Facebook

Sindikato ng ‘tongpats’ sa DA, pinahuhubaran ng magbababoy

Nananawagan ng malawakang imbestigasyon ang grupo ng mga magbababoy kaugnay sa sumambulat na isyu na P6 bilyon ‘tongpats’ sa pork importation.
Kaugnay ito ng ibinunyag ni Senator Panfilo Lacson na may nangyayaring kurapsyon sa pork importation ng Department of Agriculture (DA), na hindi bababa sa P6 bilyon ang makukuhang kickbacks sa proposal ng DA na dagdagan ang volume ng pork products at bawasan ang taripa nito.
Napag-alaman na mayroong P5-P7 kada kilo ang nakokolekta ng ‘tongpats’ ng mga sindikato ng DA mula sa mga imported na karne.
Sa nasabing proposal ng DA na itaas sa 400,000 metric tons mula sa dating 54,000 kilos, kikita ang mga ito ng P6 bilyon kada taon.
Kaugnay nito, hiniling ni dating AGAP partylist at Vice President ng Pork Producers Federation of the Philippines Nick Briones kay Pangulong Rodrigo Duterte na paimbestigahan ang nasabing anomalya kay Department of Justice Secretary Menardo Guevarra kung saan pangangasiwaan ito ng National Bureau of Imbestigastion (NBI).
Sumulat na rin si Briones kay Senate President Tito Sotto na magsagawa ng kaukulang imbestigasyon sa nasabing anomalya sa DA, na kaagad naman tinugunan ito ni Sotto at nagpahayag ng suporta sa mga magbababoy.
Ayon kay Briones, lubhang nakakabahala kung bakit mas gusto ng DA na itaas ang importasyon ng karne sa halip na itaas ang taripa sa mga inaangkat na produkto ng baboy, na maliwanang na may nakikinabang sa loob ng ahensiya ng DA.
Sinabi ni Briones na sa halip na 40 percent ang taripa ng mga imported na karne ng baboy ginagawa ng DA na 5% ito at pinadadagdagan din ang importasyon.
Sa kabuuan, aabot sa P14 bilyong piso sa taripa taun-taon ang mawawalang kita ng pamahalaan, na dapat sana mapapakinabangan ng sektor ng agrikultura.
Naniniwala si Briones na kung tututukan ni Guevarra ang imbestigasyon sa isyu ng “tongpats” agaran nitong matutukoy ang lahat ng sangkot sa anomalya sa DA.
Iminungkahini Briones, na kunin ang top 10 trader at importer ng mga meat processor upang mahuli ang mga nakikinabang sa sinasabing ‘technical smuggling’ sa Bureau of Customs (BoC).
Inaasahan ng mga magbababoy na agarang mahuhubaran ang sindikatong tumatanggap ng ‘tongpats’ sa mga importer upang mabawasan ang kanilang paghihirap sa smuggling at importasyon ng mga karneng baboy.

The post Sindikato ng ‘tongpats’ sa DA, pinahuhubaran ng magbababoy appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Sindikato ng ‘tongpats’ sa DA, pinahuhubaran ng magbababoy Sindikato ng ‘tongpats’ sa DA, pinahuhubaran ng magbababoy Reviewed by misfitgympal on Marso 16, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.