Facebook

Paggunita ng Mahal na Araw… may bisa pa ba?

MAHIGIT nang 2000 taon nang maganap ang unang Cuaresma o kilala natin sa tawag na Mahal na Araw.

Ang paggunita ba ng pananampalatayang Kristiyano sa pagkapako sa Krus kay Jesus, ang Taong ginawang Cristo ng Diyos Ama, ay may bisa pa ba sa mga nagsasabi na sila ay alagad o tagasunod Niya?

Nakikita natin: Kadalasan ang nangyayari ay isang grandeng bakasyon ang pagsapit ng Mahal na Araw. Ano ang unang naiisip ng marami kapag dumarating ang mga Araw na ito … Pasyal. Reunion. Gala. Inuman. Gimik. Happening.

Sa mga may pera:bakasyon sa abroad, kalayawan at kung ano-anong kasayahan. Sa mga walang-wala, kahit sa bahay lamang, okey lang.

Pero ngayong isinailalim muli ang National Capital Region (NCR), Cavite, Laguna, Bulacan at Rizal sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) simula March 29 hanggang April 4 dahil sa patuloy na pagtaas ng mga nagkakaroon ng kaso ng COVID-19 sa bansa, ang karamihan ay kinabahan at natakot kaya kinansela ang kani-kanilang nakatakdang mga bakasyon.

Sa mga iba naman na tunay na mananampalataya – sila ay magsisimba, magpapahayag ng pagsisisi, paghingi ng patawad at ganundin, ang pagpapatawad sa mga nagkasala sa kanila.

Napakaganda nito: Pagpapatawad sapagkat kung ang Amang Diyos at si Jesus ay nagpatawad, tayo ba na mas makasalanan ay hindi lumakad sa katwiran at banal na turo ng ating Panginoong Diyos at Tagapagligtas na si CristoJesus.
***
Pero matapos ang Banal na Sanlinggo, ano ang kasunod nito?

Nagbabalik uli tayo sa dating gawi. Dating ugali at dating asal. May ilan na ilang linggo o buwan kaya ay nagsisikap na maging banal.

Pero muli at muli, tayo ay natutukso, nagkakamali at nagkakasala. Muli at muli, hihingi tayo ng pagpapatawad at kung ganap o bukal sa loob ang pagsisisi, tayo ay naniniwala, pinatatawad tayo ng ating kinikilalang Diyos at ito ay nangyayari sa ngalan ni Jesus – na tagapamagitan sa ating mga kasalanan.

Ano ang nais nating idiin: May bisa pa ba ang paggunita natin sa cuaresma o mahal na araw?
***
Ang mga sugat sa katawan ni Cristo ay tayo dapat ang nagkasugat. Tayo ang dapat na ipinako sa krus. Tayo ang dapat na ikinulong at tinuya at sinibat at namatay.

Inako ni Jesus ang lahat ng iyon sapagkat iyon ang kalooban ng Diyos at iyon ang Kanyang misyon. Siya na hindi nagkasala ang pinasurahan. Siya na walang kamatayan sapagkat bugtong na anak siya ng Diyos ay Siyang namatay dahil sa atin.

Ilang ulit na muling mamamatay kada Mahal na Araw upang ganap nating maunawaan ang kahulugan ng Kanyang kamatayan?

Sa Kanyang Kamatayan, tayo ay mabubuhay kung mananampalataya tayo sa Kanya at hindi lang iyon gagawin natin sa salita kungdi sa gawa.

Ano ang utos: Ibigin Mo ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili. Isang utos na hanggang ngayon ay hindi natin magawang masunod.

Kung mahal natin ang ating sarili, sasaktan ba natin ang ating katawan – hindi. Ang utos: mahalin natin ang kapwa natin, tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili.

Kung magagawa natin ito, tiyak wala na ang mga problema natin sa mundong ito.

Wala ang katiwalian, wala ang kagutuman, wala ang kasakiman, wala ang inggitan, wala ang siraan, wala ang lahat ng ating ginagawang kasalanan.

Mahirap na magawa ito sapagkat hindi natin kaya o kahit sikapin natin na gawin ang isang utos na ito ni Jesus, muli at muli, tayo ay nagkakasala.

Sapagkat tayo ay tao lamang … isinilang na maging banal na kawangis ng Amang Diyos na lumikha sa atin.

Ngunit ang Tao ay laging nagkakasala.

Ngunit mahal tayo ng Amang Diyos kaya nga isinugo Niya sa lupa ang tangi, bugtong tanging anak Niya na si Jesus.
***
Nang isugo sa Tao ay inusig, inalipusta, pinahirapan, ipinako at pinatay sa krus.

Sa kamatayan Niya tayo ay muling mabubuhay.

Sa mga sugat Niya, nawala at gumaling ang ating mga sugat.

Pinatawad tayo sa ating mga kasalanan, at ang sabi nga ni Jesus – humayo tayo at huwag nang muli pang magkasala.

Magagawa ba natin na hindi magkasala muli?

Purihin ka Mahal na Panginoong Jesus.

Patawad Amang Diyos!

Magbago tayo – at matupad sana natin ang isang utos ni Cristo: Mahalin ang kapwa natin tulad ng ating pagmamahal sa ating mga sarili.

Amen!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.

The post Paggunita ng Mahal na Araw… may bisa pa ba? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Paggunita ng Mahal na Araw… may bisa pa ba? Paggunita ng Mahal na Araw… may bisa pa ba? Reviewed by misfitgympal on Marso 27, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.