IBAYONG pag-iingat pa rin ang pinaka-mabisang panglaban natin upang tayo’y di madapuan ng virus na nakamamatay na COVID-19. Dahil sa ngayon, ay bumabalik na naman tayo sa pagtala ng matataas na bilang ng kaso ng mga nahahawa o nakakakuha ng COVID-19.
Dalawa hanggang tatlong libong kaso ang naitatala araw-araw simula noong February 25, 2021. Bunga na siguro ito na nakakalimot nang mag-ingat ang iba sa ating mga kababayan.
Habang patuloy ang panawagan ng Administrasyong Duterte na manatiling gawin ang mga itinatakdang mga health protocol gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield, social distancing atbp., tila marami sa atin ay napagod na nang pagsunod, kaya naman nasasapul sila ng virus.
Naka-isang taon na nga tayong nag-iingat at na-quarantine, magsasawalang-bahala pa ba tayo? Bukod sa naririyan pa ang virus, nagkaroon pa nga ito ng ibang uri o klase o ‘variant’ na tinatawag. Kaya ang pag-iingat ay kailangan pa ring gawin ng bawat isa sa atin.
May mga mungkahi na tuloy na ibalik na tayo uli sa mas mahigpit na quarantine upang mapigilan muli ang pag-dami ng mga nasasapul ng virus. At kung mangyayari ito, maghihirap at babalik na naman tayo sa dati gaya ng nakaraang taon. Tatamlay pa uli ang eknomiya na pilit na nating bnubuhay sa ngayon.
Siguro mas magandang mag-stay muna tayo uli sa ating mga tahanan, at iwasan ang paggala-gala kung saan-saan. Dangan kasi, sa mahabang pagkakakulong sa ating mga bahay, karamihan sa atin ay sinamantala na ang pagluluwag na pinayagan ng ating mga awtoridad. Halos mapuno uli ang mga mall at iba pang mga pasyalan at kainan.
Boom! Sumirit din uli ang bilang ng mga nagkaka-COVID 19. Eh di ba nga, nakukuha ito sa maraming umpukan ng tao? Paalala lang po, hindi pa umaalis o nawawala ang virus na nagbunga sa pandemyang ito.
Ang katigasan ng ating mga ulo sa di pag-sunod sa mga ipinag-uutos ang pihadong magdadala sa atin sa kapahamakan. Matagal ng aral ito, panahon pa ng ating mga ninuno, ay kawikaan na, na ang pag-iingat ay mainam na sandata ng lahat.
The post Mahalaga pa rin ang pag-iingat appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: