Facebook

Bigo ang EJK laban sa mga drug pusher at adik — Pabillo

NAPAKARAMI nang Filipino na nagsabing bigo ang “extra judicial killings” (EJK) laban sa mga drug pusher at adik.

Isa diyan si Bishop Broderick Pabillo.

Sa hindi mga nakakilala kay Pabillo, siya ang administrador ng Archdiocese of Manila.

Sa kanyang homily nitong Linggo, binigwasan ni Pabillo ang madugong kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga.

Aniya, isang “utter failure” ang EJK na nagaganap sa termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pokaragat na ‘yan!

Tanong pa ni Pabillo: “We have to admit that the so-called war on drugs is an utter failure. How many thousands were killed or have been killed, and how many of them were children and the elderly who serve as collateral damage?”

Ito ang sagot. Batay sa rekord ng Philippine National Police (PNP) na ibinalita na rin sa media, mahigit tatlong libo ang napatay na mga taong sinasabing sangkot sa bentahan at paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot.

Mahigit anim na libong katao naman ang nakasulat sa rekord ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na natodas sa operasyon simula 2016.

Nakasaad sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na ang PNP at PDEA ay kinakailangang magkaroong ng koordinasyon at tulungan sa isa’t isa sa lahat ng operasyon laban sa ilegal na droga.

Ngunit, nakapagtataka namang magkaiba sila ng datos.

Pokaragat na ‘yan!

Ano kaya ang datos na hawak ng Dangerous Drugs Board (DDB)?

Kung mayroon man, tugma ba ito sa PDEA na kanyang pinangangasiwaan, o sa PNP?

Tanong uli ni Pabillo: “After all these killings, has the use of illegal drugs in the country lessened?”

Syempre hindi!

Alam naman ng napakaraming Filipino na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang bentahan ng ilegal na droga batay sa na rin sa mga ulat hinggil sa patuloy na operasyon ng PNP at PDEA.

Kabilang diyan ang tatlong nasakote ng mga pulis sa Lungsod ng Cabanatuan nitong Sabado na mga miyembro ng malaking sindikato ng droga na pinamumunuan ng isang drug lord na nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP), banggit ni Lt. Col. Bernard Danie Dasugo, hepe ng pulisya sa Cabanatuan.

Pokaragat na ‘yan!

Tinukoy ni Dasugo ang mga pangalan ng tatlong nasakote sa buy -bust na sina Michael Correa alyas “Paleng”, Teresita Francisco alyas “Tess” at Celedonia Caseria alyas “Ine”.

Natiklo ang tatlo sa Barangay Campo Tinio sa ganap na 2:30 ng umaga ng Marso 13 kung saan mahigit isang milyon ang kabuuang halaga ng methamphetamine hydrochloride, o shabu, ang nakumpiska sa tatlo.

Matindi ang impormasyong isiniwalat ni Dasugo.

Kaya, nararapat lang na magsagawa ng follow – up operation ang kanyang yunit, o ang Drug Enforcement Group (DEG) ng PNP na pinamumunuan ni Brig. Gen. Ronald Lee, lalo pa’t inamin ni Dasugo na nakatakas ang kasamahan ng tatlo.

Nito namang Linggo, umabot sa P20.4 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa nahuling drug dealer daw na si Ejek Ali Abduhalim sa Sulu.

Sa Cavite rin ay mahigit isang milyon ang nakuhang shabu sa naganap na isang buy -bust operation.

Hindi rin maubus-ubos ang bentahan ng shabu at ng iba pang iligal na droga sa iba’t ibang mga lugar sa National Capital Region (NCR).

Kaya, huwag nating sisihin si Bishop Pabillo na husgahang bigo ang EJK ng administrasyong Duterte laban sa mga drug pusher at adik

The post Bigo ang EJK laban sa mga drug pusher at adik — Pabillo appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bigo ang EJK laban sa mga drug pusher at adik — Pabillo Bigo ang EJK laban sa mga drug pusher at adik — Pabillo Reviewed by misfitgympal on Marso 16, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.