Facebook

Vendors/stallholders na tatanggi sa swab test, ‘di pagtitindahin – Isko

HINDI papayagang makapagtinda sa 17 public markets sa kabisera ng bansa ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang sinumang vendors o stallholders na tatanggi sa isinasagawang regular mandatory swab testing ng mga tauhan ng Manila Health Department.

Ang mahigpit na babala ay inilabas ni Mayor Isko Moreno matapos na matanggap ang ulat na may 39 na nagpositibo sa COVID-19 sa Arranque Market sa C.M. Recto kamakailan.

Nagpahayag ng pagkainis at pagkadismaya si Moreno matapos na malamang may mga vendors na tumatanggi na ma-swab test sa hindi malamang dahilan kahit pa libre naman ito. Sa kasalukuyan ay nasa 90,799 na mga indibidwal ang na-swabbed ng libre ng pamahalaang lungsod.

Simula pa ng manalasa ang pandemya, ang lokal na pamahalaan ng Maynila ay nag-aalok na ng libreng swab test kahit sa mga hindi residente ng lungsod.

“Di ko kayo makuha sa diplomasya… We will have to cancel your privilege to vend inside our public markets pag hindi kayo nag-submit sa testing, dahil obligasyon ko sa pangkalahatan na protektahan ang mga mamimili which is napakarami,” paliwanag ng alkalde.

Sinabi ni Moreno na tungkulin nilang dalawa ni Vice Mayor Honey Lacuna na pawiin ang pangamba ng publilo na kapag pumunta sila ng palengke ay tiwala sila na ang mga nagtitinda at kausap nila ay hindi mga virus carriers.

“Kayo ay binigyan ng pribilehiyo na makapagtinda sa public markets namin. Dahil kayo ay exposed sa mga tao, sa mga suki at kakilala, na posibleng mag-uuwi sa bahay ng impeksyon, di titigil ang COVID-19. Kailangang mapanatag ko ang kalooban ng publiko na pagpunta nila sa palengke ay walang COVID ang kausap nila. We have to protect the general public,” giit ni Moreno.

Sa isang banda ay sinabi ni Moreno na ang mga public market vendors ay maituturing na bahagi ng pamahalaang lungsod dahil sila ay nagsisilbi rin sa publiko.

Dahil dito ay kailangan na sila ay sumailalim sa swab test upang matiyak na hindi nila mahawahan ang mga mamimili na posibleng maiuwi rin ang virus sa kanilang tahanan.

Muli ay tiniyak ng alkalde sa publiko na lagi silang maaasahan ni Lacuna sa lahat ng oras ng pangangailangan, ngunit kailangan din nila ang kooperasyon ng lahat tulad ng boluntaryong pagdisiplina sa sarili sa pamamagitan ng pagsunod sa health protocols upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus.

Labis namang ikinalungkot ni Moreno na simula pa noong Martes ng hapon ang occupancy rate ng quarantine facilities sa lungsod ay umabot na sa 81 percent. Sa kabuuang 539 total bed capacity, 438 dito ay okupado. (ANDI GARCIA)

The post Vendors/stallholders na tatanggi sa swab test, ‘di pagtitindahin – Isko appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Vendors/stallholders na tatanggi sa swab test, ‘di pagtitindahin – Isko Vendors/stallholders na tatanggi sa swab test, ‘di pagtitindahin – Isko Reviewed by misfitgympal on Marso 17, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.