SI Manila Vice Mayor Honey Lacuna ang kauna-unahang bise alkalde sa buong bansa na naturukan ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa pag-arangkada ng vaccination program ng city government sa Sta. Ana Hospital noong Martes ng umaga, March 2.
Bukod kina Lacuna, nabigyan na rin ng bakuna ang kanyang mister na si Acting City Health Officer Arnold “Poks” Pangan, at nasa may 200 pang medical frontliners, kabilang sina Sta. Ana Hospital Director Dra. Grace Padilla, Sta. Ana’s Manila Infectious Disease Control Center Head Dra. Nerissa Sescon, Ospital ng Sampaloc Director Dra. Aileen Lacsamana, at Ospital ng Maynila Medical Center Karl Laqui.
Hindi naman nabakunahan si Manila Mayor Isko Moreno dahil hindi ito kuwalipikado na maunang mabigyan ng bakuna dahil hindi siya isang medical frontliner.
Tiniyak rin niya na kahit gustung-gusto na niyang magpabakuna ay susunod sila sa instruksiyon ng Department of Health (DOH) at ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na bigyang-prayoridad sa pagbabakuna ang mga healthcare workers.
“Masayang-masaya ako para sa aming Vice Mayor na si Dra. Honey Lacuna-Pangan na isa ring medical frontliner na nabakunahan na,” ayon pa sa alkalde, sa kanyang Facebook post.
Handa rin aniya siyang maghintay kung kailan siya maaaring mabakunahan dahil batid niyang mas kailangang unahing bakunahan ang mga medical frontliners.
“Gustong-gusto ko na magpabakuna ng Sinovac. Pitong beses na akong na-exposed sa COVID-19 positive. Salamat sa Diyos, pitong beses na rin akong nag-negative,” ayon kay Moreno
“Araw-araw akong nasa risk tulad ng ibang mga mayor. Pero patuloy pa rin tayong susunod sa national policy na unahin ang mga medical frontliner. I will wait for my turn.”
Sinabi pa ng alkalde na sa ngayon ay may 1,900 mula sa kabuuang 5,000 medical frontliners sa Maynila ang nagparehistro para maturukan ng Sinovac vaccines.
Tumaas ang bilang ng total registration matapos ang idinaos na symbolic vaccination nitong Lunes sa Philippine General Hospital (PGH), kung saan isinagawa ang unang opisyal na pagtuturok ng bakuna sa bansa.
Mayroon namang 3,000 Sinovac vaccine ang naibigay sa Lungsod ng Maynila na inilalaan para sa mga medical frontliners.
Kaugnay nito, muli ring hinikayat nina Moreno at Lacuna ang mga medical frontliners sa lungsod na huwag nilang sayangin ang pagkakataon na mabigyan ng proteksiyon at magpabakuna na.
“Sa higit kumulang 5,000 na medical frontliners ng lungsod ng Maynila—Manila Health Department at anim na ospital—hinihikayat ko sila na huwag nilang sayangin ‘yung pagkakataon na mabigyan ng proteksyon ang kanilang katawan,” ayon kay Moreno.
“Honestly, hindi ko alam na natapos na pala yung pagbabakuna sa akin kaya hinihikayat ko po ang lahat na proteksyunan niyo po ang sarili niyo,” ayon naman kay Lacuna. (ANDI GARCIA)
The post Lacuna 1st Vice Mayor sa bansa na nabakunahan vs. COVID-19, Isko waiting kung kailan mababakunahan appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: