Facebook

Papalya ang BOC laban sa iligal na bakuna

NAKAALERTO ang Bureau of Customs (BOC) laban sa pagpasok ng mga bakuna mula sa iba’t ibang bansa.

Iligal ang mga bakunang ito kung hindi daraan sa tama at ligal na prosesong itinakda ng batas ng ating bansa.

Dahil panahon ngayon ng pagtuturok ng mga bakuna sa mamamayang Filipino upang matiyak na sila ay ligtas mula sa coronavirus disease – 2019 (COVID – 19), inatasan ni Finance Secretary Carlos Dominguez III si BOC Commissioner Rey Guerrero na bantayan ang lahat ng pantalang pinangangasiwaan ng BOC upang hindi maipasok sa ating bansa ang smuggled vaccines.

Walang saysay ang direktiba ni Dominguez kay Guerrero dahil mayroon nang bakuna sa merkado na iligal na naipasok sa ating bansa, ayon sa naibalita sa media.

Naturukan na rin ang mga tauhan ng Presidential Security Group (PSG) nang bakunang hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).

Iniyabang na rin ng Special Envoy to China at Kolumnista ng The Manila Times na si Ramon Tulfo na nagpabakuna na siya kasama ang ilang miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte, isang senador at iba pa.

Pokaragat na ‘yan!

Ibang klaseng nilalang ang mga taga-PSG at si Tulfo!

Pero, iniimbestigahan na raw ang PSG at si Tulfo ng Department of Heath (DOH) at ng FDA.

Kahit ilang ulit na magpalabas ng press release ang Department of Finance (DOF) at BOC ay hindi na ako maniniwalang kaya nitong sugpuin at patigilin ang pagpapalusot ng mga bakunang papasok sa Pilipinas dahil mayroon nang nakapasok sa bansa bago pa man dumating ang 600,000 doses na CoronaVac na gawa ng Sinovac Biotech Ltd. sa bansa nitong Pebrero 28.

Paano pa akong maniniwala sa DOF at BOC kung patuloy ang pagpasok hanggang kasalukuyan ng mga sigarilyo at mga gamot na inismagold.

At ang pinakamatindi sa lahat ay hindi rin matapus-tapos ang pagpasok ng mga iligal na droga sa bansa tulad ng methamphetamine hydrochloride (shabu o meth) at party drugs tulad ng ecstasy.

Sabi ng pinuno ng Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) na si Wilkins Villanueva ilang linggo na ang nakalipas na wala nang laboratoryo ng shabu sa ating bansa.

Nalansag na itong lahat, diin pa ni Villanueva.

Kung mayroon mang shabu lab na madidiskubre ay mangilan-ngilan na lang ito at pawang “kitchen – type” na lang.

Pokaragat na ‘yan!

Kung totoo ang pinakawalang impormasyon ni Villanueva, saan galing ang mga libu-libo hanggang milyun-milyong shabu na nakukumpiska halos araw-araw sa maraming panig ng bansa?

Sa Quezon City halimabawa, naglipana ito sa maraming bahagi ng lungsod, batay na sa ulat ng Public Informaton Office (PIO) ng QCPD.

Sa Lungsod ng Taguig, hindi araw-araw nakakukumpiska ang mga alagad ng batas dito, ngunit kapag nakahuli naman ay mahigit isang milyon ang halaga ng shabu.

Pokaragat na ‘yan!

Tulad na lamang ng nasakote ng mga pulis sa Barangay Pinagsama, Taguig City na sina Enzo Dwight Javier, 18-anyos, at Jose Hernando, 30 taong -gulang, ang nakumpiskahan ng P1.426 milyong halaga ng shabu.

Pokaragat na ‘yan! Ang babata pa, mahigit isang milyon na ang dalang shabu?!

Kung kumikilos nang husto ang mga tauhan ng PDEA sa lahat ng rehiyon, lalawigan, lungsod at bayan, bakit hindi matigil-tigil ang paglipana ng shabu sa maraming panig ng bansa.

Kung aktibung-aktibo ang mga pulis mula Luzon hanggang Mindanao, bakit patuloy pa rin ang bentahan ng iligal na droga?

Kung totoong nakaalerto ang BOC at tapat na ginagampanan ng mga opisyal at kawani nito ang kanilang sinumpaang gawain, tungkulin at obligasyon, bakit maraming produktong nakapasok at nakapapasok sa ating bansa, sa pamamagitan ng iligal na paraan at proseso?

The post Papalya ang BOC laban sa iligal na bakuna appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Papalya ang BOC laban sa iligal na bakuna Papalya ang BOC laban sa iligal na bakuna Reviewed by misfitgympal on Marso 02, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.