PINURI ni Senator Christopher “Bong” Go si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsertipika bilang “urgent” sa tatlong panukalang batas na layong pasiglahin ang mga negosyo at pamumuhunan sa bansa.
Ang mga nasabing panukala ay ang Senate Bills 2094, 1156 at 1840 na layong amyendahan ang kasalukuyang Public Service Act, Foreign Investments Act, at ang Retail Trade Liberalization Act, ayon sa pagkakasunod.
“Nagpapasalamat po tayo kay Pangulong Duterte sa pag-certify as urgent ng mga panukalang ito na layuning pasiglahin ang business at investment climate sa bansa, lalo na ngayong napakalaki ng epekto ng pandemya sa ating ekonomiya,” ayon kay Go.
“Kaakibat sa ating muling pagbangon ang paglutas sa gutom, kahirapan at kabuhayan ng mga Pilipino. Makakatulong ang mga polisiyang ganito upang masuportahan ang mga negosyo, makapag-enganyo ng mga mamumuhunan, at makapagbigay ng mas maraming oportunidad sa mga Pilipino na manumbalik ang sigla ng kanilang pamumuhay,” idinagdag ng senador.
Unang hiniling ng economic team ng pamahalaan na kinabibilangan ng Department of Finance, Department of Budget and Management, Department of Trade and Industry at National Economic and Development Authority, na sertipikahan ng Pangulo ang mga nasabing panukalang batas, na ayon sa kanila ay napapanahon para mapabilis ang pagbangon sa ekonomiya dahil sa kasalukuyang pandemya.
Lilimitahan ng SB 2094 ang coverage ng public utilities para i-relax ang foreign equity restrictions sa ilang public service industries, gaya ng telekomunikasyon at transportasyon.
Ang SB 1156, sa kabilang dako, ay magpapababa sa minimum paid-in capital para sa foreign investors na makapagtayo ng small o medium-sized enterprises sa bansa mula US$200,000 tungo sa US$100,000 kung mayroon itong 15 direct employees.
Ang SB 1840 naman ay magpapababa sa capital requirements ng foreign enterprises na nais mamuhunan sa retail trade sa bansa mula sa US$2.5 million na magiging US$300,000 na lamang.
Sa gitna ng pandemya, iginiit ni Go sa pamahalaan na iprayoridad ang pagpapatupad ng investment plan na titiyak sa matatag na distribusyon ng yaman at magpapaangat ng socio-economic development sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa pamamagitan ng ganitong approach aniya, matutulungan ang mga komunidad na makarekober sa epekto ng COVID-19 pandemic at makapagbibigay ng economic opportunities sa mga nais makapagsimula ng bagong buhay sa mga lalawigan.
“Iba po ang panahon ngayon, kailangang tulungan at mas maenganyo ang mga investors na gustong pumasok dito sa atin. ‘Pag maraming investors, mas maraming trabaho,” sabi ni Go.
“Siguraduhin rin nating makabenepisyo dito ang mga kababayan natin sa malalayong komunidad. Marami na pong gustong umuwi sa kanilang probinsya kaya gawan natin ng paraan na may kabuhayan silang uuwian doon,” dagdag ng senador.
Si Go ang pangunahing nagplano ng Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program na layong i-decongest ang Metro Manila pero dapat ay palakasin ang socio-economic development sa mga lalawigan. (PFT Team)
The post Bong Go, pinuri si PRRD sa pagpapasigla ng negosyo, pamumuhunan sa bansa appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: