Facebook

Apela ni GM Monreal laban sa pekeng RT-PCR at palusot ng mga pasahero

MAHIGPIT ang kampanya ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Ed Monreal laban sa mga pekeng RT-PCR pagdating sa mga pasaherong nagpupunta sa ating mga pangunahing paliparan at ganundin sa mga nagtatangkang lumusot kahit pa positibo sila sa coronavirus.

Umaapela din siya sa mga pasahero na huwag magbaka-sakali na makasakay ng eroplano pagkatapos ay positibo pala sila o peke ang RT-PCR result na gagamitin.

Pinatunayan ni Monreal na seryoso siya at si Department of Transportation Secretary Arthur Tugade pagdating sa mga bagay na ito.

Sa katunayan, kelan lang ay tatlong katao ang inaresto sa pag-iisyu ng pekeng resulta ng swab test sa NAIA Terminal 3. Ito ay bunga ng entrapment operation na batay sa reklamo ni Danica Martinez ng Capiz at pinangunahan nina Airport Police Department (APD) chief, Col. Adrian Tecson at Maj. Jaime Estrella.

Sabi ni GM Monreal, nakilala ni Martinez ang suspect na si Glen Mar Aco noong April 13 nang lapitan siya nito sa departure area at pangakuan ng tulong para makaalis ng bansa, kapalit ng P15,000 kung saan kasama na ang RT-PCR o swab testing.

Nagulat daw si Martinez nang bigyan siya ni Aco ng negative swab test result gayung hindi naman siya na-testing kahit kelan. Dahil diyan at sa kabiguang makaalis, nagreklamo si Martinez sa Airport Police Department.

Kapuri-puri sina Tecson dahil nahuli ang suspect sa loob lang ng dalawang oras mula nang magreklamo si Martinez.

Samantala ay ibinulgar ni Monreal na mula Enero hanggang nitong April 15, 2021, umabot pala sa 138 katao ang hinarang dahil nga sa tangkang pagpapalusot. Karamihan sa kanila ay mga pasaherong papunta ng ibang bansa.

Sila ay hinarang ng mga security at airline checkpoints sa NAIA Terminals 1, 2 at 3.

‘Yung iba ay nagsasabing sa NAIA na nila nalaman ang resulta ng test nila habang ang iba ay di na daw tinignan ang resulta nila.

May mga nagsasabi naman na inutusan lang sila ng kanilang recruitment agencies na magtuloy sa NAIA at dun na maghintay ng resulta ng kanilang test. Umaapela si Monreal sa mga pasahero na tigilan ang ganiong gawain dahil inilalagay nila sa panganib ang kapwa nila at ang bansa.

Gayundin, umaapela siya sa mga pupuwedeng nabiktima ni Aco na lumutang at magharap ng kaukulang reklamo para mas maging mabigat ang kaso ni Aco.

Nakakalungkot na may mga taong hindi sineseryoso ang epekto ng COVID-19 at ng ginagawa nila, sa kabila ng dami ng mga namamatay mula dito.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.

The post Apela ni GM Monreal laban sa pekeng RT-PCR at palusot ng mga pasahero appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Apela ni GM Monreal laban sa pekeng RT-PCR at palusot ng mga pasahero Apela ni GM Monreal laban sa pekeng RT-PCR at palusot ng mga pasahero Reviewed by misfitgympal on Abril 29, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.