Facebook

Kapag sinubo, huwag iluwa . . .

A persons character is shown through their actions in life NOT where they sit on Sunday. — Jesuit theologian Navonne Johns

PASAKALYE

Nakakatuwa kung sa kabila ng hindi pagkikita ng halos isang dekada ay makikilala ka pa ng iyong kaibigan sa sandaling aksidente kayong magkita. Gayun nga ang naranasan ng inyong lingkod matapos na disgrasyang makatagpo ang kaibigan nating si REZ CORTEZ sa may Bureau of Immigration sa Intramuros, Manila.

Si Rez pa ang nakapansin sa atin at siya ang unang bumati kaya nabigla akong makilala pa niya ako dahil noong nagkikita pa kami noon nang manunulat pa ako para sa Philippine Journalists Incorporated (PJI) ay mahaba pa ang aking buhok na kulay itim pa noon. Ngayon kasi’u halos kalbo na tayo at kita na ang edad nating 64 anyos.

Subalit ayun nga . . . Nakilala pa rintayo ng ating kaibigan.

Kudos at salamat, Señor Rez Cortez . . . !

* * *

SABI nga, may suwerte at may malas sa buhay—kapag napaganda ang pamumuhay, ibig sabihin sinuwerte ka; pero kapag puro hirap ang dinaranas, masasabing minamalas ka.

Sa aking pananaw, nasa isip lang ito dahil ang lahat ng bagay ay may magkasalungat na bahagi—‘ika nga sa Ingles, “there are two sides to a coin.” Ibig sabihin may negatibo at positibo sa buhay kaya ang suwerte o kamalasan ay likha lamang ng sarili nating pananaw.

Ang mahalaga ay marunong tayong kumilatis ng bagay-bagay para makapagdesisyon tayo ng wasto. Tulad ng sa pakikipagrelasyon, kailangan nating malaman kung ano ang tunay na ugali at karaketr ng ating pakikisamahan dahil ditto nakasalalay ang ikagaganda ng pagsasama.

Danito ang karanasan ng isang 18-anyos na Pinay na inakalang suwerte na siya sa kanyang boyfriend na foreigner. Siyempre, bukod sa may pera, sa tingin ng dalagita ay hindi katulad ng kanyang mga kababayan ang kanyang kasintahan dahil dayuhan ito kaya magkakaroon siya ng magandang kinabukasan sa kanyang piling.

Dangan nga lang ay sugarol si boyfriend kaya nang maubusan ng pangsugal sa casino, hiniling nito sa kanyang kasintahan na magbenta sila ng mga hubad na larawan at video ng dalagita para sa mabilis na kita. Nasundan pa ito ng sinasabing ‘kamalasan’ sa kanilang relasyon hanggang sa pati maruming underwear ng dalagita ay binebenta na nila para humantong sa sapilitang pagpuputa ng biktima.

Nadiskubre lamang ang mapait na situwasyon nang matagpuan ng mga awtoridad ang mga video ng dalagita sa Nasi Lemak Telegram chat.

Nakakalungkot isipin na parang naging isang robot na sunud-sunuran ang biktima sa mga kahilingan ng sugarol niyang boyfriend. Nangyayari ang ganito araw-araw dahil may mga Pinay na tatanga-tanga sa pagpasok sa bagay na wala silang alam. Sabi nga, bago mo isubo, kailangang tiyakin na hindi mo iluluwa.

* * *

PARA sa inyong komento o suhestyon, reklamo o kahilingan, magpadala lamang ng mensahe o impormasyon sa aking email na filespolice@yahoo.com.ph o dili kaya’y i-text n’yo na lang ako sa aking cellphone numbers na 09054292382 para sa Globe at 09391252568 para sa Smart. Salamat po!

The post Kapag sinubo, huwag iluwa . . . appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Kapag sinubo, huwag iluwa . . . Kapag sinubo, huwag iluwa . . . Reviewed by misfitgympal on Marso 01, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.