Bilang pagtalima sa ipinatutupad na quarantine status sa Metro Manila, nagpasya ang pamunuan ng Tondo High School Tahanan ng Alumni Association sa lungsod ng Maynila na gawin na lamang sa Mayo 30 ang grand raffle draw para sa kanilang proyektong “Donation for a Cause Elevator Project.”
Sa isinagawang pagpupulong, napagkasunduan ng mga opisyal ng THST Alumni Association kung saan nagsisilbing Presidente si P/Lt.Col. Rosalino Ibay Jr., ang hepe ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ng city hall, na gawin na lamang sa Mayo 30, 2021 (Linggo) ala-1 ng hapon ang nasabing grand raffle draw kung saan una itong itinakda nito lamang nakaraang Abril 24, 2021.
Dinaluhan ang nasabing pagpupulong nina Tondo High Admin Rodrigo Natividad – Principal, Julie Madera-THS Coordinator to Alumni, Helen Grave Villanueva-Alumni Adviser, Esmhie Eas-Faculty President, THST Alumni Association Vice President Winnie Fababier, Sec. Jessica Porqueza, Treasurer Maricel Micael, Auditor Marco Apolonio, at PRO Jon Jon Novelo.
Matatandaan na inilunsad kamakailan ang proyektong “Donation for a Cause Elevator Project” ang Tondo High School Tahanan Alumni upang may magugol sa pagpapagawa ng elevator sa gusali ng Tondo High School (THS).
Layon ng ilalagay na elevator sa apat na palapag na paaralan na matulungan ang mga PWD students, senior citizen at sa mga guro.
Tuloy-tuloy naman ang pagbebenta ng grupo ng mga donation card sa halagang P200 kada isa at kapalit naman ng pagbili nito ay ang tyansa ng mga bibili ng card na magwagi ng brand new 2020 model na NMax na motorsiklo bilang grand prize.
Bukod sa NMax motorcycle, may nakalaan pang mga premyo sa mga bibili ng card na 1 brand new electronic motorcycle, 1 brand new electronic trolly at mga consolation prizes tulad ng 7 brand new na mga mountain bike, at 100 piraso ng tig-25 kilo ng bigas.
Mapapanood ang grand raffle draw sa FB Live sa pamamagitan ng Channel Redz, Louie Gutierrez Vlog at Tahanan ng Alumni page.
Inanyayahan naman ng mga opisyal ng THS Alumni Association ang publiko partikular na ang mga Manilenyo na makiisa sa gawaing ito upang maging makulay at matagumpay ang proyekto para sa nasabing pampublikong paaralan kung saan hindi pa batid ng marami na sa naturang mataas na paaralan din nag-aral si Mayor Isko Moreno kung saan naging magka-klase pa sila ni Lt.Col. Jhun Ibay.(Jocelyn Domenden)
The post MAYO 30 NA ANG GRAND RAFFLE DRAW SA ELEVATOR PROJ. PARA SA PAMPUBLIKONG ISKUL SA MAYNILA appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: