KASABAY ng pag-oobserba sa Fire Prevention Month ngayong Marso, iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go sa mga awtoridad na palakasin ang information campaign sa fire prevention sa buong bansa upang maiwasan ang pagkawala ng buhay at mga ari-arian sa mga insidente ng sunog.
“Hindi lamang po ang pag-modernize ng ating equipment ang makatutulong sa paglaban sa mga sunog. Mahalaga rin dito ang fire safety education. ‘Yung atin dito, kung papaano i-prevent at maturuan ang mga kababayan natin kung papaano ba maiiwasan ang mga sunog,” ipinunto ni Go.
Dahil sa kanyang mga naging karanasan sa pag-iikot at pagdalaw sa mga nasusunugan, ipinaliwanag ni Go na nagsisimula ang sunog sa maliit at crowded na komunidad kaya kinakailangan ang edukasyon sa mga residente kung papaano maiiwasan ang sunog.
“Hindi lamang po dapat ‘yung mga malalaking establishments ang tinitingnan natin. ‘Yung mga maliliit na bahay, bantayan at turuan rin natin para maiwasan ang ganitong insidente. Kadalasan dito sa mga maliliit talaga at mga liblib na lugar nagkakasunog,” ani Go.
Samantala, pinuri ng senador ang Bureau of Fire Protection sa “Oplan Ligtas Pamayanan” nito bilang tugon sa “more adoptive, comprehensive, and immersive fire protection program for the communities, rural and urban villages and barangays.”
Ang OLP o ang nationwide fire prevention campaign ay layong palakasin ang volunteer firefighters na nagsisilbng force multipliers sa fire protection-related activities sa kani-kanilang komunidad. Nakapaloob sa programa ang pagsasagawa ng serye ng fire safety trainings sa mga barangay. (PFT Team)
The post Impormasyon sa Fire Prevention Month, palakasin — Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: