Facebook

Bong Go: Matakot sa COVID-19, ‘wag sa bakuna

MULING ipinaalaala ni Senator Christopher “Bong” Go sa mga Filipino na huwag matakot sa COVID-19 vaccines kundi sa mismong virus sa pagsasabing ang pagbabakuna ay napakahalaga bilang unang hakbang na maibalik sa normal ang sitwasyon sa bansa.

“‘Wag kayong matakot sa bakuna, matakot kayo sa COVID-19. Ang COVID-19 po ang nakamamatay. Ang bakuna lang ang tanging solusyon. Magtiwala lang po tayo sa ating gobyerno at ginagawa naman ng gobyerno ang lahat,” sabi ni Go matapos ang panayam sa kanya sa Laging Handa noong Lunes.

Sa kabila ng mga pag-aalala sa bakuna na pinalala pa ng mga kumakalat na fake news, sinabi ni Go na lumalakas na rin ang tiwala rito ng publiko.

Aniya, sa kanyang pagbisita sa mga komunidad na pinalubog ng krisis ay nalaman niyang dumarami na ang Filipino na nagnanais o handa nang magpabakuna.

“Alam n’yo po, sa kakaikot ko sa buong bansa, sa mga nasunugan, nabahaan at iba pang sakuna, nakikita ko paunti-unti marami nang gustong magpabakuna. ‘Di tulad noon na less than 10% ang nagtataas ng kamay, ngayon papunta na sa kalahati ang gustong magpabakuna,” ani Go.

“Pero ngayon kunin muna natin ang tiwala ng taumbayan dahil marami pa rin ang takot. Inuuna natin ang frontliners dahil sila ang isinabak natin sa giyerang ito. Dapat armasan natin sila. ‘Di natin nakikita ang kalaban,” idinagdag niya.

Kaugnay nito, kinumpirma ni Go ang pagdating sa bansa ng milyong Sinovac doses na binili ng gobyerno sa Villamor Air Base, Pasay City noong Lunes.

“Malaki po ang maitutulong nito. Meron na tayong mahigit 1.5 million (na bakuna). Dahil sa additional one million doses, enough na to cover around 1.26 million frontliners na prayoridad natin sa pagbabakuna,” ayon kay Go na tumutukoy sa 1 million doses na donasyon ng Sinovac at higit kalahting million na doses ng AstraZeneca mula sa COVAX facility na natanggap kamakailan.

“Unahin natin frontliners, then senior citizens and indigent (Filipinos) and media nasa A4 na sila. Pababa nang pababa ‘yan,” paliwanag ni Go ukol sa priority process ng vaccination.

Nakiusap ang senador sa mga local government units na sudin ang vaccine priority list at itigil ang VIP vaccinations.

“Nakikiusap ako sa mga kababayan natin, ‘wag tayo magpa-VIP. Unahin natin ang frontliners. Kulang pa ang bakunang dumarating, cooperate tayo, sundin ang priority list,” giit niya.

“Please lang po sa wala sa priority list, ‘wag kayo magpaimportante. Unahin natin ang mga frontliners dahil sila ay isinabak natin sa gyerang ito,” anang mambabatas.

Umapela rin si Go sa gobyerno na pabilisin ang pamamahagi ng social amelioration sa mga Filipino na apektado ng istriktong quarantine restrictions.

“I am appealing sa national government, ‘yung ayuda po bilisan n’yo na po. ‘Wag n’yo na pong tagalan. Naghihintay po ang ating mga kababayan para d’yan dahil nahihirapan at ayaw natin may magutom na kababayan natin,” aniya.

“Pakiusap lang po, sa lalong madaling panahon ay bigyan natin ng ayuda ang mga mahihirap,” pakiusap ng senador. (PFT Team)

The post Bong Go: Matakot sa COVID-19, ‘wag sa bakuna appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go: Matakot sa COVID-19, ‘wag sa bakuna Bong Go: Matakot sa COVID-19, ‘wag sa bakuna Reviewed by misfitgympal on Marso 30, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.