TINUTULAN ni Muntinlupa City Mayor Jimmy Fresnedi ang itinayong pader sa isang kalsada na malapit sa compound ng Bureau of Corrections (BuCor).
Nitong Sabado ay nagulantang ang mga residente ng Barangay Poblacion nang makita ang nakahambalang nang pader sa bahagi ng access road ng Southville 3.
Ayon sa alkalde, walang pahintulot mula sa tanggapan ng Muntinlupa City local government ang pagtatayo ng BuCor ng pader sa naturang bahagi ng kalsada.
“Mariin nating tinututulan ito dahil una, wala pong nangyaring koordinasyon sa Pamahalaang Lungsod ukol sa pagtatayo ng pader,” ani Fresnedi. “Hindi po ito ipinaalam sa ating tanggapan, at hindi rin nabigyan ng sapat na impormasyon ang mga residente.”
Kinumpirma ni Fresnedi ang pagpapadala ng notice ng BuCor sa mga opisyal ng Brgy. Poblacion noong March 19, pero hindi nakapaloob doon ang pagtatayo ng naturang istruktura.
Iginiit ng mayor na malaking abala ang ginawa ng ahensya, gayundin na pasakit sa transportasyon ng mga residente ang inilagay na harang.
“Nauunawaan kong kailangang maghigpit sa health protocols, pero pakiusap natin sa BuCor na unawain din ang ating mga kababayan.”
Nagtungo na sa lugar si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon para makiusap sa tanggapan na alisin na ang pader.
Sumulat na rin si Fresnedi sa pamunuan ng BuCor para itigil ang konstruksyon ng harang.
“Magpapasa rin ng resolusyon ang pamunuan ng Brgy. Poblacion at ang ating Sangguniang Panlungsod para kondenahin ang pagharang sa access road.”(Gaynor Bonilla)
The post Munti Mayor kinondena ang sa pagtatayo ng pader sa kalsada ng BuCor appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: