MANINGNING ang tinatahak na police career ni Colonel Joel A.Villanueva, hepe ng pulisya ng Malabon City, ngunit sinisira nman ng anay na si alias Mariong Bokbok.
Si Bokbok ay operator ng jueteng at residente ng Brgy. Catmon, isa sa pinakamataong lugar ng may 21 barangay ng siyudad ng Malabon.
Sa Catmon din nag-umpisa ang pagpapatakbo ni Bokbok ng jueteng na hinahango sa Philippine Charity Sweeptakes (PCSO) sponsored EZ 2 draw, doon din may safehouse si Bokbok na ginagamit nitong rebisahan ng kubransa ng taya sa jueteng. Laganap na sa buong CAMANAVA area ang jueteng, loteng at Stl bookies operation ni Bokbok.
Ang numero ng kumbinasyon ng EZ 2 na tatlong beses na binibola araw-araw ng tanggapan ni PCSO Chairperson and General Manager Royina Garma ay siya ring “putok” na tumatama sa pajueteng ni Bokbok.
Kung tutuusin, hindi lamang ang imahe ni Col. Villanueva ang nasisira at apektado ng iligal na operasyon ni Bokbok kundi pati ang pangalan din ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, P/Major General Vicente Danao Jr.
Lumilitaw na mahina ang liderato ng heneral na pamunuan ang NCRPO kung nakikita ng mga mamamayan na tila hindi sinusunod ng kanyang hepe ng kapulisan na tulad ni Col. Villanueva ang iniatang nitong tungkulin.
Mula sa Quezon City Police District, pinalitan ni Villanueva ang dating Malabon City Lady Cop, P/Col. Angela Rejano sa pag-asang malilinis nito ang Malabon laban sa kriminalidad. Nabigo si Rejano na supilin ang labag sa batas na gawain ni Bokbok sa siyudad ng Malabon. Kaya ang di natupad ni Rejano ay inaasahang magagawa ni Villanueva. Ngunit palpak din si Villanueva?
Pagkat wala namang aksyon ang kapulisan ay napalawig na ni Bokbok sa buong CAMANAVA ( Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela) ang salot na gawain nito. Sa Caloocan City ay may mga safehouses din itong ginagamit nitong rebisahan ng jueteng, imbakan pa ng di- lisensyadong baril at bentahan ng shabu at iba pang uri ng droga.
Sa madaling salita front lamang pala ni Bokbok ang pagpatakbo ng jueteng sa Caloocan City at iba pang panig ng CAMANAVA, sa katotohanan ay isa itong high profile drug personality ngunit di matinag ng awtoridad dahil sa laki ng inihahatag nitong intelhencia sa ilang matataas na opisyales ng kapulisan.
Ipinagmamalaki pa ni Bokbok na nakatimbre ang kanyang operasyon sa tanggpan ng pulisya ng Malabon City hanggang sa NCRPO, Camp Bicutan sa Taguig City at PNP Headquarters sa Camp Crame , Quezon City.
Porke’t malaki ang inihahatag nito sa ilang high-ranking police official, akala ni Bokbok ay tanggap na ng kanyang mga kapit-bahayan sa Brgy. Catmon, mga opisyales ng barangay, police at local government officials ang kanyang labag sa batas na pinagkikitaan.
Ang totoo, takot ang namamayani sa kalooban ng kanyang mga kabarangay pagkat nagiging sanhi ng pagkakahawahan ng COVID ang rebisahan ng jueteng ni Bokbok. Ayon sa kanilang sumbong ay kumpol-kumpol ang mga empleyado, kubrador at kabo doon kapag nagrerebisa ng taya, wala rin face mask at hindi nasusunod ang social distancing ng mga naroroon bagamat may mobile patrol car na nakaparada malapit sa nasabing gambling den.
Maraming ulit nang palihim na ipinaalam ng mga mamamayan sa tanggapan ni Villanueva ang kanilang reklamo laban kay Bokbok ngunit dedma ito ni Villanueva.
Hindi mahihintay ni Col. Villanueva na may residente ng Brgy Catmon na magbigay pa ng pormal na salaysay para ireklamo si Bokbok pagkat takot ang mga ito.
Sino ang hindi masisindak kay Bokbok gayong armado pala ito at ang kanyang mga body guard, kabilang pa ay dalawang pulis.
Kapag nalalasing ang mga alalay ni Bokbok ay walang patumangga ang mga itong nagpapaputok ng kanilang mga baril sa rebisahan ng jueteng kung kailan dis oras ng gabi, ngunit wari ay walang kamuwang-muwang sa nagaganap doon si Col Villanueva.
Bukod sa Catmon, may mga perwisyong rebisahan din ng jueteng si Bokbok sa halos lahat na barangay sa Malabon City, pinakamalaki dito ay matatagpuan sa mga barangay ng Longos, Tonsoya, Tugatog, Potrero, Tañong (Poblacion), Panghulo, Tinjeros, Santolan, Concepcion, Dampalit, Maysilo, San Agustin at Baritan.
Liban kay Mariong Bokbok ay nagsulputan din ang pajueteng, EZ 2 bookies, at Loteng nina Baby Tisay, Bobby Kalayaan, Pining, Cynthia at Perry sa Quezon City, Tita sa Las Piñas, Paranaque, Taguig, Pasig, Marikina at Pateros.
Ang iba pang mga gambling operator sa hurisdiksyon ni Gen. Danao Jr., sa harap ng COVID 19 ay sina alias Jane Koh, Gadingan, Kap Onse, Kap Robles, Atan, Mako, Penong, Lucy, Boy Edmund, Kap Bryan, Dela Peña at iba pang iligalista na hinihinala ding mga big time na drug pusher.
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com
The post Bokbok, anay kay Villanueva! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: