PABOR at saludo si Senator Christopher “Bong” Go sa ginagawang inisyatibong makatulong ng ilan nating mga kababayan sa kapwa Filipino sa pamamagitan ng inilalatag na community pantry kasabay ng panawagan sa iilan din na huwag itong “kulayan”.
Sinabi ni Sen. Go na ang mga inisyatibo, tulad ng community pantry, ay patunay na nananatiling buhay ang diwa ng bayanihan sa kabila ng sunud-sunod na mga pagsubok na dumadating sa bansa.
Anang senador, tama lang na magbigay ng tulong, ayon sa kakayanan, ‘yung mga may sobra.
“Kaysa masayang o mag-expire, mabuti nang mapakinabangan ito ng mga mas nangangailangan,” ani Go.
Ngunit ayon sa mambabatas, wala dapat kulay, walang pinipili at walang pulitika dapat ang pagtulong.
“Welcome po lahat ‘yan. Kahit anumang kulay — pula, puti, dilaw, asul — lahat ‘yan ay may parte sa bayanihan. Huwag nating haluan ng kulay ang mga inisyatibo ng iilan na nais tumulong sa kapwa nilang Pilipino. Iisa lang naman ang hangarin nating lahat at iyan ay ang maiahon ang buong bansa mula sa krisis na ito,” ani Go.
Tulad aniya ng palagi niyang sinasabi, kung anumang kabutihan ang pwedeng gawin para sa kapwa ay gawin na natin ngayon.
Hindi aniya ito panahon para magsisihan, magsiraan, o maglamangan pa bagkus ay panahon ito ng pagtutulungan, pagmamalasakit, at pakikiisa sa bayanihan.
“Let us continue to promote a culture of inclusivity and empower our people to participate in our collective efforts to overcome this crisis. Ang importante dito ay huwag nating pahirapan ‘yung mga nais tumulong dahil pare-pareho naman tayong gusto lang ay makapagserbisyo sa ating kapwa Pilipino,” sabi ng senador.
Idinagdag ni Go na ang bawat isa sa atin ay may ginagampanang papel sa pagsugpo sa COVID-19.
Ginagawa, ani Go, ng gobyerno ang lahat upang mapagaan ang hirap na pinapasan ng ating mga kababayan at tandaan din na ang giyera laban sa pandemya ay hindi laban ng gobyerno lamang.
“Laban ito ng buong sambayanang Pilipino at ng buong mundo,” pahabol ni Go. (PFT Team)
The post Bong Go sa community pantry initiatives: Pagtulong ng ilan, huwag kulayan appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: