Facebook

Isko, nagbabala sa sindikato ng pekeng swab test

NAGBABALA si Manila Mayor Isko Moreno kaugnay ng operasyon ng isang sindikato na nag-aalok ng mabilisang swab test kapalit ng kaukulang halaga at nambibiktima ng mga tao gustong makabalik ng kanilang probinsya.

Ang babala ay ginawa ni Moreno makaraang iprisinta ni special mayor’s reaction team (SMART) sa pangunguna ni Lt. Col. Jhun Ibay ang dalawang suspek na kinabibilangan ng lalaki at babae na pawang mga kasabwat at nambibiktima ng mga Badjao na nais ng umalis ng Maynila at bumalik na sa kanilang probinsya.

“Uulitin ko, ang swab test sa Maynila ay libre. Talo inip nga lang kasi mahaba talaga ang pila. Pero libre itong ibinibigay ng pamahalaang-lungsod mapa- ospital, bahay, sa quarantine facility at maging sa Luneta drive-through. ‘Wag maniwala sa tolongges at estapador,” giit ni Moreno.

Sa kanyang pagtatanong, nabatid ni Moreno na ang lalaking suspek ang siyang nagdadala sa babaeng suspek ng mga bibiktimahin at hinihingan ng halagang P1K bawat isa.

Narekober ng mga pulis sa mga suspek ang may 100 pekeng swab test results. Ikinatwiran naman ng dalawang suspek na tinutulungan lamang nila ang mga biktima at sinabing hindi sila nanghihingi ng bayad na sinopla naman ni Moreno at sinabing: “Bigyan nga ito ng gold medal.”

Binigyang diin ng alkalde na ang certification para sa swab tests ay dapat na may pirma at hindi print out.

Lumilitaw pa sa imbestigasyon na ang mga biktima ay itinatago ng babaeng suspek sa isang compound kung saan sila sinisingil ng halagang P1,500 bawat isa habang naghihintay ng kanilang resulta ng pekeng swab test para makauwi na sa kanilang probinsya.

Pinagalitan ng alkalde ang dalawang suspek at sinabing nagagawa pang gamitin ang pandemya upang kumita ng mabilisang pera.

“Pekeng swab test. Eh di pati anak nýo ine-expose nýo sa COVID-19. Tapos magrereklamo kayo sa gobyerno eh mga tolongges na kagaya ninyo ang nagpaparami sa COVID,” ayon pa kay Moreno. (ANDI GARCIA)

The post Isko, nagbabala sa sindikato ng pekeng swab test appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Isko, nagbabala sa sindikato ng pekeng swab test Isko, nagbabala sa sindikato ng pekeng swab test Reviewed by misfitgympal on Marso 05, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.