SA ngayon ay humahanga pa rin ako sa ipinakikitang malasakit ng gobyerno sa pagsugpo ng mga virus sa kabila ng patuloy na paglala ng COVID-19.., pero sa isang banda ay tila malupit na sistema naman ang dinadanas ng ilang mga maralitang dinedemolis ang kanilang mga pamamahay sa gitna ng pandemya.
Bunsod nito, ang PRESIDENTIAL COMMISSION FOR THE URBAN POOR (PCUP) ay humiling sa DEPARTMENT OF THE INTERIOR AND LOCAL GOVERNMENT (DILG) na muling ipatupad ang Memorandum Circular No. 2020-068 o ang pagpapaliban sa mga ADMINISTRATIVE DEMOLITIONS at EVICTIONS sa buong bansa.
Ang nasabing Memorandum Circular ay ipinatupad nitong nagdaang taon ng DILG para sa proteksiyon o kaligtasan ng mga maralita alinsunod sa health protocol na ipinaiiral para sa pagsugpo ng COVID-19.
Gayunman, nitong March 12, 2021 ay binawi ng DILG ang Memorandum Circular dahil dumarami na naman umano ang mga INFORMAL SETTLER FAMILIES na nagtatayo ng kanilang bahay o barong-barong sa mga danger areas.
Teka.., bakit ang pagbawi sa Memorandum Circular ang ginawa ng DILG? Hindi ba dapat na ang kanilang ginawa ay inatasan at binalaan ang BARANGAY OFFICIALS na higpitan ang pagbabantay sa kanilang.mga nasasakupang lugar at kung makikitaan ng gayong istraktura ay papanagutin ang mga nasa barangay? Sabagay, ang pagkakaroon ng mga istraktura sa mga danger area ay dahil na rin sa mga BARANGAY OFFICIAL na isa ito sa kanilang nagiging raket na dapat e huwag kakaang-kaang ang DILG OFFICIALS sa ganitong mga sistema.
Kaya naman, marapat lang ang kahilingan ni PCUP CHAIRMAN/CEO USEC ALVIN FELICIANO dahil ngayong may pandemya ay hindi napapanahon ang mga demolisyon.., kasi bukod sa kinatatakutang mga VIRUS ay sadyang lugmok ang kabuhayan ng mga maralita sa kasalukuyang panahon.
Kung mayroon mang mga nakatayong bahay sa mga ikinukonsiderang danger areas ay dapat na mapagtayuan muna sila ng mga bahay na mapaglilipatan bago paggigibain ang kanilang mga pamamahay.
“Hinihiling po namin sa DILG pati na rin sa iba pang ahensiya na magpokus tayo sa pagbibigay ng ayuda, alternative shelter, resettlement site at relokasyon para sa mga ISFs, dahil iyon po ang mas higit nilang kailangan. Sa pagpalo po ng cases na mas tumaas at may bagong variant ng varius, nais ko pong isulong na mas pagtuunan ng pansin ang mga hakbang na mas epektib, naaangkop nang maayos at mabisang pamamaraan.., hinde ang mas ikahihirap nila,” pahayag ni USEC FELICIANO.
.
Sa kahilingan ni USEC FELICIANO sa DILG ay marapat lamang na ipairal ang pagpapaliban sa demolisyon hangga’t wala pang naitayong mga bahay na mapaglilipatan para sa ganap na pagbibigay proteksiyon sa mamamayan laban sa COVID-19.
Ang ipinupunto naman ng DILG na dumarami ang mga maralitang nagsisipagpatayo ng mga bahay sa mga ipinagbabawal na lugar ay ang BARANGAY OFFICIALS ang dapat papanagutin dahil responsibilidad nila ang pagmamantini sa mga lugar na kanilang nasasakupan!
***
TAUMBAYAN AYAW NA NG KARAHASAN
Dear Sir Irwin;… Nakakalungkot isipin na mahigit limang dekada na pero hindi pa rin nawawakasan ang insurhensiya. Ilang henerasyon na ang nagdaaan at nabibiktima ng maling pakikipaglaban ng mga rebeldeng grupo na ayaw sa pamamalakad ng kahit na sinong maupong pangulo.
Sa ngayon, marami ng napapabalitang engkwentro at mga bumabalik sa gobyerno. Marami ng natauhan at piniling talikuran ang maling pinaniwalaan. Sana, kasabay nito ang pagbagsak ng CPP-NPA na ilang dekada ng naging sakit ng ating lipunan. Ilang henerasyon na ang nabiktima, ilang pamilya na ang pinaghiwalay, ilang kabataan na ang napariwara at maraming nasayang na buhay. Nawa’y wala ng maging anibersaryo ang mga NPA sa mga susunod na taon, palatandaan na ayaw na ng karahasan at insurhensiya ng taumbayan… From ARYA email sender Kareen Asistio.
— 000 —
Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com o magtext sa 09085841303 para sa inyo pong mga panig.
The post Demolisyon, problemang maralita! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: