LUBHANG napakalaking kasalanan ang gumawa ng kahalayan sa linggo ng pagtitika. Ang linggong ito ang pinakasagradong panahon kung saan maraming Katoliko ang nagninilay sa mga kasalanan at humihingi ng kapatawaran. Subalit ibang uri ng nilalang itong si Totoy Kulambo, isang Katoliko na nasa kabilang mundo ang puso at isip na masasabing may tama na ang isip na gumawa ng kahalayan sa araw ng kanyang kaarawan, at ng Semana Santa.
Tila pinangatawanan ng baliw ang pagiging bastos sa kumakalat na video na talagang nakakagalit. Sa kaarawan ng baliw, hindi ang pag-ihip ng kandila sa maliit na cake ang ibig ni Totoy Kulambo kundi ang hipuin at dakmain ang pagkababae ng kanyang kasambahay na nais pahipan ang kandila sa maliit na cake sa among ganid sa laman. Hindi maalis na tanungin, ano ang masasabi mo Inday Sapak sa ginawa ng iyong amang nais mong ipagpatuloy ang mga ginagawa?
Talagang nakakasuka at hindi katanggap-tanggap ang ganitong kilos ng tao na ipinagkatiwala ng mga Pilipino na pangunahan ang pamahalaan sa pinakamataas na pwesto sa bansa. Ang kawalan ng respeto sa kasambahay nito’y malinaw na kawalan ng respeto sa angkan ng kababaihan.
At sinasalamin ni Totoy Kulambo ang walang paggalang sa pwestong kanyang kinakatawan at maging sa bansang kanyang pinamumunuan. Hindi kailanman maikakatuwiranan at maipapaliwanag ng sino mang mahuhusay na tagapagtanggol o tagapagsalita ng ehekutibo ang ganitong klaseng kilos na inasta ng kanilang walang kwentang amo. At tanging nasabi ang kasanayan ng kasambahay sa biro ng among mapagmalabis sa hanay ng kababaihan. Biro o hindi, hindi katanggap-tangap ang ganitong kilos lalo’t galing sa pinakamataas na tao sa bansa?
Sa insidenteng ito kung matawag na insidente, dadalhin na naman ang bansa at ng ating pagka Pilipino saan mang lupalop ng mundo ang kababuyang ginawa ni Totoy Kulambo. Batid sa mundo na hirap ang bansa sa pagharap sa pandemya, subalit ang kabastusan ng lider natin ang abangan kung paano sisilipin ito ng iba’t-ibang sektor sa mundo.
Sa kawalan ng balangkas sa paglaban sa pandemya nakuha pang gumawa ng hindi kanais-nais sa isang babae na naglagay sa bansa sa kahihiyan. Wala ng ginagawang mabuti sa bansa ang puno ng Balite sa Malacanan heto kahihiyan pa ang sasapitin ng ating bansa at mga kababayan. Ang mas masakit nito, lalabas na mukhang bastusin ang ating lahi.
At hindi magtagal baka makabalita tayo ng mga pangmomolestya o panghahalay sa ating mga kababayang Filipina, sa labas o loob ng bansa. Huwag sana maging dahilan ito upang bumaba ang tingin sa ating mga Pilipino lalo na sa mga Pilipina na kagalang-galang na madalas magdala ng karangalan sa bansa.
Itaas ang pagtingin sa mga kababaihan ano man ang lahi o estado sa buhay. Mali kailanman ang bastusin ang kababaihan kahit na biro lamang. Hindi isang laruan ang kababaihan na maari paglaruan sa ano mang pagkakataon. Hindi tama na tratuhin ang mga ito ng mas mababa sa iyo, sa akin o sa sino mang lalaki na malaki ang bisig at kapangyarihan.
Nagiging pangkaraniwanan na lang na usapin ang mga paglalabag sa mga karapatan ng kababaihan, gayung ito’y kalahati ng buhay ng bawat taong nananahan sa mundo. Huwag alisin sa isip na ika’y galing sa iyong ina na nag-aruga sa iyo hangang ika’y makatayo at marating ang estado na kinalalagyan.
Huwag alisin sa isipan na ang mga anak mo’y galing sa kanilang ina na kabiyak ng iyong buhay. At huwag alisin sa isip na ika’y ama ng isang babae na ibig mong maging ikaw. Huwag mong alisin sa isip na ang mga kababaihan ay may pantay na karapatan tulad sa mga kalalakihan. At huwag kalimutan na respetuhin ang lahat ng kababaihan kahit nasaan ka man.
Napakamapanuya ang mahalay mong kilos sa hanay ng kababaihan. Hindi man lang pinatapos ang buwan ng selebrasyon ng marangal na kababaihan, at ang pangyuyurak sa dangal nito ang iniregalo bilang pinakamataas na opisyal ng bansa. Hindi pa bumabangon ang bansa sa pandemya, gumawa ka na naman ng kabalastugan na gumising at nagmulat sa harap ng marami.
Ang malaswang pagtrato sa kasambahay ay usapin ng hanay ng kababaihang dapat pag-usapan ng may kabukasan. Huwag palampasin ang usaping ito na hindi natitiyak na ang karapatan ng bawat kababaihan ay naipapatupad sino man ang may sala. Mga kababaihan, tayuan ang ‘di makatarungang pangyuyurak sa inyong hanay ng di maulit ang ganitong kaganapan saan mang bahagi ng lipunan.
Maraming pangyayari ang higit pa dito, subalit sukdulan na ang kaganapang ito na ang mismong mataas na opisyal ng bansa ang tuwirang lumalapastangan. Sa mga pulitikong na tumatayo bilang boses ng kababaihan, tumindig at huwag kunsintihin ang kamaliang ito. Huwag tawanan o palakpakan ang mga mensahe na nagbababa sa lahi ng kababaihan. Kung tunay kayong para sa kababaihan, huwag ipag kibit-balikat ang usaping ito upang maiwasan ang maraming insidente ng pangungutya at pambababoy sa kababaihan.
Sa isang banda, lumabas na ang katotohanan na hindi na kontrolado ni Totoy Kulambo ang sitwasyon na kanyang kinalalagyan. Mismo sa hanay nito, lumabas ang ganitong video clip na nagpapakita ng kanyang kahalayan. Masasabi na ang pagkadiskontento ng mga tao sa uri ng pamamahala ni Totoy Kulambo’y abot sa pinakamalapit sa kanya.
O talagang may basbas na ng nasa taas na lumabas na video upang gisingin hindi lang sina Mang Juan, Aling Marya at ang balana, maging ang mga nasa pamahalaan na nasa tamang pag-iisip. Kinakalabit na kayo upang kumilos at iligtas ang bayan. Ilagay sa tama ang takbo ng pamahalaan, bayan muna bago ang sarili. Kung hindi ngayon, huli na….
Maraming Salamat po !!!
***
dantz_zamora@yahoo.com
The post Bastos na baliw appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: