Facebook

Paanong ‘di dadami…

PUMALO sa limang libong (5K) kaso kada araw ang bilang ng mga nagka-COVID-19 sa atin, kaya ang mga ospital at mga tauhan nito ay ngarag na naman ngayon sa kakaasikaso ng nga pasyenteng inaasahan na magpupuno ng kanilang lugar.

Iisa lang ang nakikita kong dahilan nito – ang ating kapabayaan. Magmula kasi nang payagan magluwag-luwag ang ating pagalaw, karamihan sa atin ay nasabik sa paglabas ng bahay. Muling dumagsa ang mga tao sa daan at mga lugar na pasyalan.

Hindi ba’t kasama ito sa mga laging paki-usap ng Department of Health (DoH) -ang umiwas tayo sa ‘crowded places’ o matataong lugar. Dahil dito gumagala ang virus na nakamamatay na COVID-19.

Para naman tayong di naghirap ng isang taon para lang makaiwas sa virus, balewala ang lahat ng pagiingat na yan kung kakalimutan na natin at magiging kapante na naman tayo dahil pumayag na ang ating pamahalaan na luwagan ang ating mga paggalaw para sa ikaka-ahon ng ating ekonomiya at kabuhayan.

Noong una, ang mga tampuhing tsuper ng jeep na di pinayagang makabiyahe ay walang humpay sa kasisigaw na payagan nang makapag-hanapbuhay muli. Nang payagan naman at inatasang sumunod sa mga alituntuning makakapag-ingat sa kanila mismong sarili at kanilang mga pasahero, ay nagmalabis naman. Pinupuno ang kanilang mga jeepney at di na nasunod ang ‘social distancing’.

Ganoon din ang mga pangyayari sa mga malls, supermarket at pampublikong pamilihan. Lahat ay nagtumpok-tumpok. Ang mga bata at matanda na kasali sa edad na itinakda ng mga ekspertong di muna maaaring lumabas ay nakisabay na rin bilang mga pasaway.

Sila ate, kuya atbp., nagsusuot nga ng face mask, di naman tama at imbes na tumakip sa ilong at bibig, baba ang natatakpan. Ang face shield naman ay ginagawang head band ng ilan. Sabay-sabay sa pag-gala. Paano nga namang di dadaming muli ang magkaka-COVID-19?

Sising alipin tayo uli. At nito ngang huli, ay pinagbawalan na uling makalabas sa gabi. Sumailalim ang buong Metro Manila sa ‘uniform curfew’ mula alas-dyis ng gabi hanggang alas-singko ng umaga (10:pm – 5:am). Eh kasi nga naging sentro na naman ang kamaynilaan sa pagdami ng nagkaka-COVID-19.

Yan ay sa kabila ng mga dumating at parating pang mga bakuna, kung saan tinatarget ng Administrasyong Duterte na 70 percent man lang ng populasyon ng mahigit 100 milyong Filipino ay maturukan na ng bakuna upang labanan ang virus.

Lagpas na sa anim na raang (600,000) Pinoy na po ang nagkaka-COVID-19 at tinatayang dadami pa ito.

Paki-usap naman po, sumunod pa rin tayo at gawin ang mga ‘minimum public health standards’ upang mapigilan ang hawaan ng virus. Ganoon na lamang ang ibayong pagsusumikap ng ating pamahalaan upang pangalagaan tayong lahat, nasyunal man o lokal.

Ang mga maliliit at napaka-simpleng gawaing pag-iingat ay di naman mahirap gawin. Para ito sa ating mga sarili na rin at sa ating mga mahal sa buhay. Dyan niyo na lang isa-alang-alang ang pag-iingat at ipaubaya niyo na sa pamahalaan ang mga dapat gawin upang buhayin naman ang ekonomiya.

The post Paanong ‘di dadami… appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Paanong ‘di dadami… Paanong ‘di dadami… Reviewed by misfitgympal on Marso 20, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.