SI Cardo ng sikat na Kapamilya seryeng Probinsyano at lalong kilala bilang si Coco Martin ang siyang bagong mukha na makikita sa vaccination information campaign ng kabisera ng bansa.
Sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na pumayag si Martin na samahan siya sa video info drive nang libre at hindi na nagdalawang salita ang aktor at sinabi pa nito na nais lamang niyang maglingkod sa publiko.
Sa pagnanais na makalikha ng herd immunity, sina Moreno and Vice Mayor Honey Lacuna ay aktibong nangangampanya sa mamamayan ng lungsod na samantalahin ang libreng bakuna na ibinibigay ng lokal na pamahalaan at tamasahin ang benipisyong dulot nito.
Ang 50-segundong video ay nagsisimula kay Moreno na nagbibigay ng mensahe: “Ang bakuna ay simbolo ng pag-asa..pag-asang maproteksyunan sa sakit ang ating mga mahal sa buhay.”
Ito ay susundan ng mga testimonya na mula sa isang public utility driver at miyembro ng educational institution na kapwa nagpapahayag ng pag-asa sa kinabukasang magbabalik sa dating normal ang buhay sa pamamagitan ng pagpapabakuna at saka lalabas si Martin.
“Huwag nang matakot, nandito na ang solusyon. Magpabakuna, para malabanan natin ang pandemya. Tulong-tulong tayo mga Pilipino. Kaya natin ‘to!,” pahayag ni Martin. Susundan naman ito ni Moreno ng mga linyang: “para makabalik sa normal, kailangan ng bakuna. Vaccination ang solusyon.”
Pagkatapos ay bìglang lilitaw sa screen ang mga katagang “Vaccine Nation is the Solution”. Bago pa dumating sa bansa ang mga bakuna ay ito na ang battlecry nina Moreno at Lacuna.
Labis na pinasalamatan ni Moreno si Martin sa kanyang suporta at kagustuhan na gumawa ng public service kung saan ipinahiram nya ng libre at walang bayad ang kanyang labis na katanyagan upang maging bahagi sa kampanya ng pamahalaang lungsod na mahikayat ang mga residente ng Maynila na magpabakuna.
Matatandaan na bago pa humudyat ang bisperas ng Bagong Taon nang ilunsad ang online pre-registration para sa mga residente ng Maynila para sa libreng bakuna kontra coronavirus.
Sinundan ito ng serye ng simulation exercises ng vaccination processes kung saan sina Moreno, Lacuna, Manila Health Department chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan at ang mga direktor ng anim na city-run hospitals ang nanguna.
Dahil sa malawakang simulation exercises na ito kung bakit ang kasalukuyang vaccination rollout na ginagawa ng pamahalaang lungsod ay mabilis at maayos.
Si Moreno na kauna-unahang alkalde sa bansa na nabakunahan ay nagsabi na hindi man magbibigay ng immunity ang bakuna ay magdudulot naman ito ng karagdagang proteksyon upang hindi mauwi sa severe case sakaling tamaan ng COVID-19 ang isang nagpabakuna na tulad nya.
Muli ay nanawagan si Moreno sa lahat ng mga residente na mag-register na sa https://ift.tt/3cQKROp kung nais nila ng libreng bakuna. (ANDI GARCIA)
The post Cardo ng Probinsyano, libreng pumayag sa vaccine info drive ng Maynila – Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: