Facebook

Zarzuela ng bakuna

HINDI magkamayaw sa tuwa ang pamahalaan ni Totoy Kulambo ng dumating ang walang bisang bakuna mula sa Tsina dahil kailangan nila ito sa kanilang gimmick upang pigilin ang patuloy na pagbagsak ng popularidad ng kasalukuyang pamahalaan sa mata ni Mang Juan Pasan Krus. Walang sinayang na oras si TK at agad na nagtungo sa paliparan ng bansa upang salubungin ang bakuna galing sa matalik na kaibigang si Xi na talagang kinikilala ang bansa bilang kanilang probinsya este malapit na kaalyado. Lagpas ang ngiti sa tenga ni TK at labis-labis ang pagpapasalamat at sandamakmak na papuri ang nangusal sa bibig para sa bansang Tsina dahil malapit ng maibsan ang takot ni Mang Juan sa C19. Sa entablado ng patimpalak tuwang-tuwa si TK sa zarzuelang nagaganap at maiibsan na ang pagdausdos ng approval RATING nito. Sa ngayon hayaan nating damahin ng administrasyon ang pansamantalang pagsasaya ngunit huwag natin ibaba ang timon ng pagbabantay dahil baka biglang magkaroon ng mahika sa panahon ng kanilang kasiyahan. Bantayan ang mga kilos nito at baka biglang matulala tayo sa biglang pangyayari.

Sa pagtatangkang pabanguhin ang imahe ng rehimen ni Totoy Kulambo, makikita ang gimmick ng tagapagsalita nitong si Haring Shokey na talaga naman kasunod ang maraming media outfit na ipinangangalandakan na handa na ang bansa sa susunod na kabanata ng paglaban sa C19. At todo tutok sa gagawing unang pasada ng pagbabakuna sa mga health workers sa pangunguna ng mga doktor na kanilang ginamit sa gimmick upang ipakita na ang bakunang galing Tsina’y mabisa. Sa pagpapaturok ng mga mismong mga doktor na galing sa mahusay na hospital ang nagpakita ng interest dito. Wow talagang nakakabilib.

Subalit ito ba talaga ang tunay na kaganapan o baka bahagi ito ng zarzuela upang palabasin na katanggap-tangap at mabisa ang bakuna na galing sa Tsina? Ang pagpapabakuna ba ng mga doktor na ito’y kusa at walang brasuhan o baka dahil nagkataon na hindi ito makaayaw dahil sa mga pwestong iniingatan? Sa tinig ni Haring Shokey masasabing may brasuhan sa pagpapabakuna ng mga doktor lalo na yung mga nasa pwesto.

Sa kabila ng mga balita tila hindi pa handa si Totoy Kulambo na maturukan ng bakuna galing sa bansa ng kanyang amo. Ang kahandaan nitong magpabakuna’y naroon subalit hindi sangayon kuno ang doktor niya na paturukan dahil sa edad nito. Magkaibang tindig subalit nanaig ang pagsisiguro ni TK na huwag munang magpabakuna. Sinisiguro na walang masamang epekto ang bakuna at kailangan munang obserbahan bago ito magpaturok. O’ talagang takot ito sa bakuna ng Tsina at nagsisiguro na kung mabakunahan, galing sa mga kumpanya mula sa Estados Unidos o Europa. Nagsisiguro talaga at hinayaan ang mga health workers ang magpatunay ng bisa ng bakuna bago umaksyon at gumawa ng desisyon. At sa medyo batang mga kalihim sige na sugod na para sa palabas na sila ang bida. Ang zarzuelang ito’y talagang manipis at hindi kayang itago sa mata ni Mang Juan na sinusuri ang bawat galaw ng pamahalaang ito.

Sa katotohanan, hindi hihigit sa 300 libong tao ang mabibigyan ng bakuna sa donasyong 600 libong bakuna. Dahil kailangan pa nito ng ikalawang yugto o second dose upang maging mabisa. Kaya zarzuela ang nagaganap sa kasalukuyan at inaaliw si Mang Juan upang kahit paano’y makalimot ito sa abot langit na presyo ng bilihin, hirap ng buhay at ang politika ng bakuna. Nariyan din ang layunin na ipakita na kumikilos ang pamahalaang ito kontra pandemya at hindi nagpapabaya, talaga lang ha. Asahan na ang darating pang mga bakuna’y pawang mga donasyon, at mula naman sa WHO ang susunod na kabanata. At kung tatanungin kung may mga naisara nang mga kontrata na magtitiyak ng pagpasok ng mga bibilihing mga bakuna’y siya pa ring katanungan hangang sa kasalukuyan.

Atubili ang mga Pharma company/ies na pumasok sa bansa dahil sa karanasan ng SANOFI na dinala sa hukuman dahil sa pagmamagaling ng iilan. Atubili ang mga Pharma company/ ies na galing kanluran na pumasok sa bansa dahil sa tala na ang pamahalaang ito’y dawit sa paglabag sa karapatang pantao. Atubili ang mga Pharma Company/ies na pumasok sa bansa dahil sa wala itong pampadulas sa mga negosyador.

Malinaw na isang zarzuela lamang ang mga pangyayaring naganap ng mga nakaraang araw dahil hindi ito lumalarawan sa tunay na kalagayan ng bansa sa pagharap sa problema ng pandemya. Puno ng pagkukunwari ang palabas at hindi totoo ang mga nagaganap. Hindi tangap ni Mang Juan ang bakunang galing Tsina sa halip isang mapait itong gamot na pilit na sinasaksak sa kaisipan ng bawat anak ni Mang Juan at Aling Marya. Ang mga bukudong pagkukunwari’y hindi matakpan dahil na rin sa pangamba ng mismong nasa pamahalaan. Ang papoging ginawa sa harap ng kamera’y hindi lingid kay Mang Juan. Ang patutsada ni TK kay Busy Leni na maunang magpabakuna ang malinaw na larawan na sila mismo’y nagdadalawang isip sa gagawin. Let’s wait and see kung ano ang mangyayari, hehehe.

At sa totoo pa rin, wala pa sa 1% ng ating populasyon ang matuturukan ng donasyong bakuna sa ating bansa, subalit ang zarzuela ng bakuna’y talagang nabigyan ng atensyon at nakapag bigay ng pansamantalang hangin kay Totoy Kulambo. . . Kaya ingat Mang Juan at Aling Marya hindi tumatakbo ang sagot sa pandemya…

Ipagdasal natin ang mga health workers na mapagtagumpayan nila ito.

Maraming Salamat po!!!

***

dantz_zamora@yahoo.com

The post Zarzuela ng bakuna appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Zarzuela ng bakuna Zarzuela ng bakuna Reviewed by misfitgympal on Marso 02, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.