LUBOS na pinasalamatan ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga Filipino na nagtitiwala at sumusuporta sa kanya at sa Duterte administration kasunod ng lumabas na Pulse Asia survey na nagsasaad na ang tandem nila ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pinakagusto ng publiko na magwagi sa 2022 polls.
Gayunman, iginiit ni Go na hindi pa ito ang tamang panahon para pag-usapan ang pulitika dahil nasa gitna ang bansa ng COVID-19 pandemic at iba pang krisis.
“Maraming salamat po sa inyong tiwala ‘no, lalung lalo na po sa administrasyon ni Pangulong Duterte. Marahil ay nakakita po ang mga supporters niya… continuity po ang kanilang hinahanap dahil hindi na po siya pwedeng tumakbo bilang Pangulo,” ani Go.
“Siguro, nakikita nila na sayang po ‘yung inumpisahan ng ating Pangulo… itong mga proyekto, mga ‘Build Build Build’, lahat po ng mga ginawa niya sa ating bayan. Ito po ang nakikita nila, gusto nilang ipagpatuloy, lalung lalo na po ‘yung pagbabagong inumpisahan ni Pangulong Duterte,” idinagdag niya.
Muling inulit ni Go na siya, at ang buong pangkat ng Duterte administration ay magpapatuloy sa pagsisilbi sa taongbayan hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Digong.
“Uulitin ko lang po: I am very grateful po for the trust given to me by the President. Kilala naman po ako ni Pangulo noon pa. Twenty three years na po kaming magkasama, so, kung sa pagkakilala lang po ay kilalang kilala po ako ng Pangulo at ‘di naman po maiiwasan na talagang nagtitiwala siya sa akin,” aniya.
“Ngunit ulitin ko lang po na biro lang po ‘yun ng Pangulo at alam naman natin si Pangulong Duterte na mapagbiro. […] Alam naman ng Pangulo na hindi po ako interesado at nakatutok po ako mula pa noon po, mula proklamasyon ko pa lang po (bilang senador), ay magserbisyo po sa ating kapwa Pilipino,” dagdag ng senador.
Ayon sa mambabatas, hanggang siya ay nakaupo bilang senador at araw-araw siyang magseserbisyo, umaga, tanghali, hapunan, hanggang panaginip ay magtatrabaho siya para sa kapwa Pilipino
“In fact, alam n’yo naman po ‘yun, wala naman po akong ginagawa kundi magserbisyo sa aking kapwa Pilipino, ni panahon po sa aking pamilya ay wala na po akong panahon… dahil inukol ko na po sa pagseserbisyo sa aking kapwa Pilipino,” diin ni Go.
“Focus muna tayo, serbisyo muna tayo. Mahalaga po nandiyan po ang ating recovery measures at importante po walang maiwan, importante po dito makarecover muna ang buong bansa.”
“Darating naman po ang pulitika, darating po ang Oktubre, meron na pong mga kandidato at darating naman ang Mayo sa susunod na taon ay pipili naman tayo ng lider. So, hintayin na lang po natin ang mga panahong ‘yun,” ayon kay Go. (PFT Team)
The post Bong Go nagpasalamat sa tiwala ng Filipino sa ‘Go-Duterte’ tandem sa 2022 polls appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: