ANG pagsulputan ngayon ng community pantries sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila maging sa mga probinsiya ay napakalaking ginhawa sa mga taong nawalan ng kita sa higit isang taon nang under quarantine ng Pilipinas dulot ng pandemyang Covid-19.
Oo! Dahil sa pagsara ng maraming negosyo bunga narin ng mga ipinatutupad na protocols, marami ang nawalan ng hanapbuhay, walang pambayad ng kuryente, tubig, upa sa bahay at higit sa lahat walang pambili ng pagkain at mga pangangailangan ng pamilya sa araw-araw.
Mabuti nalang at may isang ginintuang pusong magsasaka na nakapag-isip maglagay ng community pantry na puno ng kanyang mga produkto sa pagsasaka, dahilan para ma-inspire ang marami at maglagay narin sa kanilang lugar ayon sa kanilang kakayahan para makatulong sa mga naghihirap na nilang mga ka-barangay.
Ngayon ay pabonggahan na ng community pantries. Isa sa pinakasikat ay ang sa Maginhawa St., Diliman, Quezon City na inorganisa ng “aktibistang” si Patriacia Non. Umaabot ng isang kilometro ang pumipila rito araw-araw mula umaga hanggang hapon, at napakarami ng nagdo-donate sa higit isang linggo nang pantry.
Isang barangay kapitana naman sa Hagonoy, Bulacan na si dela Cruz ang nag-organisa ng community pantry sa kanyang lugar. Mistula itong palengke sa laki, kumpleto: bigas, itlog, isda, gulay, prutas, noodles, at mga panghalo.
Sa Ampatuan, Maguindanao, isang grupo rin ng mga kapatid nating Muslim ang nag-organisa ng malaking pantry. Mga karneng manok, itlog, gulay, prutas, isda at noodles naman ang laman. Galing!
Dahil sa mga community pantry na ito ay kumita rin kahit papaano ang mga magsasaka at mangingisda. Pinapakyaw kasi ng organizers at ng mga nagdo-donate ang kanilang mga produkto na ibinibigay narin nila ng bagsak presyo pagkat halos wala narin bumibili sa kanila dahil nga wala nang pambili ang mga tao bunga ng kawalan ng mga hanapbuhay.
Kung ito’y nagagawa ng mga ordinaryong mamamayan, bakit hindi magawa ng Department of Agriculture. Ipamigay narin muna nila ang NFA rice na nabubulok na sa mga bodega.
Ang Department of Health (DoH), nag-e-expire lang ang mga gamot at bitamina sa kanilang tanggapan, ipamigay nalang muna nila ito ngayong may pandemya. Dahil wala na talagang pera ang mga tao para pambili ng mga gamot dahil wala na ngang hanapbuhay, sarado ang mga business establsihment. Ang mga driver, wala naring kita dahil limitado ang dapat isakay na pasahero at may curfew hours pa.
Sa higit isang taon nang under quarantine ang Pilipinas, marami na talaga ang naghihirap, wala nang pambili ng pagkain sa pamilya. Many thanks sa pagsulputan ng community pantry.
Pero ang gobierno ang dapat gumawa nito. Mismo!
***
Sinagot ni Patricia Non ang patutsada ni Usec Lorraine Baduy, spokesperson ng National Task Force to End Local Communists Armed Conflict (NFT-ELCAC) na may P19-B pondo, na dapat i-audit ang donasyon ng private sectors sa community pantry ng Maginhawa.
Sabi ni Non: “Ready po, sige… Call out nalang din ako ng mga volunteer na willing tumulong sa akin sa accounting.”
Ang malupet, nagsalita rito ang opisyal ng Commission on Audit na si Hiedi Mendoza: “Madam bago ka po humingi ng accounting for funds given to Community Pantry, be ready to submit an accounting of your discretionary funds. Partida po ‘yan, hindi ko pa hinihingi kung paano n’yo ginagamit ‘yung insurgency funds. Private funds are freely given unlike public funds which are usually imposed upon the citizenry.”
Si Baduy ang sinasabihan rito ng CoA official. Yari ka!
The post Community pantries para sa gutom nang mamamayan appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: