PINURI ni Senator Christopher “Bong” Go ang Department of Foreign Affairs at iba pang concerned agencies dahil sa matagumpay na repatriation ng pitong Filipino workers na biktima ng human trafficking sa Syria.
“Maraming salamat po sa Department of Foreign Affairs at sa iba pang concerned government agencies na tumulong upang makabalik ang ating mga kababayan na biktima ng human trafficking at pang-aabuso sa bansang Syria,” ani Go.
“Bilang malapit ang ating puso sa mga OFWs, naiintindihan ko po ang hirap na kanilang dinanas bago makarating sa bansa. Kaya naman po tuwang-tuwa tayo na ligtas silang nakabalik sa Pilipinas at muli na nilang makakapiling ang kani-kanilang mga pamilya,” dagdag ng senador.
Pinasalamatan ni Go ang DFA sa pagsisikap nitong maibalik sa bansa ang nalalabing OFWs sa Syria na may mga nakabimbing kaso.
Sa post ng DFA website, lumalabas na ang mga naturang migrant workers ay biktima ng human trafficking at iligal na pinagtrabaho sa Syria mula sa pagiging turista sa Dubai.
“Ayaw po namin na may naaabusong Pilipino. Proteksyunan natin ang ating mga kababayan kahit asan man sila sa mundo,” ani Go.
Isa sa repatriates na isang babae ay dumanas ng pang-aabuso sa kamay ng kanyang naging amo sa gitna ng masaklap na kondisyon kaya napilitang humingi ng tulong sa Philippine embassy doon.
“Sinampal po ako ng amo ko. Dalawa po silang mag-asawa, tapos sinuntok din po ako. Apat na buwan din ako nagtrabaho doon sa employer ko, tapos ‘di ko na po kaya ‘yung trabaho ko kaya umalis na po ako at pumunta sa embassy ng Pilipinas,” anang biktima.
Kaya naman labis niyang pinasalamatan sina Pangulong Rodrigo Duterte, si Sen. Go at concerned government agencies sa ibinigay na tulong sa kanya.
“Maraming, maraming salamat po sa nagbigay ng tulong at maraming, maraming salamat po na sila po ang tumutulong sa amin. Maraming, maraming salamat po, Senator Bong Go, sir. Nagpapasalamat po ako na ikaw ang tumutulong sa amin,” ayon sa OFW.
Bago ito, anim din na Filipino migrants na biktima rin ng human trafficking sa Syria ang ligtas na napauwi sa Pilipinas noong February 7, kasunod ng ibinigay na suporta ni President Duterte, Sen. Go at ng DFA.
“Nagpapasalamat po kami kay Pangulong Duterte at Senator Bong Go dahil napakalaki ng tulong ng ibinigay nila para sa pagsisimulang muli namin ng buhay sa bansa,” ayon sa isang migrant worker.
“Maliban po sa tulong, naramdaman naming hindi kami iniwan ng pamahalaan, lalo na nina Pangulong Duterte at Senator Go,” dagdag niya.
Patuloy na isinusulong ni Sen. Go sa Senado ang pagpapasa panukalang batas na magtatatag ng Department of Overseas Filipinos (DOFil) para maprotektahan ang karapatan at kapakanan ng OFWs.
“Bagong bayani kung ituring natin sila na halos sampung porsiyento ng ating populasyon. Sana naman ay suklian natin nang mas maayos at mas mabilis na serbisyo ang kanilang sakripisyo para sa kanilang pamilya at sa bayan,” ayon sa senador. (PFT Team)
The post Tagumpay ng repatriation ng OFWs mula sa Syria, pinuri ni Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: