Facebook

‘Health/security measures, higpitan’ — Isko

BINIGYANG direktiba ni Manila City Mayor Isko Moreno ang lahat ng enforcement units ng lokal na pamahalaan na higpitan ang pagpapatupad ng lahat ng health at security measures laban sa COVID-19, bunsod na rin nang patuloy na pagtaas ng mga naitatalang kaso ng virus sa lungsod.

Sa isang directional meeting nitong Lunes ng umaga, inatasan ng alkalde ang Manila Police District (MPD) na paigtingin pa ang police visibility sa mga lansangan, mga barangay at mga pangunahang kalsada upang matiyak na mahigpit na naipatutupad ang minimum health protocols para maiwasan ang hawahan ng COVID-19.

“Lalo nating higpitan ang pagpapatupad ng minimum health protocols sa lahat ng kalsada at barangay sa Maynila, upang matigil ang tumataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa lungsod,” mahigpit na utos ni Moreno kay MPD director P/BGen Leo Francisco, na dumalo sa pulong na ipinatawag ng alkalde, kasama ang 14 na station commanders ng MPD.

Mahigpit rin ang paalala ng alkalde sa mga pulis na manatiling magalang sa mga mamamayan sa pagpapatupad ng kanyang kautusan. “Mahigpit tayo, ngunit magalang pa rin sa Batang Maynila,” dagdag pa nito.

Kaugnay nito, inimpormahan rin ni Moreno si Manila Barangay Bureau (MBB) Director Romy Bagay na inaawtorisa niya ang pagpapatupad ng barangay-level lockdowns kung magkakaroon nang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa mga komunidad.

“Kapag tuloy-tuloy na lumobo ang kaso ng COVID-19 sa alinmang barangay, automatic mong i-lockdown. Coordinate with the MPD and General Francisco for the security plan,” sabj pa ni Moreno kay Bagay.

Daan-daan ding COVID-19 safety marshals ang ipapakalat sa lungsod matapos na atasan ni Moreno ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na dagdagan ang security personnel ng MPD.

“Muling pagalain mo ang mga COVID-19 Safety Marshals natin. Magsaway sila ng mga pasaway sa kalsada. Tuloy-tuloy tayo, walang patid, lalo na sa susunod na dalawang linggo,” sabi ni Moreno kay MTPB Director Dennis Viaje.

Tiniyak rin ng alkalde na ang food security ay isa rin sa forefront ng Maynila sa kanilang COVID-19 response.

Pinaalalahanan ni Moreno ang General Services Office, Department of Engineering and Public Works at Department of Public Services na maghanda ng food boxes na ipapamahagi sa mahigit 700,000 pamilya sa lungsod.

Ang direktiba ay bahagi ng COVID-19 Food Security Program, kung saan mahigit 700,000 pamilya ang sinisigurong magkakaroon ng monthly food box mula sa Manila City government.

Samantala ay umabot na sa 825 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod, habang mayroon namang 27,447 Manila City residents ang nakarekober na sa karamdaman at 813 ang sinawimpalad na bawian ng buhay.

Tiniyak ni Moreno sa mga residente na ang Manila City government, sa pamamagitan ng Manila Health Department at anim na district hospitals sa lungsod, ay nananatiling matatag sa pagkakaloob ng healthcare services sa kanilang constituents sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ang mass swab testing ay sagot pa rin ng city government, at ang libreng pagbabakuna ay magpapatuloy gamit ang mga available na COVID-19 vaccines para sa lungsod. (ANDI GARCIA)

The post ‘Health/security measures, higpitan’ — Isko appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
‘Health/security measures, higpitan’ — Isko ‘Health/security measures, higpitan’ — Isko Reviewed by misfitgympal on Marso 07, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.