MATAGAL ko nang naririnig ang tungkol sa intra-corporate controversy sa Cosmopolitan Church, Inc. (CCI).
Katunayan, mula sa lower court ay umabot na pala ang usapin sa Supreme Court (SC).
Hindi na bago sa ating pandinig ang mga ganitong agawan ng liderato.
Naghain na raw pala ng petition for review sa Korte Suprema ang abogado ng CCI na si ATTY. ERNESTO VIOVICENTE kung saan inihirit nito na baliktarin ang desisyon ng Court of Appeals (CA) na pumabor sa hatol ni Manila Regional Trial Court (RTC) JUDGE RAINELDA ESTACIO-MONTESSA ukol sa isyu.
Ang kaso ay may kaugnayan sa intra-corporate dispute na inihain ng mga miyembro ng CCI sa pangunguna nina PASTOR PHOEBE DAKANAY at CHAIRMAN FELIMON TUÑACAO laban sa nasirang si dating Department of Foreign Affairs (DFA) SEC. PERFECTO YASAY JR. at iba pa upang bawiin ang pagmamay-ari at pamumuno sa simbahan ng totoong board at mga opisyal ng religious group at bilang isang korporasyon sa ilalim ng Revised Corporation Code of the Philippines.
Sa panayam naman ng inyong lingkod kay Tuñacao, isiniwalat nito na nag-ugat daw ang kaso noong sumulat si Yasay sa chairman ng Nomination Committee (NOMELEC) na si WARREN REPOMANTA na dito’y kinuwestiyon ng dating kalihim ang pagkakadiskuwalipika niya sa pagtakbo bilang CCI Chairman.
Sinasabing na-disqualify si Yasay at ang ilang kasamahang miyembro ng simbahan dahil sa may mga kasalukuyang kinakaharap na kaso ang mga ito sa korte o pending cases tulad ng umano’y pagkakasangkot nito sa kasong isinampa ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa Department of Justice (DOJ) na may koneksiyon sa Banco Filipino Savings and Mortgage Bank at iba pang kadahilanan.
Noong nabubuhay pa si Yasay, labis daw na ikinagalit ng kalihim ang nangyari.
Kaya agad na lumiham si Yasay sa pamunuan ng CCI at binigyan din nito ng kopya ang liderato ng buong United Church of Christ of the Philippines (UCCP) dahil siya raw ang legal counsel ng mga obispo.
Dahil daw sa kanyang impluwensiya, nagdesisyon ang National Commission on Discipline and Conflict Resolution (NCDCR) ng UCCP na i-delist o sibakin ang lahat ng mga pastor ng CCI nang wala man lang daw isinagawang pagpupulong o pagdinig ang NCDCR upang makapagbigay-linaw at magkaroon man lamang ng pagkakataon ang mga pastor at mga miyembro na makapagpaliwanag hinggil dito.
Naglabas din ng advisory opinion ang komisyon na nilagdaan daw ni ATTY. JENNIFER GARCIA-LAUDENCIA bilang chairman ng collegial body noong February 9, 2012 at supplemental order na may petsang April 11, 2012 kahit walang pagpupulong sa kanyang mga committee members.
Kasunod nito, puwersahang pinalayas mula sa kanilang parsonage ang lahat ng mga pastor ng CCI at gamit daw ang maso at picklock ay sapilitang pinasok ang mga opisina at kombento ng mga ito bago tinangay ang mga mahahalagang dokumento sa nasabing simbahan.
At dahil limitado lamang ang ating espasyo, sa mga susunod na labas ay ilalabas natin ang iba pang mga mahahalagang detalye at katotohanan sa likod ng kontrobersiyang ito.
Abangan n’yo po ‘yan, mga giliw naming mambabasa.
***
PARA naman sa inyong mga reaksyon, suhestiyon, reklamo, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat at stay safe!
The post Intra-corporate dispute sa Cosmopolitan Church, Inc. (CCI) umabot sa Supreme Court appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: