PATULOY ang pagluha ng lalawigan ng Palawan sa nagaganap na pagyurak sa kalikasan nito ng pumasa ang RA 11259, isang batas na naghahati sa kanyang saganang kalikasan dahil sa kasakiman ng iilan. Hindi niya mawari kung anong mali ang kanyang nagawa at kailangang hatiin ang kanyang lugar sa tatlong iba’t-ibang lalawigan samantalang hindi naman siya nagkukulang.
Ang iilang sakim sa kapangyariha’y nagnanasang hatiin ito sa tatlong lalawigan sa bisa ng RA11259, Palawan del Norte, Palawan del Sur at Palawan Oriental. Gayong ang iisang Palawa’y nagpakita ng kahusayan sa maraming aspeto ng buhay. Bakit kailangan hatiin? Hindi pa ba sapat na ang lalawigan ang isa sa pinaka-dinadayong lugar sa bansa?
Hindi pa ba sapat ang IRA na natatangap sa pambansang pamahalaan at kailangang hatiin? Kailangan bang hatiin ang Last Frontier sa bansa? O’ talagang ang kasakiman sa kapangyarihan at kayamanan ang dahilan? Sa kabila ng lahat ng positibong pagkilala sa lalawigan, bakit hahatiin?
Sa mga pag-aaral, malaki ang potential ng isang lalawigan na umunlad sa paggamit nito ng likas na yaman ayon sa kanyang katangian, at naipakita na ito ng iisang Palawan, maging ang lalawigan ng Cebu sa Kabisayaan. Malaki at progresibo ang lalawigan ng Cebu, walang nag-isip na hatiin ito dahil sa pansariling layunin o dahil sa pagmamahal sa lugar na kinagisnan at kinalakihan. Hindi inuuna ang pansariling pagnanasa. Ito ang hindi makita sa mga lider politika ng iisang Palawan, na ang pananatili sa puwesto ang kailangan, hindi kung ano pa man!
Balikan natin ang RA11259, nakasaad dito na kailangan maganap ang isang plebesito kung saan tatanungin ang mga Palaweño kung ibig nilang hatiin ang iisang Palawan. Subalit hindi naganap ang nasabing plebisito dahil sa pandemya, mukhang tutol dito maging ang kalikasan? At sa muling pagnanais na ituloy ang plebesito humaharap na naman ito sa parehong kalagayan, ang dumaraming may sakit ng C19. Sa mga lider politika ng lalawigan basahin ang pasya ng kalikasan, ayaw nitong mahati ang iisang Palawan…
Silipin natin ang ilang punto ng mga tumataliwas sa paghahati ng iisang Palawan. Una, hindi malawakan ang mga konsultasyong ginawa nang pinag-usapan ang paghahati ng iisang Palawan sa tatlong lalawigan. Pangalawa, hindi sapat ang mga ginawang pag-aaral para sa tuloy-tuloy na progresibong pag-unlad na dama ni Mang Juan Palaweño.
Pangatlo, hindi sapat ang pag-aaral upang matitiyak na mananatili ang ganda ng lalawigan sa magaganap na paghahati. Pang-apat, walang sapat na programa ang inilatag para sa pangangalaga ng mga kalikasan. Panlima, hindi mataong lugar ang Palawan at ang laki nito’y nasa pangkalikasang taglay.
Panganim, sapat ba ang lakas-tao sa pagprotekta sa likas na yaman at sa malakas na turismo? Pampito, hindi matitiyak kung magiging patas ang kikitain ng bawat lalawigan kung sa paghahating ginawa’y maaaring maglagay sa isa dito sa baba pa ng kahirapan.
At sa kabila nito’y karagdagang burukrasya na karagdagan gastos, karagdagang buwis at kung anu –ano pa ang papasanin sa balikat ni Mang Juan Palaweño. Ito ba ang nais niyo?
Sa kagalingan panseguridad, ano ang magagawa ng lalawigan na mababa ang pasok ng ekonomiya o kita, kaya ba nitong humabol at magtaboy sa mga Tsinong paikot-ikot sa karagatan ng iisang Palawan? Maging sa kasalukuyang panahon hirap ang ating sandatahang pandagat na humabol sa mga barko ng mga Tsino at tutulan ang nagaganap na pananakop o pagkamkam sa ating teritoryo sa WPS.
Paano pa kung nahati na ito? Hindi masasabi na sa susunod na panahon, ang Spratlys at Kalayaan Islands ay hindi na teritoryo ng bansa..
Sa isang talastasan, nabangit ng Kalihim ng Pananalapi na hindi nakakatiyak na ang paghahati-hati ng lalawiga’y magbibigay ng karampatang pag-unlad. Ang malinaw lang ang karagdagang gastusin sa pamahalaan at buwis na pasanin ni Mang Juan. Sa pagkakahati ng iisang Palawan malinaw na ang layuni’y mapanatili ng mga pamilyang politiko ang kanilang kapangyarihan.
At mukhang may iisang kumpas ang mga politiko ng lalawigan. Kagalingang pansarili ang una at walang iniisip na kagalingan ni Mang Palaweño. Ang kailangan, proteksyonan ang interest sa pagdating ng 2022 at susunod pang mga halalan. Mamaga sana ang mga b***g ninyo.
Sa pagkakahati ng iisang Palawan ang sariling layunin upang mapanatili ang kapangyarihan ng taong nakaupo at ayaw bitawan ang sarap na naranasan at saganang buhay. Walang puwang ang pangangailangan ng nasasakupan bagkus ang akin ang pinahahalagahan.
Hindi inisip ang kagalingang ng kawawang si Mang Juan Palaweño. Subalit, ang kalikasan ang nagbibigay ng panahon pa para gumising at ipakita ang lakas ni Mang Juan Palaweño. Kaya Mang Juan huwag ihiwalay sa isip na ang iisang Palawan ang na sa iyo’y umaruga at ang tinatamasang kaunlaran, ay huwag ibigay sa buktot na iilan.
Bakit kailangang hatiin ang malakas na lokal na kabuhayan, bakit kailangan damihan ang gobernador, bakit kailangan magdagdag ng gastusin, at maraming bakit na tanong? Huwag pairalin ang kasakiman, unahin ang lalawigan, itaguyod ang iisang Palawan.
Subok at naganap na ang pag-unlad ng iisang Palawan. Hindi na kailangan galawin pa ang nakagisnan na progresibong lalawigan na kumakalinga kay Mang Juan, Aling Marya, sa balana maging sa kalikasan. Huwag itaas ang pansariling pagnanais sa halip isipin at isa puso na sapat na ang kasalukuyang kaayusan. Isantabi ang kagahaman para sa “The Last Frontier” ng bansa.
Masiyahan na kayo sa ano ang mayroon kayo, huwag ng maghanap ng salop dahil baka ang kaban ang mawala. Wala kayong hawak sa hinaharap, dahil pag nagising ang mga mamamayan ng iisang Palawan baka damputin kayo sa kangkungan. Reject RA11259, ayawan ang hating Palawan.
Maraming salamat po!!!
The post The last frontier appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: