SEMANA SANTA na uli, at gaya ng inaasahan ng maraming katoliko sa atin, hindi pa rin mangyayari ang ating mga ginagawa na pagtitika tuwing mahal na araw gaya ng dati.
Mas lalong naunsiyami ang pangarap at mga plano ng iba sa atin na samantalahin ang mahabang holiday ng holy week at makapag-bakasyon sa malalamig na lugar gaya ng Baguio, Banawe, Mt. Province at Tagaytay o kaya naman ay makapagtampisaw sa mga beaches ng Boracay, Palawan, Puerto Galera atbp.
Dangan kasi muling hinigpitan ng pamahalaan ang ating paggalaw, dahil sa lumobo pa ng mas malaki ang bilang ng nadadale ng nakamamatay na COVID-19. Pumalo pa nga ng lagpas walong libo sa isang araw ang mga tinamaan, nito lamang nakaraang linggo.
Siguro nga ay ipinakikita lamang ng Maykapal ang ating mga kamalian sa pakikipaglaban sa pandemiya. Mabagal tayong humarap noon sa panganib na ito at nang magkahigpitan ay panaghuyan naman ang lahat sa ayuda at makatwirang idinahilan na gutom ang papatay at hindi ang virus.
Ibang uri ng Semana Santa ang ating naranasan noong 2020 at umasa tayo na maaari ring bumalik sa dati sa susunod na taon ng 2021. Ngunit hindi. Mas matindi pa ngang mga pagiingat ang ipinagagawa sa ating lahat ng pamahalaan upang tayo ay di magkahawaan ng virus na COVID-19.
Kaya maging ang pamunuan ng ating mga simbahan ay minabuti na ring ingatan ang kanilang mga pinapastol.
Isasara ang mga pintuan ng mga simbahan, at ang lahat ng gawain gaya ng dati tuwing Semana Santa ay sa on-line na rin gaganapin. Ito ay para maiiwas ang lahat, sa panganib ng pandemiya at alinsunod na rin sa kautusan ng pamahalaan na bawal muna ang mga pagtitipon, pribado o pampubliko at maging mga relihiyosong gawain na may pagtitipon ng mga deboto.
Sa isang panayam, napakinggan ko si Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng Permanent Committee on Public Affairs ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na gawin daw ang mga pagtitika sa loob na lamang ng mga bahay. Ang buong pamilya nga raw ay pwedeng isagawa ang Way of the Cross, halimbawa, sa pamamagitan ng pagsabay sa mga istasyon ng radyong Katoliko gaya ng Radio Veritas o sa mga face book page ng kanilang mga simbahan.
Ibinalita pa nga ni Fr. Secillano na mismong si Fr. Anton Pascual na namumuno sa Radio Veritas at charitable institution na Caritas Manila ay nagpositive na rin sa COVID-19 at ngayon ay patuloy na nagpapagaling. At ang mismong kura paroko ng makasaysayang San Agustin Church sa Maynila na si Fr. Arnold Sta. Maria Cañoza ay pumanaw na nang dahil sa COVID-19.
Ito rin marahil ang dahilan ng Diocese ng Novaliches na kinabibilangan ng 71 simbahan hanggang Caloocan, at ng Diocese ng Cubao na i-lockdown na rin ang mga simbahang nasasakop nila, gaya ng ginawa sa San Agustin Church. Wala munang mga serbisyo, pagmimisa at iba pang relihiyosong aktibidades na magaganap upang makaiwas ang lahat sa virus na nakamamatay.
Namulat na ang lahat maging mga taga-simbahan. Sana naman huwag na nating ipagpilitan pang gawin ang mga dati nating naggagawa kapag Semana Santa. Ipagpaliban muna natin ang Visita Iglesia, pagdadaos ng mga Senakulo at maging pagpipinitensiya. Lalong lalu na ang pamamasyal o pagbabakasyon sa ibang lugar. Gawin nating makabuluhan ang ibang uri ng ating pagtitika ngayon sa loob na lamang ng ating mga tahanan nang maligtas tayo sa siguradong kamatayan nang dahil sa COVID-19.
The post Ibang uri uli ng pagtitika appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: