Facebook

Bida ngayon si Covid-19

ISANG taon na ang nakaraan nang nagulantang ang buong mundo sa pagsulpot nitong corona virus disease 2019 o covid 19. Agad na ideneklara ni Pangulong Rodirgo Duterte ang total lock down sa lahat ng panig ng bansa upang hindi kumalat ang nakahahawang sakit.

Sa kasalukuyang sitwasyon natin, kanya-kanyang diskarte ang local government units (LGU) kung paano maaawat ang lalo pang paglaganap ng covid 19 sa kanilang nasasakupang lugar. Kanya-kanyang silang diskarte kung paano makakukuha ng bakuna.

Gaya sa Pasig City, hindi pwedeng makapasok sa shopping malls, grocery o anumang establishment ang hindi residente ng kanilang lugar.

Naging experience ko ito sa SM Mega Mall sakop ng Pasig City. Hinahanapan ako ng Pasig City ID. Wala akong maipakita dahil sabi ko taga-Quezon City ako. Hindi ako pinapasok. Sabi ng guwardiya sa akin, “Sorry sir, hindi kayo pwedeng pumasok wala kayong ID ng Pasig City.”

Wala akong nagawa kundi umalis. Bilang pagsunod sa health protocols e naintindihan ko naman ang ipinatutupad nilang patakaran.

Ang ibig sabihin, kapakanan at kaligtasan ng mga taga Pasig ang pangunahing inisip ni Mayor Vico Sotto. ‘Ika nga sana all!

Pero hindi mawawala sa ilang opisyal ng LGU ang tamad kumilos upang magkaroon ng maayos at matibay na patakaran pagdating sa pagsugpo sa covid 19. Walang inatupag kundi ang mamulitika samantalang kay tagal pa ng eleksyon.

Halimbawa dito sa lalawigan ng Quezon sa panunungkulan ni Governor Danny Suarez. Aba’y patuloy na umaasa at naghihintay ang mga mamamayan sa lalawigan sa mga bakunang magpapababa ng bilang ng mga nagkakasakit. Nananatili kasing mababa ang bilang ng mga nababakunahan sa lalawigan.

Pumapalahaw sa sigawan ang buong residente sa lalawigan upang iparating sa kanilang gobernador ang kanilang hinaing upang maibsan ang takot na mahawahan at lalo pang pagkalat ng corona virus disease 2019 o COVID 19 sa kanilang lugar.

Ang lalawigan ang mayroong pinakamabilis at pinakamataas na bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19 sa buong rehiyon. Nasa 2.9% pa lamang ang vaccination coverage rate sa lalawigan na siyang pinakamababa sa buong CALABARZON.

Base sa tala ng Department of Health (DOH), nasa 30 hanggang 40 ang bagong kaso ng COVID 19 infections ang naitala sa lalawigan at umabot na sa mahigit 9,000 kaso ng nagka-covid 19 sa probinsya.

Nitong nakaraang Linggo, nailagay sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang buong lalawigan ng Quezon bunga na rin ng tumataas na bilang ng mga nagkakasakit dito.

Pero gaya ng ipinangako ni Governor na gagawan niya ng paraan para magkaroon ng sapat na bakuna ang kanyang nasasakupang lugar, hiniling niya sa Sangguniang Panlalawigan na maglaan ng P1 bilyong pisong pondo para sa pambili ng bakuna.

E tila yata hindi in good terms si Governor Suarez sa mga miyembro ng Sanggunian kaya “thumbs down” sila sa hinihinging pondo. Bakit naman po ganun?

Naku Mr. Governor, sa ‘yong kamay nakasalalay ang kagalingan ng mga pasyenteng nagka-covid at ang kaligtasan ng buong lalawigan ng Quezon.

‘Wag mo naman pong sirain ang iyong ipinangako sa kanila na bibigyan ng maayos, ligtas at masaganang pamumuhay ang bawat isang mamamayan sa lalawigan ng Quezon.

Unahin nyo po muna ang kalusugan ng inyong mga constituents bago ang politika, hane!

Mabuhay ang mga taga-Quezon!

The post Bida ngayon si Covid-19 appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bida ngayon si Covid-19 Bida ngayon si Covid-19 Reviewed by misfitgympal on Abril 20, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.