Facebook

Hotel/Motel Bilang Quarantine Facilities, Pakiusap Ni Isko

INATASAN ni Manila Mayor Isko Moreno sina Vice Mayor Honey Lacuna at Bureau of Permits chief Levi Facundo na kausapin ang lahat ng mga nagmamay-ari ng motels at hotel sa lungsod at pakiusapan ang mga ito na gawing quarantine facilities dahil ayon sa kanyang tinutukoy na terminong ‘resurgence’ ng mga kaso ng COVID-19.

Ayon kay Moreno, sa kabila ng maraming itinayong quarantine facilities ng lungsod, ang nakababahalang pagtaas muli ng mga kaso ng coronavirus sa mga residente ay posibleng pumuno sa mga facilities.

Dahil dito ang atas kina Lacuna at Facundo ay bilang bahagi lamang ng paghahanda sa posibleng pag-apaw ng mga kaso ng COVID-19 na hinulaan na rin ng mga health experts dahil sa nakikitang bilis ng pagdami ng impeksyon.

Labis na nalulungkot si Moreno dahil ang mga itinakdang COVID beds ng pamahalaang lungsod sa mga city-run hospitals at quarantine facilities ay nagrehistro ng napakataas occupancy rates na hindi pa nararanasan ng lungsod sa nakalipas na taon ng pakikidigma ng pamahalaang lokal sa pandemya.

Sinabi ng alkalde na maglalagay ng karagdagang 300 quarantine beds sa mga existing facilities para matanggap ang mga pasyenteng magpopositibo sa coronavirus sa darating na mga araw.

Dahil sa ang hawahan ngayon ay pami-pamilya na, pinayuhan ni Moreno ang mga residente na laging magsuot ng facemasks sa loob ng kanilang tahanan at sasakyan at isipin na ang kanilang katabi ay virus carrier.

Inanunsyo rin ni Moreno na ang Manila Emergency Operations Center o MEOC na siyang humahawak ng mga emergency situations katulad ng mga pasyenteng kailangang sunduin dahil may COVID ay nagdagdag na ng kanilang contact numbers dahil ang kasalukuyang numero ay laging busy dahil sa dami ng mga request at tanong.

Umapela din ang alkalde sa lahat ng mga residente ng Maynila na kumilos na parang nasa ilalim ng enhanced community quarantine kahit nasa general community quarantine ang estado ng lungsod.

“Kahit naka-GCQ, dapat ang attitude ay ECQ. Huwag na gumala kung walang gagawing importante o dapat bilhin. Sa loob na lamang tayo ng bahay. Wag nang mag-party o gumawa ng mga bagay na pupuwede namang iwasan muna,” sabi ng alkalde.

Idinagdag din ni Moreno na: “Wag muna mag-bakasyon… dati hinayaan ang mga tao umuwi sa probinsya kaya ayun. Nagkaleche-leche ang mga probinsiya. Tapos ngayon balik naman ang impeksyon sa Metro Manila.” (ANDI GARCIA)

The post Hotel/Motel Bilang Quarantine Facilities, Pakiusap Ni Isko appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Hotel/Motel Bilang Quarantine Facilities, Pakiusap Ni Isko Hotel/Motel Bilang Quarantine Facilities, Pakiusap Ni Isko Reviewed by misfitgympal on Marso 20, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.