
NAGPALABAS ng Executive Order (EO) si Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez na nagsusupindi sa lisensya at permit sa pagbebenta at pagsisilbi ng alak at iba pang nakalalasing na inumin sa lungsod.
Base sa E.O. No. 2021-018 Series of 2021 na nilagdaan ni Olivarez noong Marso 13, ang naturang order ay bunsod sa rekomendasyon ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) na magiging epektibo ngayong Lunes, Marso 15, na magtatagal hanggang Marso 31 ng taon.
Ang order, ani Olivarez, isang pamamaraan upang makatulong sa pagpigil ng pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) sa pamamagitan ng pagkontrol sa galaw ng mga tao at malimitahan ang personal na interaksyon gayundin ang mga pagtitipon na hindi naman esensyal na kinakailangan ng mga tao.
Sinabi ni Olivarez na ang pagbebenta at pagsisilbi ng alak sa mga pampublikong lugar ay hindi basic necessity at humihimok lamang imbis na i-discourage ang pagsasalu-salo o pagtitipon ng mga tao na isa sa mga dahilan ng mabilis na transmisyon at hawahan ng COVID-19.
Ayon kay Olivarez, ang lahat ng liquor permit na nagbibigay ng pahintulot sa mga establisimiyento sa lungsod na magbenta at magsilbi ng alak at iba pang nakalalasing na inumin ay sinususpindi ng lokal na pamahalaan.
Ang mga apektadong negosyo sa order na ito ay ang restaurants, bars, beerhouses, KTVs, groceries/supermarkets, convenience stores at sari-sari stores.
Kasabay nito, inatasan ni Olivarez ang BPLO, lokal na pulisya at lahat ng opisyales ng barangay na mahigpit na ipatupad ang kanyang kautusan, at ang mga mahuhuling lalabag sa kanyang order ay papatawan ng kaukulang multa at sanction sa ilalim ng inamyendahang City Ordinance No. 09-02 at City Ordinance No. 19-29.
Ipatutupad din ang curfew hours mula 10:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga simula ngayon hanggang Marso 31.
Base sa huling COVID-19 Disease Surveillance update (Marso 13), nakapagtala ang lungsod ng 10,042 kaso, kungsaan 9,243 ay gumaling, 245 ang namatay. (Gaynor Bonilla)
The post Liquor ban sa Parañaque City appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: