Facebook

MEDIA/MAYORS/BUMBERO, ISAMA SA PRIORITIES SA BAKUNA – ISKO

UMAPELA si Manila Mayor Isko Moreno sa mga awtoridad na namamahala sa rollout ng COVID-19 vaccines na isama na sa listahan ng priorities ang mga miyembro ng pamatay sunog, media at mga mayors dahil sa kanilang papel na ginagampanan bilang mga frontliners din sa gitna ng pandemya.

Klinaro ni Moreno na hindi siya kasama sa kanyang panukala na isama ang mga mayors sa listahan na mauuna sa bakuna kahit pa ilan sa mga kapwa niya alkalde ay tinamaan na ng COVID-19 kabilang na ang napaulat na pagkakaroon nito sa pangalawang pagkakataon ni Quezon City Mayor Joy Belmonte at ang pagkamatay ng Famy, Laguna Mayor Edwin Pangilinan dahil din sa COVID-19 kamakailan.

“Easily, I could name at least ten mayors who have had COVID-19 and it’s sad, specially since the mayors are constantly in the frontlines and at risk of getting infected, since they deal with the communities and the frontliners who are likewise exposed on a daily basis,” pahayag ng alkalde.

Ayon pa kay Moreno, naniniwala siya na ang mga medical, health frontliners at allied services, senior citizens at maging ang mga may comorbidities ay dapat na nasa unahan sa listahan ng mga priorities, gayunmam dahil sa kalagayan ng panahon ngayon ang mga ordinaryong mamamayan ay tumatakbo sa kanilang alkalde para sa agarang tulong, kaya naman ang mga lokal na lider ng bawat lungsod ay kailangan na naroon din upang tugunan ang mga pangangailangan ng kanilang nasasakupan, health frontliners, senior citizens at mga may sakit na mamamayan.

Binanggit pa ng alkalde na mayroon lamang higit na 1,600 municipal at city mayors sa bansa at kung isasama man ito sa priority list ay hindi ito makakaapekto sa prioritization program ng gobyerno.

Sa kaso naman ng mga miyembro ng media ay binanggit ni Moreno ang kahalagahan ng pagbibigay proteksyon sa interes ng publiko sa pamamagitan ng pagbibigay nila ng tama at maasahang impormasyon sa ganitong panahon ng pandemya.

Sa pamamagitan ng kanilang komprehensibong pagbabalita, sinabi ni Moreno na ang kanilang mapagmatyag at dedikasyon ay nagsisilbing instrumento sa paghahatid sa publiko ng lahat ng mga pagkilos na ginagawa ng pamahalaan na may kinalaman sa pandemya at ginagabayan din nila ang publiko sa mga bagay na dapat nilang malaman.

Kung walang maaasahang media, sinabi ni Moreno na walang pagpipilian ang taumbayan kundi ang mga fake news na mula sa hindi maasahang pinagmulan na maaaring magresulta sa kalituhan, kawalang gabay at anarkiya.

Pagdating naman sa mga firefighters, binanggit ni Moreno na marami sa mga government at volunteer firemen ang nakakakuha ng coronavirus at naiuuwi pa nila ito sa kanilang pamilya, dahilan kung kaya’t sila ay natatakot tuwing rumiresponde kapag may sunog.

Ibinahagi rin ng mga bumbero kay Moreno na kapag sila ay rumiresponde sa sunog ang kadalasang nangyayari ay nakakalimutan na ng mga tao ang COVID protocols kaya naman expose na expose na sila sa panganib ng impeksyon.

Ang kaniyang panawagan kaugnay sa pagsasama sa mga bumbero sa priority list ng bakuna, ayon kay Moreno ay dapat na matugunan lalo na at panahon ng tag-init ngayon kung saan mas madalas ang insidente ng sunog.

Binanggit pa ng alkalde na mayroong fire volunteer group ang hindi makapagresponde sa sunog dahil karamihan ng mga miyembro nito ay tinamaan ng COVID-19. (ANDI GARCIA)

The post MEDIA/MAYORS/BUMBERO, ISAMA SA PRIORITIES SA BAKUNA – ISKO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
MEDIA/MAYORS/BUMBERO, ISAMA SA PRIORITIES SA BAKUNA – ISKO MEDIA/MAYORS/BUMBERO, ISAMA SA PRIORITIES SA BAKUNA – ISKO Reviewed by misfitgympal on Marso 29, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.