Facebook

Takbuhan sa ‘22

TILA salat sa kapalaran ang lupain na ating kinamulatan at mula ng lumaya sa kamay ng dayuhan masasabing hindi ito naka sumpong ng lider na tunay na magmamalasakit sa kabuhayan ng mamamayang Pilipino. May iba’t ibang anyo ng pamumuno subalit laging ang pansariling kagalingan ang prayoridad upang mapanatili ang pwestong maibigan lokal man o pambansa.

Huwag na natin pakahabaan sa pagbalik tanaw sa mga naunang mga lider na kilala sa lipunan. Silipin na kaagad natin ang mga lider o namumuno na kapit-tuko sa puwesto na ayaw ng bumitiw sa iisang dahilan, ang mamunini sa kapangyarihan. Maging ang mga baguhang politiko, lumalabas ang ambisyon sa kapangyarihan ng isang puno ng bansa kahit hindi pa hinog ang kaalaman sa kalakaran ng pamunuan.

Ang mga pagtulong kuno at pasunod – sunod na parang aso sa among palatulog, tamad at walang alam sa pamamalakad. Ang mahalaga, mabola ang mga bobotanteng nakikipagharimunan sa sandaling pangangailangan kahit sa dulo’y nakanganga na lamang.

Silipin natin ang ilang mga personalidad na talaga namang lumulutang ang pangalan na nagsasabi o inuudyukan na tumakbo sa ’22, kahit patuloy ang pagtanggi at sinasabi na walang alam sa ginagawa ng mga kaibigan subalit hindi masabi na tumigil na kayo.

May mga motorcade gamit ang magagara at ‘di magarang mga auto ngunit ang mensahe patungkol pa rin sa pagtakbo ng mga politikong napipisil ng bawat grupo.

Una sa listahan si, Sarah Duterte – Carpio – anak ni Totoy Kulambo na hindi nagpapahayag ng pagnanais na tumakbo sa halalan bilang pangulo subalit iba ang kilos ng katawan. Patuloy ang pagtanggi sa mga nagsusulong na tumakbo ito sa panguluhan subalit tinitimpla ang pagtangap ni Mang Juan sa mga ginagawang gimmick upang ipakilala ang pangalan nito sa buong kapuluan.

Ang pagpapatuloy ng mga nasimulan ng ama ang siguradong plataporma nito na talagang naglugmok sa bansa sa kahirapan. Walang naipakitang husay ito maging sa patakbo sa lugar na pinamumunuan. Walang karanasan sa pambansang pamamalakad. Sumasandal lang sa negatibong pagkilala sa amang walang kontribusyon sa pag-unlad ng bansa.

Pangalawa, si Christoffer “Bong” Go – kasalukuyang senador na ang gawi’y ang sumunod sa pundilyo ni Totoy Kulambo saan man ito magtungo at hindi ang paggawa ng batas. Madalas mapagkamalan ito na bilang bahagi ng Executive Office sa halip na senador.

Ang tanging katangian nito’y mamagitan sa negosyo ng mga Tsekwa na ibig pumasok sa pamahalaan. Kilala ito sa pagiging bayaw ni Peter Lim na pinangalanan ni TK sa kanyang listahan ng mga drug lord. Kilala din ito sa pagkorner ng mga pondo mula sa mga korporasyon ng pamahalaan upang isulong ang ambisyon maging lider ng bansa. At ngayo’y tinutukso sa panguluhan.

Pangatlo, si Manny Pacquiao – kasalukuyang senador na ang kagalinga’y ang lumiban sa session at lumaban sa boxing ring. Ang pagiging sikat sa larangan ng boksing ang tanging bentahe na ginamit sa mga halalang naganap at patuloy na ginagamit.

At minsang nakipagtalastasan sa isang senador ngunit hindi nakayanan ang init ng pagtatalo para sa isang pet bill na isinusulong. Isa rin itong pastor ng isang religious group subalit naniniwala na kailangan ng bansa ang death penalty at ibig bawasan ang natatamasang kalayaan ni Mang Juan Pasan Krus sa ilalim ng demokrasyang ipinaglaban.

Pangapat – Bong-Bong Marcos, Jr. – isang dating senador, talunang Bise-Presidente at anak ng dating diktador. Hindi pa makasulong sa pagkakatalo kay Busy Leni heto’t nagbabalak na naman tumakbo sa ‘22. Ang tanging kapasidad nito’y ipinagmalaki ang ginawa ng amang diktador na talagang naglagay sa bansa sa kahirapan.

Anak ito ng isa sa pinaka maraming sapatos na ina, na napatunayang may sala sa kasong pandarambong. Ang dami ng pera nakurakot ng ama ang nagbibigay ng lakas ng loob dito na muling sumabak sa darating na halalan.

Panglima, si Sonny Trillanes – dating senador at kilalang matikas na kritiko ni Totoy Kulambo. Napasok ang pangalan nito sa pagkakataon na walang mailaban na kandidato sa pagka pangulo sakaling umayaw ang pambato ng oposisyon. Isang matikas na senador na talaga namang tinatayuan ang mga isyung pinaglalaban sino man ang katapat. Handang isantabi ang pagnanais na tumakbo sa senado kung tatawagin ng pagkakataon.

Panghuli – ang lider ng oposisyon na si Leni Robredo. Kasalukuyang Busy Presidente ng bansa na talaga namang tinitingala ni Mang Juan bilang mahusay na lider na walang ambisyong maging pangulo ng bansa. Nais lang nitong mahalal sa lokal na pwesto.

Ang pagkakataon lamang ang nagtutulak dito na pasukin ang pambansang liderato upang iahon ang bansa sa pagkakasadlak sa kumunoy ng utang at kahirapan. Si Busy Leni sa ngayon ang ibig kausap ng mga kinatawan ng iba’t – ibang bansa lalo’t sa pagbibigay ng bakuna laban sa pandemya. Siya ang kinikilalang lider ng bansa na may malinis na adhikain at krebilidad.

Siya ang tanging kinakatakutang lider ng lahat ng nagnanais na maging pangulo ng bansa, dahil sa angkin karismang taglay. At ang pinaka masipag na naging pangalawang pangulo ng bansa..

Sa listahang ito, malinaw na malapit na ang halalan at ang paghahanda’y sinisimulan o nagaganap na. Sinimulan na ang batikos at batuhan ng putik. Hindi man ito inusal ng mga nabangit na pangalan, ang mga patutsadaha’y sinimulan na ni TK, na talaga namang takot kung kanino.

Ang masakit ang batuhan ng putik ang ginagawa habang patuloy ang kawalan ng direksyon o programa kung paano maibsan ang hirap ni Mang Juan. Ang pandemya’y patuloy na namumuksa ng mamamayan subalit mas matingkad ang pagnanais na mapanatili sa pwestong kinalalagyan. Laging sa hulihan ang interes ni Mang Juan, Aling Marya at ang balana.

Sadya bang salat sa kapalaran tayong mamamayan? Mayroon sa listahan ngunit ang mapanatili ito hangang mahalal at mapatakbo ang bansa ayon sa kanyang nakikita ang pinaka-aabangan. Kilala na ang mga karakas ninyo, magpapasya si Juan na ang malapit sa puso ang dapat ilagay sa mataas na posisyon sa bansa. Piliin mo Mang Juan ang nararapat at magdadala sa iyo sa kinabukasan.

Maraming Salamat po!!!

***

dantz_zamora@yahoo.com

The post Takbuhan sa ‘22 appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Takbuhan sa ‘22 Takbuhan sa ‘22 Reviewed by misfitgympal on Marso 11, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.