Facebook

Budget ng TUPAD papogi ni Egay

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Ang taong makasarili ay humihiwalay sa karamihan, at salungat sa lahat ng tamang isipan. Walang saysay sa mangmang ang lahat ng bagay, ang nais lang niya’y ipakitang siya’y may alam. Pagsipot ng kasamaan, kasunod ay kahihiyan; kapag nawala ang karangalan, kapalit ay kadustaan.(Mga Kawikaan 18)

***

BUDGET NG TUPAD PAPOGI NI EGAY… Kamakailan may nakita akong kumakalat sa social media kung saan ipinahayag ni Congressman Egay Erice sa isang meeting na mamimigay ng P5,000 sa mga indigent mula sa budget ng TUPAD. Aniya, hindi kailangang magbanat pa ng buto ang makakakuha. Maghihintay lang sila at makukuha nila ang kanilang mga ayuda sa loob ng 10 araw.

Aba, pinapamigay lang pala ang TUPAD?! Ang pagkakaalam ko kasi, may kapalit na serbisyong barangay ang mga nakakatanggap ng cash aid na ito. Halimbawa, magiging barangay sweeper o kaya magiging mga assistant ng mga nagdi-disinfect ng paligid. Maglilinis ang bawat benepisyaryo ng hindi hihigit sa apat (4) na oras kada araw. ‘Yun kasi ang nakalagay sa batas.

Para sa mga hindi nakakaalam, namigay ng cash aid ang gobyerno sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment o DOLE ng Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) para sa mga mamamayan na naaepktuhan ng mga lockdown bunsod ng pagkalat ng COVID-19 dito sa ating bansa. Ang budget ng TUPAD mula sa DOLE ay pinagbisa ng Republic Act 11469 o Bayanihan To Heal as One Act (BAYANIHAN 1).

Sa ilalim naman ng Department Order 219, Series of 2020, may safety net na inilagay ang DOLE sa programa upang masiguro na hindi ito maaabuso. Naglagay din ng eligibility requirements, application procedure, modes of implementation, monitoring at evaluation dahil ang layunin ng programa ay makatulong at hindi ang kunsintihin o manghikayat ng katamaran ng ating mga kababayan.

Sa pulong ni Cong. Egay Erice (facebook.com/NoToLP2016) sabi niya na may dagdag ayuda para sa mga residente ng kanyang distrito sa lungsod ng Caloocan. Palakpakan ang crowd. Ang saya! Sasagot lang ng forms at pasa ng requirements. May P5,000 na sila! Ang ganda ng ngiti ni Cong. Ngiting tagumpay. Dagdag boto na naman ito sa 2022, marahil nasa isip nya. Hindi alam ng mga tao doon na illegal ito.

Mali at hindi magandang marinig sa mismong bibig ng isang kongresista ang mga katagang binitiwan ni Cong. Egay. Tama bang marinig sa kanya ang ganito? Kasi kung totoong pagtulong ang layunin ni Congressman Erice, mas magandang hikayatin sana niya ang mga taga-lungsod na magsumikap at hindi ang umasa lang sa bigay. Hindi pasado sa taste ng nakararami ang pagkunsinti sa katamaran.

Dahil sa nangyaring ito, hindi maiwasang mag-isip ng ibang taga-lungsod na nakakita at nakarinig na masyadong obvious na nagpapa-pogi points lang si Congressman Egay. Gusto nitong makuha ang simpatya ng mga kababayan sa lungsod para sa 2022 eleksyon. Ganito rin ba ang palagay ninyo?

***

At ating nakilala at ating sinampalatayanan ang pag-ibig ng Dios sa atin. Ang Dios ay pag-ibig; at ang nananahan sa pag-ibig ay nananahan sa Dios, at ang Dios ay nananahan sa kaniya.(1 Juan 4:16 )

The post Budget ng TUPAD papogi ni Egay appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Budget ng TUPAD papogi ni Egay Budget ng TUPAD papogi ni Egay Reviewed by misfitgympal on Marso 08, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.