Facebook

Si Eleazar na nga!

SI P/LtGen. Guillermo T. Eleazar ang Officer -in -charge ng PNP habang nakikipagbuno si PDG Debold Sinas sa nakamamatay na virus COVID 19.

Parusa marahil ito ng tadhana kay Sinas dahil sa nagawa nitong paglabag sa health protocol bago pa man ito nahirang ni Pangulong Digong na pamunuan ang may 220,000 na opisyales at miyembro ng kapulisan sa buong bansa.

May ilan namang nagsasabi na baka kay Sinas bumukol ang napakaraming kapalpakan ng PNP sa ilalim ng kanyang liderato. Kung tutuusin talaga namang katakot-takot ang bukol at batik sa imahe ng PNP at dapat lamang na tablan ng hiya si Sinas sa napaka-pangit na performance at serbisyo publiko ng Pambansang Kapulisan.

Simula sa sinasabing misencounter sa pagitan ng Quezon City Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), madugong enkwentro ng elemento ng CALABARZON Police at grupo ng mga aktibista sa magkakahiwalay na probinsya ng CALABARZON at pagkakapaslang kay Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino, ay ang kapulisan ang lumilitaw na naging kontrabida sa mga naturang insidente.

Karaniwan na kapag may imbestigasyon sa mga kontrobersyal na kasong sangkot ang serbisyo ng PNP ay pinagbabakasyon o kaya ay sinusupende ang mga protagonist na opisyales at kagawad ng kapulisan.

Kaya kung nasa bukabolaryo ni Sinas ang salitang “delikadeza” dapat ngang magbakasyon ito pati na ang kanyang field commander at si Quezon City Police District director, PBG Danilo P. Macerin.

Bukod kina Sinas at Macerin dapat ding pagbakasyunin sina PNP Region 4-director, PBG Felipe Natividad, at ang mga Provincial director na sina P/Col. Joseph Arguelles ng Rizal, P/Col. Serafin Petalio ng Laguna, P/ Col. Rex Arvin T. Malimban ng Batangas at P/Col. Marlon Santos ng Cavite.

Maging ang PNP Regional director ng Eastern Visayas ay dapat ding bakantehin ang pwesto para hindi maging kaduda-duda ang resulta ng ginagawang imbestigasyon ng ahensyang naatasang magsiyasat sa insidenteng pinagbuwisan ng maraming buhay.

Hindi natin kinokondena ang kapulisan, ngunit para na rin maiwasan ang hinalang maaring maimpluwensyahan ng mga police official na sangkot sa nasabing insidente ang kaso, ay kailangan ngang tanggalan ng mando ang mga ito o kaya ay suspendihin sa kanilang tungkulin habang wala pang resulta pabor sa kanila ang ginagawang pagsisiyasat.

Sinimulan na ni LtGen. Eleazar ang wastong hakbang para mapahupa ang agam-agam na magkakaroon ng pagtatakip sa imbestigasyon sa pagkakapatay kay Calbayog City Mayor Ronald Aquino.

Ito ay ang pagsibak sa pwesto kay Calbayog City Police Chief LtCol. Neil Montaño, sa Intelligence Chief nito na si PLt. Fernando Calabria Jr. at siyam na tauhan ng Calbayog City Police Station.

Ang aksyon ni Eleazar ay maituturing na isang napaka-halagang direksyon tungo sa pagbibihis anyo ng PNP na lalong naging madungis sa pagkakaupo ni Sinas.

Sa totoo lang ay napakaraming trabahong pulis ang di nagagawa ng maraming opisyales at miyembro ng kapulisan sa buong bansa sa ilalim ng liderato ni Sinas, kabilang pa dito ang pagsugpo ng sindikatong sangkot sa kalakalan ng droga at drug trade na nagkakanlong sa jueteng operation lalo na sa hurisdiksyon ni Gen. Natividad.

Sa katunayan ay patuloy ang operasyon ng kalakalan ng shabu gamit na front ang jueteng operation sa buong lalawigan ng Cavite ng mga drug/gambling operator na sina Zalding Kombat, Kaloy Kolanding, alias Alwin at alias Mayor Menong.

Ginagamit namang prente ng nasabing sindikato ang operasyon ng Peryahan ng Bayan (PnB) na pinatatakbo ng isang alias Chito ng Global Tech.

Kunyari ay franchise holder ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang Global Tech na mariin namang itinanggi ni PCSO Chairperson at General Manager Royina Garma.

May jueteng operation din sa Antipolo City at 13 pang mga bayan sa lalawigan ng Rizal ang mag-among alias John Yap at alias Jun Moriones at ang retiradong pulis na si alias Abion.

Samantala laganap din ang bentahan ng shabu sa mga siyudad ng Tanauan at Lipa City parehong nasa preobinsya ng Batangas na nagkakanlong sa Small town lottery (STL) operation ng Batangas Enhanced Technology System (BETSI).

Sa harap ng kaganapang ito ay wala namang aksyon laban sa kabalbalang ito ni PBG Natividad, Col Santos, Col. Arguelles at Col. Malimban.

Kapag ang magrerenda sa kapulisan ay tulad ni LtGen. Eleazar, lahat na sindikatong grupo at maging aktibidad ng mga eskalawag ay tiyak na matututukan at masusupil ng kapulisan. Kaya, sana… si Eleazar na nga!

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com

The post Si Eleazar na nga! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Si Eleazar na nga! Si Eleazar na nga! Reviewed by misfitgympal on Marso 16, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.