220 ang unang bilang na napaulat, ang huli ay 183.
Ito ang dami ng barko ng mga Intsik na napabalitang nakita na umangkla o pumarada noong mga araw ng unang linggo ng Marso hanggang sa ngayon sa may bahura o “reef” ng Julian Felipe na parte ng West Philippines Sea at sakop ng Philippine Exclusive Economic Zone at ng tinatawag na Continental Shelf.
Ikinagigil ito ng maraming Filipino na nilabas na ang mga sama ng loob sa social media at maging ng mga opisyal natin sa pamahalaan na nagsasabing paglabag ito sa ating soberenya o kaangyarihan sa pag-aari ng mga naturang yamang-dagat.
Agad nagpadala ng diplomatikong protesta ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Intsik upang alisin ang kanilang mga barko na hinihinalang inuubos ang laman ng yamang-dagat sa lugar na dapat ay sa atin. Ang mga sasakyang dagat daw ng mga Intsik ay nagapanggap lamang na pang-pangingisda ngunit ang mga pasahero nito ay mga militiang Intsik.
Ibig sabihin may ibang hangarin ang pag-parada ng mga barkong ito sa ating teritoryo. Parang sinusubukan tayo ng mga Intsik kung hanggang saan ang ating pasensiya o kakayahang sila ay tapatan ng ating tapang.
Hindi lamang si DFA Secretary Teddy Locsin ang pumiyok para pormal na palagan ang mga Intsik sa pamamagitan ng ‘diplomatic protest’, kundi maging si Defense Secretary Delfin Lorenzana na nagpahayag na dapat nang umalis ang mga barkong ito sa ating teritoryo sa karagatan.
Sinundan pa ito ng pag-ayuda ng Estados Unidos (U.S.) nang maglabas din ito ng pahayag sa pamamagitan ng kanilang embahada dito sa bansa na nagsasabing sinusuportahan nila ang kaalyadong bansa ng Pilipinas sa posisyon nito, tungkol sa mga barko ng mga Instik sa karagatan.
Siguro ay napansin ninyong lagi kong gamit ang salitang Intsik. Ito ang dahilan – ayaw nila na sila ay tawaging Intsik, dahil masama daw ang kahulugan nito, kaya mas gusto nilang sila ay tawagin na Chinaman, Chinese o ano pa man, huwag lamang Intsik. Anuman ang kahulugan sa kanila ng salitang Intsik, ay di na ko interesado. Bumabawi lang naman tayo.
Sige pabawiin na rin natin sila. Sabi kasi o base sa pahayag ng kanilang embahada, ang mga barko ng China daw na umangkla sa Juan Felipe Reef ay dumanas ng panganib habang naglalayag nang salubungin sila ng malalaking alon dulot ng masamang panahon. Itinanggi rin nito na ang mga pahinanteng sakay ng mga barko ay hindi mga ‘militiamen’ na handang makidigma sa sino mang pipigil sa kanilang paglalayag.
Sinundan ito ng pahayag ng tagapagsalita ng kanilang Foreign Ministry na si Hua Chunying na ang sabi ay umangkla ang kanilang mga barko sa Whitsun Reef na parte ng Spratly Island na matagal na nilang kinikilalang kabilang sa ‘archipelago’ ng South China Sea na pagaari ng kanilang bansa.
Normal lamang daw ang mga ganitong paraan ng lahat ng mga naglalayag na dumaong at umangkla muna sa ligtas na lugar ng karagatan sa gitna ng malalaking alon o masamang panahon.
Yun naman pala. At kahit na nagdadahilan lamang ang mga barkong Intsik na ito, kailangang subaybayan natin ang kanilang mga pagkilos sa bahagi ng karagatang talagang sa atin naman nabibilang. Kinakailangan nilang lisanin ang bahaging ito ng karagatan sa lalong madaling panahon, dahil kung pababayaan natin mauubos ang yamang-dagat natin doon.
Kaya nga nag-utos ang Pangulong Duterte na paigtingin ang kapabilidad ng ating Philippine Navy at Coastguard sa mga pagbili ng mga makabagong sasakyang dagat na patuloy na nangyayari na, ay para maabatan ang mga ganitong ‘style’ ng mga Intsik.
The post ‘Yun naman pala… appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: