NASA nasa ‘high risk’ level na ang bed capacity ng malalaking pagamutan sa Metro Manila para sa mga pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon sa Department of Health (DOH).
Ayon kay Health Undersecretary Leopoldo Vega, sa mga level 3 hospitals o yaong mga pagamutan na may malalaking kapasidad o medical centers, ang occupancy rate para sa COVID beds at COVID isolation beds ay nasa 74% hanggang 76% na.
Samantala, ang mga level 2 hospitals naman sa Metro Manila ay nasa moderate risk na.
Ayon sa DOH, ang mga pagamutan ay itinuturing na nasa high risk na ng kanilang occupancy rate kung umabot ito ng 70% ngunit hindi higit sa 85%.
Habang ang mga nasa moderate risks naman ay yaong ang occupancy rates ay nasa 60% ngunit hindi hihigit sa 70%.
Matatandaang pagtuntong ng Marso ay muling dumami ang bilang ng mga pasyenteng tinatamaan ng COVID-19.
Malaking bilang nito ay nasa National Capital Region (NCR) na nakapagtala ng 46,969 kaso nito lamang nakalipas na dalawang linggo.
Batay sa datos mula sa COVID-19 tracker ng DOH, ang Metro Manila rin ang may pinakamataas na total COVID-19 cases na nasa 301,519 na. (Andi Garcia)
The post DOH: Bed capacity ng COVID-19 sa NCR hospitals, high risk level na appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: