LUBHANG napakahirap na pumili ng mahuhusay na opisyal ng pamahalaan na itinalaga ni Totoy Kulambo sa pagiging huwaran sa pagpapatakbo ng pamahalaan. Panay tulak at walang kakabigin sa mga ito kung pagbabasihan ang kanilang ambag sa kaunlarang pambansa ayon sa kagawaran na kanilang pinamumunuan. Sa halos limang taon ng pamahalaang ito, ilang ulit nagpalit ng mga kalihim sa ilang kagawaran sa kadahilanang malamya ang pagganap sa mga tungkuling inIatang.
At sa ibang kalihim na nanatili sa simula hanggang kasalukuyan hindi masabing mahusay ang pagganap nito, at marahil ang pagiging malapit at tapat kay Totoy Kulambo ang dahilan sa pananatili sa pwesto. Malaki rin ang impluwensya ng Inferior Davao Group sa mga naitalaga o napalipat ng mga pwesto na sadyang hindi pinapansin ngunit mahalaga sa serbisyo sa IDG.
Silipin ang ilang kagawaran o opisina na puno ng mahuhusay na opisyal na kung sumipsip sa amo’y daig pa ang lamok at linta…
Ang Kagawaran ng Paggawa at Pag-empleyo – na tampulan ng mga obrero na humihingi ng katarungan at proteksyon sa kanilang pinapasukan. Ang kagawaran na kung saan madugong pinag-usapan ang Security of Tenure na tinalakay sa kongreso. Magaling tsumubibo o magpa-ikot ang kalihim nito na kung pakikinggan talagang makakatulog ka sa ganda ng mga sinasabi. At sa pagkakahimbing, duon na kikilos at aayusin ang mga bagay na hindi makaobrero at mabibigla sa kalalabasan na taliwas sa mga napag-usapan at napagkasunduan. Ganito ang resulta ng SOT na tinutukan ng mga obrero mula kamara hanggang sa senado. Ngunit ang resulta, veto mula kay Totoy Kulambo na nagbasura sa batas ng SOT. Maging ang mga opisina sa ilalim nito’y tila nakalimot na sila ang tagapagtanggol ng mga obrero sa loob at labas ng bansa. Subalit sa pagkilatis, maraming obrero ang umuuwi ng luhaan dahil napagkaitan ng mga bagay na dapat na kanilang nakakamit sa mga opisinang kanilang nilalapitan. Bigyan natin ng BAGSAK na grado sa palpak na paghawak nito sa usaping obrero.
Ang Kagawaran ng Pagawain at Lansangang Bayan – isa sa pinaka mapalad na kagawaran sa panahon ni Totoy Kulambo. Maraming mga natapos na mga proyekto ang kagawarang ito na sinimulan sa panahon ng nagdaang pamahalaan. Kabi-kabila ang ribbon cutting at mga pasinaya sa mga natapos na proyekto. Hindi lang iyon, buhat ng umupo ang kalihim ng kagawaran mapapansin na lalong yumaman ang pamilya nito at ngayo’y pinakamayaman na sa bansa. Matindi ang kapit ng kalihim kay TK dahil kahit sa dami ng anomalya sa kagawaran, tuwiran pa rin ang pagtatanggol ni TK na walang bahid ng korapsyon ang kalihim.
Ngunit ibang usapan ang mga alipores nito na alam ang kalakaran ng negosyo sa kagawaran, ang SOP. Sa isang lumabas na video clip may isang opisyal nito ang nakunan na nagpapaagaw ng bugkos ng pera sa isang piging. At ang pinaka bagong usapin ang ‘di pagkakaunawaan ng TRB at SMC, ano ba ang tunay na score dito? Bigyan ng BAGSAK na grado sa pagtugon ng kalihim sa mga ribbon cutting ng magagandang kalsada patungo sa mga subdivision.
Ang Kagawaran ng Pananalapi – ang pinaka tahimik ngunit malupit na kagawaran na nagsadlak sa Bayan ni Mang Juan sa kahirapan. Ang kagawaran na naka utang na mahigit na P6T mula ng maupo ang pamahalaan ni Totoy Kulambo. Walang pinakitang gilas ito lalo na sa paghawak ng pananalapi ng bansa. Ang kakayahan nito’y mahika kung saan hindi maipakita kay Mang Juan ang kwenta ng pinagkagastusan ng mga nautang. Habang lumalaki ang pagkakautang ng bansa siya ring bagsak ng halaga ng piso at pagtaas ng bilihin.
Ang bagsak ng GDP ng bansa sa -9.0% ang pinaka malaking pagbagsak mula ng 1984. Walang ma-ipagmalaking nagawa ang kagawaran kundi ang mga papoging proyekto na walang laman at pakinabang si Mang Juan. Masusuya ka lang dahil ang Build, Build, Build Program ng pamahalaang ito’y walang ambag sa ekonomiya ng bansa. O’ kung meron mang partnership na naisara, ito’y sa mga Tsekwa na ultimo pagkuha ng mga obrerong magtratrabaho sa proyekto’y galing Tsina bilang bahagi ng kasunduan. Talagang supot ang kagarawang ito sa pagganap sa kanilang tungkulin na pataasin ang kalidad ng buhay ni Mang Juan. Subalit ibang usapan kung ang mga sarling kapakinabangan ang pag-uusapan. Bigyan natin ng ***** sa perpektong pagpapabagsak ng ekonomiya at tuwirang pagpapahirap kay Mang Juan, Aling Marya at ang balana.
Kagawaran ng Kalakalan at Industriya – ang banderang kapos na kagawaran na kinakitaan ng gilas sa unang sigwada ng pamahalaan ni Totoy Kulambo. Ngunit sadya yatang hindi mapalad si Mang Juan sa pagtakbo ng panahon dahil nanlata ang pagganap ng kagawarang ito ng lumaon ang panahon. Nawala ang tuon nito sa pangangailangan ni Mang Juan lalo sa mga batayang pangangailangan na parang kwitis kung lumipad ang presyo. Sa gitna ng paghihirap ng mga Pilipino, parang bulang nawala sa eksena ang kalihim ng bumagsak ang suplay ng mga farmgate products na siyang pangunahing pangangailangan sa bahay ni Aling Marya. Talagang nawalan ng hangin ang kalihim sa haba ng tinakbo mula ng manungkulan.
Sa mga pangangailangang produkto mula pagkain hanggang sa pandemya, haysus alang ginawa upang kontrolin ang taas ng presyo at limitadong supply. Parang kabayong naistuka na walang silbi kundi ang tapahin, sayang. Bigyan ng BAGSAK na grado ang kagawarang ito sa ‘di pagpigil sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin ni Aling Marya at ang balana.
Karaniwang binubuo ng kagawarang mga nabangit ang economic team ng pamahalaan ni TK. Bagsak ang binigay nating mga grado sa palpak na pagganap ng mga ito sa kani-kanilang tungkulin. Ang pagbaksak ng ekonomiya ng bansa ang maglarawan kung paano pabagsak na pinalakad ang kabuhayan ng bansa. Mula sa malakas na kabuhayan na kanilang nadatnan at sa loob lamang ng halos limang taon, ang Roaring Tiger ng Asya’y naging sakiting mama.. Ang kabuhayang malago na minana sa dating pamahalaan ang kanilang pinabayaan at naglagay sa mga susunod na salinlahing Pilipino pabaon sa kahirapan. Ang kontribusyon nito sa pamahalaan ang pahirap na pasanin sa balikat na pagbabayaran sa hinaharap. Bagsak ang Grado ng Economic Team, Bagsak ang Grado ng Pamahalaan ni Totoy Kulambo! – may susunod –
Maraming Salamat po!!!
The post Hall of shame appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: