Facebook

Sala-salang kautusan

TALAGA namang salang-sala ang kautusan na Inilalabas ng administrasyon ni Totoy Kulambo mula ng ito’y naupo sa pamahalaan. Mula sa salang laban sa droga na nauwi sa EJK, salang laban sa korapsyon na nauwi sa mga bilyon-bilyong pagkawala ng pondo sa pamahalan, mula sa pagkakaluklok sa mga tinaguriang kaliwa hangang sa all-out war laban sa NPA at mga paglabag sa karapatang-pantao.

Hilo at hindi maintindihan ni Mang Juan Pasan Krus ang kalbaryong dinadala mula ng maupo si Totoy Kulambo sa puno ng Balite sa Malacanang. At lalong lumala ang kalbaryo ng mama ng pumasok ang pandemya sa bansa, dahil sa kawalan ng plano ng pamahalan ni TK kung paano haharapin ang pandemya.

Sa kawalan ng mabilisang pagtugon sa pandemya ng pamahalaan, nagkasanga-sanga ang problema mula sa kalusugan hangang sa kabuhayan o ekonomiya. O’ talagang hindi binigyan pansin dahil mula ito sa malapit na kaibigan na kailangan ilingid sa kaalaman ni Mang Juan. Ang masakit pa nito, may ilang tao sa pamahalaan na ginawang kabuhayan ang pandemya para sa sariling kapakanan.

At nang magsimulang dumami at magdeklara ng alerto ang napakasipag sa tulog na si Totoy Kulambo parang naalimpungatan ito na seryoso ang usapin ang pandemya.

Pumasok na sa isang taong anibersaryo ang pandemya sa bansa, tila muling nagsisimula ito sa dami ng bagong bilang ng nagkakaroon ng C-19. Sa kawalan ng balangkas upang malupig ito, bumalik ang pandemya ng mas malakas at mabilis sa likod ng kawalan ng bakuna.

Hindi muling magkandaugaga ang mga health workers sa dami ng tao sa mga hospital na kanilang hinaharap dahil sa sakit. Ang kaibahan lang sa una at sa kasalukuyan, may mga ayudang kung anu-ano para sa mga HW, tulad ng PPE, at isang milyong piso para sa pamilya ng HW na masasawi laban sa pandemya, eh ngayon, meron pa ba nito?

At ang pinakamatingkad na tugon ni Totoy Kulambo sa unang bugso ng pandemya, ang pagdeklara ng lockdown, paglalagay ng checkpoint na pinatauhan sa kasundaluhan at pulis. . Sa kasalukuyan walang deklarasyon ng lockdown subalit ang mekanismo nito’y nariyan at ipinatutupad. Hindi makapagdeklara ng lockdown sa kawalan ng maibibigay na pang-ayuda kay Mang Juan at sa pamilya nito.

Walang perang maitustos sa mga taong nagkaroon ng C-19, dahil lugmok ang ekonomiya ng bansa at kailangang buksan dahil sa tagal ng bakasyon na nalasap ni Mang Juan. Masasabing ito rin marahil ang dahilan ng pagkalat ng panibagong bugso ng pandemya na may dalang bagong variant mula sa kung saan – saan. Ayan kasi, walang pag-aaral at balangkas sa mga sala nitong pagpapasya.

Sa isang taon ng pandemya, balik ang usapin sa pagpigil ng pagkalat nito, ikaw, ako, sila at tayo na ang magkusa kung paano pipigilan ang pandemyang salot sa mundo. Ang mga salaping nautang para sa bakuna’y hindi malaman kung nasaan na. Ang sinimulang mga pagtuturok ng bakuna’y galing sa mga donasyon at walang perang lumabas sa kaban ng bayan.

Sa totoo lang halos hindi kumikilos ang bakunang donasyon mula sa Tsina dahil maraming Pilipino ang hindi naniniwala sa bisa nito at galing mismo ang pandemya sa bansa ng POGO. Hindi nais ni Mang Juan na gamitin ang sariling katawan upang mapag-aralan ng mga kawatan. Hinahanap ni Mang Juan ang bakuna na masabi niyang karapat-dapat sa kanya dahil ito’y kanyang bayarin sa hinaharap.

Nasaan na at may naisara na bang kasunduan sa pagpasok ng bakuna na nais ni Mang Juan? O’ maaari bang payagan ang mga LGU, na bumili ng bakuna sa mga kumpanyang nais nito ng walang parusang haharapin mula sa pambansang pamahalaan? Maaari bang bumili ang mga LGU para sa mga nasasakupan ng walang hihingin bahagi ang pambansang pamahalaan?

At ito rin ang tanong ng maraming pribadong kumpanya sa bansa na nagnanais bumili ng bakuna para sa mga empleyado nito bilang ayuda? Dahil sa mga sala – salang patakaran ng pambansang pamahalaan maraming indibidwal, grupo, at korporasyon ang nagnanais ng magpatupad ng pagbabakuna sa maliit nilang kakayanan.

Subalit may mga pagdadalawang isip dahil sa mga paghihigpit at paglalaan ng ilang porsiento ng bibilihing bakuna para sa pamahalaan. Kung nais pagalawin ang ekonomiya, hayaan gumalaw ang nais tumulong ayon sa kanilang kapasidad ng walang pabigat mula sa pamahaalaan.

Ang magkaibang kumpas ng pamahalaang ito ang nagpapahirap sa mga dapat gawin ng balana upang maibsan ang kanilang mga dalahin. Walang lockdown subalit ang mga mekanismo nito ang pinatutupad at naglilimita sa galaw ni Mang Juan.

Hindi mawari lalo na ng mga obrero kung sa pagpasok nila’y hindi hahanapan ng kung anu-ano bago makalagpas sa mga checkpoint na itatayo. Hindi ito makakaalis sa bahay kung hindi inaabot ang oras kung saan pinapayagan ang paglabas ganundin sa pag-uwi. Walang lugar upang makipagtalo pa sa mga bantay checkpoint dahil sa karanasan na walang dapat sundin kundi ang nais ng pamahalaan para daw sa ating kabutihan.

Ang hindi pinag-aralang mga deklarasyon na talaga namang sala ang mabigat na dalahin. Hindi malaman ni Mang Juan kung saan lulugar sa hindi magkakatugmang mga deklarasyon. Meron bang bukas na lockdown, ano ka hilo?

Talagang bagsak ang grado ng pamahalaang ito saan mang usapin ng pamamahala, lalo na sa pandemya. Itong pamahalaan ni TK, talagang walang kakayahan at hindi kinakitaan ng gilas sa pamamahala, bagkus puro pasanin ang dulot sa bayan. Pumasok ba sa inyong malawak na kaisipan na magbitiw sa kinagigiliwang trabaho upang bigyan daan ang mga nararapat sa mga naatang na gawain?

Pumasok ba sa inyong kaisipan na yayain si Totoy Kulambo na magbitiw dahil nakita na wala itong kakayanan na tanganan ang panguluhan? At sa iyo mismo, TK, minsan nasabi mo na ibig mong maging dakila, ito na ang hinihinging pagkakataon, ang isakripisyo ang panguluhan para sa kapakanan ni Mang Juan.

Sa kalagayan natin ngayon na hindi mawari ang kinabukasan, ang sala-sala na pagpapatakbo sa pamahalaan ang tuwirang pahirap sa buhay ni Mang Juan. Ang ‘di mawaring pagbubukas ng ekonomiya habang lockdown sa pandemya ba ang dapat? Nasaan ang mga pondong walang larawan ngunit may tala?

Walang ayuda, wala pang bakuna pero ubos ang pera. Ipakita kay Mang Juan ang tunay na usaping bayan, itigil ang sala – salang kautusan at mapagbigyan ang hiling na maliit na bagay, ang magbibitiw sa panguluhan ambag mo sa kinabukasan.

Maraming Salamat po!!!

***

dantz_zamora@yahoo.com

The post Sala-salang kautusan appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Sala-salang kautusan Sala-salang kautusan Reviewed by misfitgympal on Marso 16, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.