Facebook

‘Pribadong Mga Doktor at Nurse Naman ang Sunod na Babakunahan’ – Isko

MATAPOS na mabakunahan ang mga medical frontliners na nagsisilbi sa pamahalaang lungsod ng Maynila ay inanunsyo ni Mayor Isko Moreno na ang mga nasa private hospitals at clinics naman ang susunod na babakunahan ng libre ng lokal na pamahalaan.

“Next will be the doctors and nurses and other medical frontliners in private clinics and hospitals in the city. Di lang para sa amin, we will share din sa doctors and medical frontliners on top of dun sa public hospitals ng city,” sabi ni Moreno.

“Halimbawa me sumobra at ayaw ng iba, ibibigay ko sa other frontliners laluna sa drivers, employes of malls or hotels para panatag ang pasahero at driver sa paghahanapbuhay at ‘yung mga nagbibigay ng serbisyo sa malls at hotels at mga kostumer nila,” dagdag pa nito.

Kaugnay nito ay isang nakakalungkot na balita ang pinarating ni Moreno sa publiko kaugnay ng nakakaalarmang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa lungsod. Ito ay sa kabila ng paulit-ulit niyang panawagan na ipagpatuloy ang sariling disiplina pagdating sa basic health protocols upang may panlaban sa coronavirus.

Sa kanyang live broadcast, sinabi ni Moreno na simula pa ng alas-12 ng tanghali noong March 2, ang lungsod ay nakapagrehistro na ng 61 bagong kaso ng COVID na ang ibig sabihin ay mula sa dating average active cases na 300 sa loob ng apat na buwan ay tumaas ito sa average active case na 575.

“Me paglago muli ng impeksyon kaya dapat tayong maging maagap.. magpabakuna pag meron na,” pahayag ni Moreno kasabay ng pagsasabing maging siya ay gustong-gusto ng magpabakuna pero kailangan silang sumunod sa ipinaguutos ng pamahalaan na unahin ang mga medical frontliners.

Muli ay binanggit ng alkalde na siya ay magpapabakuna sa harap ng publiko upang ipakita ang kahalagahan ng pagbabakuna upang makaiwas sa mas malalang peligro ng impeksyon.

“Papabakuna ako in public…di naman araw-araw Pasko. Nakapito na ‘ko, ayoko nang makawalo pa,” ayon kay Moreno na tinutukoy ang pitong ulit na pagkakataon kung saan di niya alam na na-expose na siya sa COVID-19 carriers ngunit sa kabutihang palad ay hindi siya nahawa.

Natutuwang ibinalita naman ni Moreno na matagumpay ang vaccination rollout sa Sta. Ana Hospital at ito ay resulta ng tuloy-tuloy na simulation exercises na ginawa ng pamahalaang lungsod.

Samantala si Vice Mayor Honey Lacuna na isa ring doktor ang kaunahang naturukan ng bakuna sa mga health frontliners ng lungsod. Si Lacuna at Moreno ay patuloy na hinihikayat ang publiko na magpabakuna kapag dumating na ang bakuna dahil kapag walang bakuna ang katawan ng tao ay 100 porsyento ang tsansa na ikamatay nya ito kapag tinamaan siya ng COVID-19.

“We had many simulations thanks to the Manila Health Department and to Sta. Ana Hospital Director Dr. Grace Padilla. We finished the vaccination nang walang aberya or nasayang na bakuna,” ayon pa kay Moreno.

Ayon pa sa alkalde ay handa siyang magpaubaya sa mga nasa priority list at sinabing tatanggap lamang siya ng bakuna kapag may go signal na ang mga mayors na tumanggap ng bakuna kahit na anong brand pa ito o kahit saang bansa ito nagmula. (ANDI GARCIA)

The post ‘Pribadong Mga Doktor at Nurse Naman ang Sunod na Babakunahan’ – Isko appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
‘Pribadong Mga Doktor at Nurse Naman ang Sunod na Babakunahan’ – Isko ‘Pribadong Mga Doktor at Nurse Naman ang Sunod na Babakunahan’ – Isko Reviewed by misfitgympal on Marso 02, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.