Facebook

Magic sa bidding ng DPWH!

KUNG noong nagdaang taon ay sumambulat ang umano’y presensiya ng MAFIA sa kasagsagan ng imbestigasyon ng Senado sa PHILHEALTH, ngayong 2021 naman po ay may hawak tayong ilang grupo na magpapatunay na mayroon ding kahalintulad na paksyon sa bakuran naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

May mga “whistle blowers” tayong hawak sa kasalukuyan na handang magsiwalat ng mga umiiral na katarantaduhan sa nasabing sangay ng pamahalaan na nagsasangkot sa ilang matataas na opisyal nito at mga contractors na nagmamanipula ng mga malalaking kontratang sumasailalim sa live and online biddings.

Ang masakit pong katotohanan ay ang ang tungkol sa SOP at tongpats na nakakapangyari sa mga biddings na nagaganap partikular na sa regional at district level na hindi na maamoy ng media.

Multi-milyong mga proyekto po ito na minamanipula ng ilang korap na DPWH officials at mga fly by night contractors na pasok sa tinaguriang “inner circle” ng mga miyembro ng MAFIA sa DPWH.

Naghihintay lamang tayo ng tamang mambabatas na handang isambulat ang namamahong kalokohang ito upang mabunyag hindi lamang sa kaalaman ng Pangulong Rodrigo Duterte, kundi sa kaalaman ng sambayanang Pilipino.

Kulang po at tila hilaw ang naging pagbubulgar na ginawa ng Pangulong Duterte patungkol sa tongpats at SOP ng ilan umano sa mga mambabatas nating sumasawsaw sa korapsiyong dekada nang gumagahasa sa sistema ng DPWH.

Matindi talaga ang raketang ito na binubuo ng matataas ng opisyal ng DPWH, regional directors, chairpersons ng Bids and Awards Committee (BAC) at mga bogus o ‘fly by night’ contractors na sunud-sunuran sa mga demands, kapritso at direktang pangungurakot ng mga opisyal ng DPWH.

Ika nga, “tips of the iceberg” pa lamang ang nasaling ng Pangulong Duterte at ng tanggapan ni Chairperson Greco Belgica ng Presidential Anti Corruption Commission (PACC).

Ang hawak po nating sources ngayon ay handang ibulgar nang detalyado ang aktuwal na nangyayari sa mga biddings na nagaganap diyan sa DPWH.

Mula po sa Central Office ng DPWH ditto sa Metro Manila hanggang sa regional at district offices ay talamak ang lutuan sa mga biddings na ginaganap.

Ang termino pong ginagamit ng mga opisyal ng DPWH sa kanilang mga alagang contractors ay ‘favored takers” na bagamat napakaliit ang ibinibigay ng diskuwento sa gobyerno sa legal na offer sa mga biddings ay milyones naman po ang ipinagkakaloob sa mga corrupt at ipinaglihi sa perang mga DPWH officials.

Sa mga ganitong garapal na diskarte ng mga opisyal ng DPWH at ng mga “favored contractors” na pasok sa inner circle ng tinaguriang MAFIA, hindi lamang ang pamahalaan ang winawalanghiya nang harapan kundi pati na rin ang mga proyektong para sa taongbayan na pawang sub-standards o kundi man ay dinadaya.

Common at public knowledge na po itong kalakaran sa DPWH pero ngayon lamang po may maglalakas loob na ibulgar ito sa panahon ni Pangulong Duterte.

Kung may ilan tayong kaibigan at mga kumpadreng masasagasaan sa legislative branch ng ating pamahalaan dahil sa expose’ na ito, ngayon pa lamang ay nagpapasintabi na po tayo!

Trabaho lamang po mga bossing at walang personalan.

Panahon po ngayong ng pandemya na lumulumpo hindi lamang sa ekonomiya ng bansa kundi sa bawat buhay ng ating mga kababayang hilahod na po ang nagugutom!

Kasumpa-sumpa pong hahayaan na lamang nating patuloy na mamayagpag ang mga buwitreng nagpapasasa sa pondo ng DPWH in the expense of the suffering Filipinos.

Maging sa paligid ni Tatay Digong ay posibleng may mga mahagip na personalidad sa pagbubulgar na ito na may ilan taon na ring bumubulag sa ating mahal na Pangulong Duterte at nagtatago ng katotohanan.

Lubos po ang ating paniniwala sa sensiridad ng Pangulong Duterte sa nais niyang pagdurog sa mga korap na opisyal ng pamahalaan na nagpapasasa sa kaban ng yaman ng bansa.

Let’s start with DPWH at buwagin ang tinatawag na MAFIA sa bakuran nito.

I’m sure may alam si Secretary Mark Villar sa mga katarantaduhang ito ngunit tali ang kanyang mga kamay dahil na rin sa clout at impluwensiya ng mga kupal na ito na bumubuo sa tinaguriang MAFIA ng DPWH.

Ang ilang po sa mga iyan ay dinatnan na ni Sec. Villar at protektado ng tinaguriang “security of tenure”.

“Yung iba naman ay kasama at kasabay ni Pangulong Duterte na umakyat ito sa poder at manirahan sa Malacanang!

Again, bato-bato sa langit ang tamaan, ‘wag magalit!

May kasunod…

ABANGAN!

***

PARA SA INYONG KOMENTO,REAKSYON AT SUHESTIYON,MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP NO.0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com

The post Magic sa bidding ng DPWH! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Magic sa bidding ng DPWH! Magic sa bidding ng DPWH! Reviewed by misfitgympal on Abril 07, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.