PINAGDODOBLE ingat ni Manila City Mayor Isko Moreno ang lahat ng mga residente laban sa mga bagong variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na na-detect na rin sa Metro Manila at iba pang panig ng bansa.
Matatandaang kamakailan ay kinumpirma ng Department of Health (DOH) na bukod sa United Kingdom o UK variant ng COVID-19, nasa bansa na rin ang South African variant, ang variant na sinasabing mas mabilis na makahawa.
Kaagad namang nagdaos ng emergency meeting ang DOH kasama ang local government units (LGUs) ng Metro Manila para talakayin ang posibleng epekto ng mga bagong variants.
Kasama sa nasabing pulong si Moreno at iba pang kapwa alkalde, upang matukoy din ang mga dapat pang gawin sa COVID-19 response.
Nabatid na kabilang sa mga pinag-usapan ay kung paano mapipigilan o makokontrol ang transmission o hawahan ng mga bagong variant ng COVID-19, sa tulong ng LGUs.
Tinalakay rin ang lalong paghihigpit sa pagpapatupad ng minimum health protocols sa lahat ng mga lugar na nasasakupan ng bawat LGU, gaya ng mga pampublikong lugar tulad ng mga palengke.
Bilang tugon naman ng Manila LGU, pinapayuhan ni Moreno ang mga residente nila na huwag magpabaya at huwag kalimutan ang mahigpit na pagtalima sa health at safety protocols at maging mapagmatyag.
Bagama’t nag-umpisa na ang vaccine rollout sa bansa, iginiit ni Moreno na mahalaga pa rin na huwag maging kampante lalo’t may bagong COVID-19 variants.
Batay sa tala ng DOH, nasa anim ang kaso ng South African variant sa bansa, at karamihan dito ay naitala sa Pasay City.
Samantala, nakapagtala rin ng karagdagan pang 30 kaso ng UK variant sa bansa.
Nagbabala na rin ang OCTA Research Group na ang presensya ng dalawang variants ay maaaring dahilan ng pagdami ng COVID-19 cases sa Metro Manila. (ANDI GARCIA)
The post ‘Magdoble ingat sa bagong Covid-19 variants’ — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: