaksidente ang kanyang anak.
Maging ang kanyang mga kaibigan at kamag-anakan mula sa ibang bansa ay napadalahan din daw ng parehong mensahe kung saan nanghihingi si Doc Ted ng mula P30,000 hanggang P40,000 para daw pambili ng gamot para sa kanyang nadisgrasyang anak.
Ang gusto pa ng impostor, sa GCash ipadala ng kung sinumang tutulong ang tulong pinansiyal para sa maging mabilis umano ang transaksiyon. Nagmamadali talaga ang mokong.
Gustuhin man niyang magsampa ng kaukulang reklamo, sinabi ni Martin na sobrang abala siya sa kasalukuyan dahil sa biglang pagtaas ng COVID-19 cases sa Tondo kung saan naroon ang GABMMC.
Pikang-pika si Doc Ted dahil sa gitna ng mga pangyayaring dulot ng pandemya ay may mga nagagawa pang mambiktima ng kapwa para lang kumita ng perang hindi pinaghirapan.
Sabin ni Doc Ted, tatanawin daw niyang malaking utang na loob kung sinuman ang makakagawa ng paraan para ma-entrap ang hacker o hackers na nagtangkang mambiktima sa kanya at sa kanyang mga kaibigan at kamag-anak.
Sana nga ay may ma-entrap ang loko at mahuli para di na dumami pa o gayahin ng iba.
Talaga namang nakakagalit ang hacker na ito dahil kilalang-kilala si Doc Ted bilang isang napakabuting tao, bukod pa sa napakagaling at napakabait na doktor.
Di na mabilang ang mahihirap na natulungan nito nang libre at napagaling sa ibat-ibang uri ng sakit gamit ang kanyang pagkadalubhasa at dahil lang sa sobrang malasakit sa mga hindi kayang gumastos sa pagpapagamot.
Tapos ganyan ang isusukli ng walanghiyang hacker. Talaga nga naman.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.
The post Dr. Ted Martin ng GABMMC, nagpapatulong laban sa hacker appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: